Alaalang Kalilimutan

6 0 0
                                    

Sa isang malawak at napapaligiran ng matataas na mga puno, sa pinakatuktok ng Lambak-Sibulan, nakatira si Dumangan. Siya ang Punong Bantay o Diyos ng Kagubatan.

Sa paanan ng Lambak-Sibulan ay may isang maliit na kumunidad na ang pangalan ay Bayin-Talampas. Ang kumunidad na iyon ay malapit sa puso ni Dumangan. Kaya ganoon na lamang kung ito ay kaniyang pangalagaan.

Pangingisda. Pangangaso at pagsasaka ang ikinabubuhay ng mga tagaroon. Hindi salat sa pagkain ang mga mortal dahil sa pangangalaga ni Dumangan. Kaya malaki ang pasasalamat ng mga ito sa masaganang aning kanilang natatamasa.

"Mahal naming Dumangan, tanggapin po ninyo ang aming mga alay. Tanda ng aming taos-pusong pasasalamat."

Buwan ng Mayo. Lahat ay nagtitipon sa harapan ng kambal na lambak at mataas na talampas. Sa isang mahabang mesa ay naroon ang mga kinatay na mga hayop, mga gulay, at mga prutas. Maging ang inaning mga palay ay kasama sa mga inalay ng mga taga-Bayin-Talampas.

Nakaluhod ang lahat. Taimtim pang nananalangin sa diyos ng kagubatan at kasaganaan maliban sa isang dalagang nagmula sa siyudad.

Nasa tuktok ng Lambak-Sibulan si Dumangan at nakita sa kaniyang matatalas na mga mata ang nangyari. Umabot rin sa kaniya ang insenso ng pagpapasalamat.

Ngunit, tila isang tinik naman sa lalamunan ang isang babaeng napansin niya. Tila wala itong alam sa  tradisyon ng mga taga-Bayin-Talampas. Bagay na kaniyang ipinagtataka. Upang tuklasin kung bakit, nagpasiya si Dumangan na bumaba at nagbalat-kayong isa rin sa dayong may kaunting kaalaman sa nangyayari.

"Mukhang gulat na gulat ka sa iyong nakikita," aniya nang lumitaw sa tabi ng babae.

"I'm sorry. I am intrigue by the way of living of these people," sagot nito sa wikang Ingles.

Napakamot sa ulo si Dumangan. Wala siyang alam sa lenguahe ng dalaga.

"Paumanhin. Ang ibig kong sabihin ay isa akong journalist o manunulat sa pahayagan at ang bayan ng Bayin-Talampas ang isa sa aking sinasaliksik kung paano ang pamumuhay ng mga tao ritong malayo sa siyudad," pagtatama nito nang mapansin ang pagkunot ng noo ni Dumangan. "Ako nga pala si Dalisay."

"Mangan. Tawagin mo na lamang ako sa ngalan na iyan. Isa rin akong dayo, ngunit may kaunting kaalaman tungkol sa lugar na ito. Nais mo bang gabayan kita?" magiliw na paanyaya naman nito.

"Kung hindi ba makaabala sa iyong oras, Mangan, bakit hindi?" masayang wika nito at agad na kinuha ang kaliwang kamay ni Dumangan at nakipag-shake hands.

DOON NA NGA nagsimula ang unang beses na nakisalamuha si Dumangan sa isang mortal. Dala marahil ng kaniyang kuryusidad sa babaeng nahagip ng kaniyang mata, kaya nagpasiya itong maging gabay ni Dalisay.

Dinala ni Dumangan si Dalisay sa iba't ibang parte ng kagubatan. Sa mga nagtataasang mga puno ng Nara patungo sa mga naggagandahang mga hardin hanggang sa buhay pangangaso, pagsasaka at pangingisda, kaniyang ginabayan ito. Panay naman sa paglilista sa tinatawag nitong maliit na notebook ang ginagawa ni Dalisay.

Matulin ding lumipas ang mga araw, linggo hanggang sa naging buwan, nanatili si Dalisay sa kumunidad ng Bayin-Talampas. Ginawan siya ni Dumangan ng isang maliit na kubong malapit sa ilog. May bintanang tanaw ang naggagandahang mga bulaklak at ligaw na halaman at sinigurong malayo sa mababangis na mga hayop.

Sa mga araw na nagdaan ay nakilala na rin ng mga tagaroon si Dumangan bilang si Mangan. Isa na rin siya sa mga nangangaso, nangingisda at nagtatanim ng mga palay at mga gulay.  Na hindi naman hinayaan ni Dalisay na mawala sa isipan ang kabutihang-loob na nakikita sa katauhan ng isang si Mangan.

Sa tuwing magbubungkal ito ng lupa, maghahagis ng lambat o magbuhat ng mabibigat na mga kaing ay manghang-mangha si Dalisay sa kulay kape nitong balat, matitipunong pangangatawan at kakisigan. Bagama't ang kaniyang pananatili ay isa lamang obligasyon at pananaliksik, unti-unti namang nahuhulog ang loob nito sa binata.

SAMANTALA, ganoon rin ang paghangang nadarama ni Dumangan sa mortal na si Dalisay. Sa mala-porselana nitong kutis at kulot na buhok, maging sa magalang nitong pakikitungo sa mga taga-Bayin-Talampas, alam ni Dumangan na may pitak ang dalaga sa kaniyang puso.

Nang sumapit ang araw na nagdesisyon na si Dalisay na bumalik sa siyudad, doon na rin parehong nagtapat ang dalawa. Ngunit, ang kanilang pagtatapat ay nagdulot lamang ng isang matinding pagtatalong malalagay sa panganib ang buhay ng babae.

"Mahal kita, Mangan, ngunit hindi ako nararapat na manatili pa rito."

"Anong saysay ng pananatili mo rito kung sinasabi mong hindi ka karapat-dapat, Dalisay? Huwag mong isipin ang mga salitang iyan. Mahal ka ng mga tao rito. Mahal din kita."

"May pamilya akong uuwian, Mangan. Paumanhin kong hindi ko nabanggit ito sa iyo. May asawa at anak na akong naghihintay sa akin. Trabaho lang ang naging dahilan ng pagparito ko. Kung nahulog man ako sa iyo ay sa kadahilanang mabuti kang tao."

"Hindi maaari ang iyong gusto!"

Dumilim ang paligid. Lumakas ang ihip ng hangin. Tila nagbabadya ang isang malaking delubyo. Nang tingnan ni Dalisay si Mangan, halos maghiwalay ang puso niya sa kaba.

"Mangan? Anong nangyayari sa iyo?"

"Wala pang mortal na nagparanas sa akin ng ganito. Ikaw pa lamang, Dalisay. Ako si Dumangan, ang diyos ng kagubatang ito at nag-iisang bantay ng Lambak-Sibulan at Bayin-Talampas ay hindi ka pahihintulutan sa iyong nais!"

"So, tama pala ang mga kuwentong-bayan sa lugar na ito. May isang diyos na tagapangalaga ng lugar na ito. Ikaw si Dumangan?"

"Ako nga, Dalisay! Kung nais mong mabuhay, dalawa lamang ang iyong pagpipipilian. Ang manatili rito kapalit ng habambuhay na kasaganaan o kamatayan kung hindi mo pipiliin ang aking kagustuhan!"

Lalong lumakas ang ihip ng hangin. Sunod-sunod na rin ang pagbagsak ng ulan. Nang mga oras na iyon ay napaluhod na lamang si Dalisay at humingi ng tawad sa kaniyang mga nasabi.

"Patawad, Dumangan. Mahal kita, ngunit mas pipiliin ko pa ring bumalik sa aking nakasanayan kasama ang dalawa kong anak na parehong sampung taong gulang. Alam kong ako ang may kasalanan kaya ika'y nagagalit, ngunit buo pa rin ang aking desisyon. Pipiliin ko pa ring umalis kahit ang magiging kapalit ay ang aking buhay."

Nag-aapoy na ang mga mata nito. Nakataas na rin ang dalawang kamay ni Dumangan upang tawagin ang kidlat at paslangin si Dalisay. Ngunit ang mga salitang binitiwan nito'y pana at balisong na nagpalambot sa kaniyang puso.

"Humayo ka at tumalikod, Dalisay. Huwag na huwag kang lilingon hanggang makaalis ka rito. Binibigyan kita ng kalayaan na magpatuloy sa iyong buhay at balikan ang iyong pamilya sa kondisyong hinding-hindi ka na muli pang magpapakita sa lugar na ito!"

Tumayo si Dalisay at tumalikod. Pagkatapos marinig ang kondisyong iyon, kahit masakit sa babae ay nagpasalamat pa rin ito sa lalaking magiging parte na lamang ng kaniyang alaala.

"Maraming salamat sa iyong kabutihan, Dumangan. Asahan mong ang iyong kadakilaan ay aking isusulat upang marami pa ang makaaalam kung gaano kadalisay ang iyong puso. Muli, maraming salamat at paalam."

Ang mababagal na mga hakbang ni Dalisay ay pabilis nang pabilis hanggang sa luhaan itong tumatakbo palabas sa lugar na iyon. Nang mawala sa paningin ni Dumangan ang babae ay siya namang paglaho nito't bumalik sa tuktok ng talampas.

MULA NOON, hindi na muli pang bumaba si Dumangan. Nanatili pa rin siyang tagapagbantay ng Bayin-Talampas at sa tulong ni Idinayale, unti-unting naglaho sa puso nito si Dalisay, ang natatanging mortal na kaniyang inibig at napalitan ng panibagong saya at alaala sa katauhan ng isang diyosa.

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Legends Of The Forgotten (Filipino Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon