Liwanag Na Hindi Maabot

3 0 0
                                    

Naglalakihang mga bolang apoy. Walang katapusang mga hugis-buwang maliliit na punyal ang nagsasalpukan. Maririnig ang matitinis na ingay at palagiang pagsabog ng dalawang bagay sa Langitara.

Buhat nang mamatay ang kanilang amang Bathala, nagsimula rin ang hidwaan sa pagitan ng nakatatandang kapatid na si Apolaki, diyos ng araw at digmaan at ni Mayari, ang diyosa ng buwan sa kung sino ang maghahari sa buong sanlibutan.

Ngunit walang kaalam-alam ang dalawa na walang napili si Bathala na hahalili o papalit sa kaniya.

"Ako ang nakatatandang kapatid, MayariNararapat lamang na ibigay mo sa akin ang katungkulan bilang susunod na maghahari sa buong sanlibutan!"

Nagliliyab ang buong katawan nito habang patuloy na nagsasaboy ng mga maliliit na espada kay Mayari.

"Walang sinabi ang ating ama kung sino sa ating dalawa ang mamumuno, Laki! Mas mainam na pumayag ka na lamang na maghati tayo sa tungkulin. Sa iyo ang umaga at sa akin naman ang gabi!"

Hindi rin patatalo ang diyosa ng buwan. Napalitan lamang itong kalabanin ang nakatatandang kapatid dahil sa pagpupumilit na angkinin ang buong sanlibutan. Na hinding-hindi niya pahihintulutan anuman ang mangyari. Kaya tama lamang na daanin niya rin ito sa dahas.

Lalong nag-aapoy sa galit si Apolaki. Ang kalmado namang si Mayari ay kumikinang lamang sa harapan ng kaniyang nakatatandang kapatid. Hindi niya hayaang maghari si Apolaki.

Minsan na rin kasing nasabi sa kaniya ng amang si Bathala na kung sakaling hindi pumayag si Apolaki, kailangan niyang protektahan ang mundo ng mga mortal.

"Mayari, kung mawala man ako, nais kong protektahan mo ang mundo ng mga mortal sa kamay ni Apolaki. Ang pangangalaga mo sa alaala nina Liway, Sandy at Baste ay isang patunay lamang na kaya mo ring alagaan ang kanilang tahanan. Panatilihin mo ang balanse ng Langitara sa mundo ng mga mortal. Maipapangako mo ba?"

Hindi pa batid ni Mayari noon ang ibig sabihin ng ama, ngunit ngayong nasaksihan niya ang liit ng pisi ng pasensya ni Apolaki, hinding-hindi niya pahihintulutan ang balak nitong pagharian ang sanlibutan.

Nagpatuloy ang sukatan ng lakas. Sunod-sunod na mga pagsabog ang dumadagundong at pansin na pansin din ang mga maliliit enerhiyang kumakalat na parang mga bituing nagkikislapan.

Tanging si Tala lamang ang hindi umanib sa isa sa kaniyang mga kapatid. Bumaba muna ito sa Langit-Lupa upang doon ay pagmasdan ang nangyayari sa Langitara.

Parehong ramdam na ng dalawa ang pagod. Ngunit, mas nangingibabaw ang lakas ni Apolaki kaysa sa babaeng mandirigma ng buwan na si Mayari, kaya upang tapusin na ang laban, lumikha pa nang napakarami at sunod-sunod na hugis-espadang mga apoy ang diyos ng araw sa harapan ni Mayari.

Ganoon rin ang ginawa ng huli, ngunit sa hindi inaasahan ay tinamaan ang isa sa mga mata ni Mayari't sumigaw ito nang pagkalakas-lakas. Sa tindi ng pagkakasigaw niyon ay sumabog na rin sa galit ang diyosa ng buwan at isang nakasisilaw na liwanag ang naging dahilan upang itapon si Apolaki palabas ng Langitara.

AT NATAGPUAN ni Apolaki ang sariling nasa isang kubong hindi pamilyar.

"Mabuti naman at nagising ka na. Halos isang buwan ka ring nakatulog. Natagpuan kitang walang malay, sugatan at duguan sa isang parte ng kagubatang sakop ng Isla Kalinaw sa aming bayan. Ako nga pala si Alina. Ikaw, ano ang iyong pangalan?"

Isang simpleng babae. Balingkinitan ang pangangatawan. May talukbong sa ulo at nakasuot ng isang simpleng bestida na may mahahabang manggas at paldang lagpas hanggang tuhod.

Siya si Alina, isang manggagamot na kilala sa kaniyang kabutihang loob at malalim na karunungan. Na ang tanging hangad lamang ay manggamot at makatulong sa ibang tao.

Legends Of The Forgotten (Filipino Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon