Matagal na panahong hinanap ni Galang Kaluluwa ang puting espiritu ni Elena mula sa ilog kung saan siya nagpatiwakal. Ngunit, hindi nito alam na bago pa man umahon ang puting espiritu mula sa wala nang buhay at nalunod na si Elena, kinuha na iyon ni Ulilang Kaluluwa.
Nasubaybayan nito ang buhay pag-ibig ni Galang sa Alitaptap at maging sa Lambak ng mga Kaluluwa. Kaya ganoon na lamang kung mainggit ito. Kaya mula sa Gehenna ay lumabas ito't naghanap ng mapagdidiskitahan. Subalit, hindi siya nagtagumpay na makuha ang puso ni Elena nang mga panahong iyon.
Nang makakuha nga ng tamang pagkakataon, walang alam si Galang na matapos magtapat ng pagtangi at pag-ibig si Elena sa kaniya at hindi niya ito sinuklian, sumanib ito sa katawan ng dalaga't tumalon sa bangin. Walang alam si Galang na ang boses na iyon habang bumubulusok ang dalaga ay hindi na kay Elena, kung hindi sa kaniya.
Itinago niya ang puting espiritu o kaluluwang si Elena at kaniya itong nakapiling sa isang maliit na islang hindi na sakop ng Alitaptap na kung tawagin ay Tutubi.
"Sino ka at nasaan ako? Ano ang nangyari sa akin?" tanong ng kaluluwang si Elena sa anyo nitong mortal.
"Nasa Tutubi ka, Elena. Ako si Ulilang Kaluluwa. Ako lang naman ang sumagip sa iyong kaluluwa pagkatapos mong tumalon sa bangin at malunod sa ilog sa Alitaptap. Tanda mo ba?" paliwanag naman nito.
Parehong nasa anyong-mortal ang dalawa. Ang kaibahan lamang ay kulay itim ang mayroon kay Ulilang Kaluluwa.
"Hindi! Hindi maaari ang iyong sinasabi! Alam kong hindi ko magagawang tumalon sa bangin na iyon. Kahit pa---"
"Kahit pa hindi sinuklian ni Galang ang iyong pagtangi o pag-ibig sa wika ninyong mga mortal?"
Dahil nga wala na siya sa kaniyang katawang tao ay hindi na rin maalala ni Elena ang totoong nangyari. Ngunit hindi naman maalis sa isipan ang katotohanang tinatangi nga niya si Galang.
"Huwag mo nang pangarapin pang magkikita pa kayo ni Galang bilang isang kaluluwa. Pagkat ang mga huling salitang binanggit mo sa kaniya ay hindi galing sa iyo kung hindi galing sa akin. Pagmasdan mo, Elena!"
Napapailing si Elena sa narinig. Nang ipakita nga sa kaniya ni Ulilang ang nangyari ay hindi siya makapaniwala. Tumalon nga ang katawan nito sa bangin mula sa Lambak ng mga Kaluluwa habang tinatangkang sagipin siya ni Galang at ang huling sinabi nga nito sa tinatangi bago siya tumalon ay nagdulot sa kaniya ng matinding pasakit at kalungkutan.
"Elena! Bakit?"
"Patawarin mo ako, Galang. Ikaw na rin ang nagsabi na walang patutunguhan ang aking katangahan sa pag-ibig, mas mabuti pang wakasan ko na lamang ang aking buhay at maging isang espiritung ligaw nang habambuhay kitang makakapiling."
Ang kaluluwang si Elena ay napaluhod na lamang at napahagulgol. Wala itong magawa kung hindi umiyak at lumuha sa harapan ni Ulilang.
"Huwag kang mag-alala, ligtas ka sa Tutubi. Ito ang iyong magiging bagong tahanan. Dito sa kagubatan ay magagawa mo ang iyong hilig sa mga halaman, bulaklak at mga hayop. Magiging masaya ka rito, Elena."
Sinubukan ni Ulilang na kalamayin ang kalooban ng lumuluhang kaluluwa. Tunay ngang napakaganda ni Elena kaya, ganoon na lamang kung kaniyang pagmasdan ito. Subalit ang inakala niyang magpapasaya sa dalaga ay hindi nangyari.
Pagkat sa mga araw na nagdaan, tinangka ni Elena na umalis sa Isla ng Tutubi. Hindi naman ito nagtagumpay dahil may harang ang buong kapaligiran ng Tutubi. Walang sinumang mga kaluluwang ligaw na nasa islang iyon ang makalalabas. Kasama na roon ang isang katulad ni Elena.
"Huwag mo nang tangkain pang tumakas, Elena. Isa ka ng ligaw na kaluluwa rito at malayang makagagalaw anuman ang iyong nais."
"Nagsusumamo ako sa iyo, Ulilang, pakawalan mo na lamang ako't hayaang husgahan sa tamang timbangan kung nararapat bang ako ay mapunta sa langit o sa impiyerno. Hindi sa ganitong paraang ikukulong mo ako rito!"
"Para ano? Para hanapin si Galang at habambuhay kayong magiging masaya? At ako naman ay maiiwang mag-isa habambuhay sa Gehenna? Hindi ako makapapayag!"
Binalot ng kadiliman ang kapaligiran ang Isla ng Tutubi. Itim na itim rin ang kulay ng mga kaulapan. Sunod-sunod na rin ang pagkulog at mga pagkidlat sa islang iyon lamang at ang kaluluwang si Elena ay makailang beses na pinatatamaan ng kidlat.
Hiyaw nang hiyaw ang dalaga. Sigaw nang sigaw ang walang kalaban-labang kaluluwang si Elena habang umaalingawngaw naman sa lahat ng sulok ng Isla Tutubi ang halakhak ni Ulilang.
"Ulilang Kaluluwa!"
Dumagundong ang tinig sa buong isla. Isang nakasisilaw na liwanag ang bumulaga sa harapan ni Ulilang at tumigil ang mga pagkulog at pagkidlat. Nang magmulat siya'y nakita niya ang walang malay na kaluluwang si Elena na nasa mga bisig na ni Galang na katabi si Magwayen.
"Ang isang tulad mo ay hindi kailanman nararapat na manirahan sa mundo ng mga mortal, Ulilang Kaluluwa! Kamatayan ang iyong magiging kaparusahan sa ginawa mo walang kalaban-labang na kaluluwang daang taong hinanap ni Galang!"
Nasa harapan nito si Bathala. Ang diyos na kaniyang kinasusuklaman at minsan na rin niyang hinamon sa posisyon ng isang Hari ng Sanlibutan.
"Kung iyan ang iyong nais, Bathala, lalabanan kita higit sa aking makakaya! Sisiguraduhin kong matatalo kita't luluhod ka sa aking mga paa at ako ang magiging hari ng buong sanlibutan na iyong iniingatan!"
Gigil na gigil si Ulilang. Nagliliwanag sa galit ang kaniyang mga mata. Lumalabas sa buong katawan niya ang mga kidlat at pinatamaan ang isang bathala. Ngunit, kahit anong pagpapakawala nito ng mga sibat na kidlat ay bigo siyang magalusan.
"Binigyan kita ng pagkakataon ngunit, hindi ka nakinig. Lumabas ka pa mula sa Gehenna't pinarusahan ang isang kaluluwa, Ulilang! Ipinapataw ko ang habambuhay na kamatayan sa iyo!"
Nasilaw si Ulilang sa liwanag na nagmumula sa buong katawan ni Bathala. Ang liwanag na iyon ang naging dahilan upang sumabog si Ulilang. Ang sumabog na parte ng katawan nito ay naging mga butil ng mga binhing nagkalat sa iba't ibang bahagi ng lupain ng mortal at mga bituing inihagis ni Bathala sa kalangitan.
SAMANTALA, nang mawala si Ulilang ay kinuha na ni Magwayen ang Kaluluwang si Elena at dinala ito sa Salud upang doon ay mamuhay ng tahimik. At bilang gantimpala sa katapatan ni Galang ay pinahintulutan niyang mabisita si Elena roon kahit kailan man niya naisin.
BINABASA MO ANG
Legends Of The Forgotten (Filipino Version)
FantasyTatlumpung kuwento ng pag-ibig ng mga diyos at diyosang ibabalik mula sa nakaraan patungo sa kasalukuyan.