Sa lahat ng mga imortal na pinarusahan, tanging si Dian Masalanta lamang ang pinakamasaya sa lahat. Nangyari iyon nang umibig siya sa isang mortal na nagngangalang Kalel Malabanan. Na nang mga panahong iyon ay nawalan ng asawa at anak dahil sa isang malagim na aksidente.
MASAYANG nagmamasid si Dian noon sa isang mahiwagang lawa na kung tawagin ay Kampupot. Isang lawa sa Bundok Makiling, kung saan ay napapalibutan ito ng mga nanari-saring mga ligaw na halaman at naggagandahang mga bulaklak lalo na ng paborito niyang mga ligaw na orkidya.
Nagitla ang kagubatan ng Makiling at maging ang Lawa ng Kampupot sa isang matinis, nakabibingi at malakas na pagsabog na kaniyang narinig sa paanan ng bundok. Mula sa isang marilag na may koronang napapalibutan ng ligaw na orkidya na kung tawagin ay Waling-Waling, mabilis itong nagpalit ng anyo sa isang malaking agila upang tukuyin ang kinaroroonan ng malakas na pagsabog.
Habang lumilipad sa himpapawid ay maririnig ang matitinis nitong sigaw na kriiik-kriiik. Nang kaniyang matagpuan ang pakay, pinagmasdan ni Dian ang isang kotseng nakasabit sa sanga ng isang punong kaunting galaw lamang ay mahuhulog na ito sa bangin.
"Mariya! Karina! Gising! Gumising kayong dalawa!"
Dinig na dinig ni Dian ang sigaw ng lalaki. Tinalasan pa niya ang kaniyang mata upang makita ang nangyayari sa loob. Puno ng mga bubog at sugatan ang babaeng nakaupo sa harapan habang ang isang dalaga na anak nito ay natuhog ng isang nakausling sanga na pumasok sa likurang bahagi ng sasakyan. Parehong walang malay ang asawa at anak.
Tanging ang lalaki lamang ang may malay. Tinig lamang niya ang sumisigaw ng saklolo. Ngunit, ang daang kanilang tinahak ay isang ligaw na daan na hindi dapat nila dinaanan. Marahil iyon ang dahilan kaya sila naaksidente. Gumagalaw ang sasakyan. Dinig na rin ang sunod-sunod na krak ng sangang isang galaw na lamang ay mababali na.
"Mariya, mahal ko! Karina, anak ko! Gumising kayo! Tulong! Tulong!"
Gustuhin mang tulungan ni Dian ay hindi niya hawak ang kapalaran ng mortal. Tanging panalangin na lamang ang nagawa niya na sana ay makaligtas ang lalaki.
"Dian! Nakatakda na ang kapalaran nila. Nasa listahan ko na ang asawa at anak niyang aking mamarkahan saka ihahatid ni Magwayen patungong Lalangban," tinig ni Sidapa ang dumagundong.
Bagama't tanging sa mga isipan lamang sila nag-uusap, nanatiling tahimik lamang si Dian sa anyong-agila. Kung hindi niya pipigilan ang sarili ay tatraidorin na naman siya ng kaniyang mga luha.
"Panginoon, nagmamakaawa ako! Tulungan mo po kami!"
Ang panalanging iyon ay tagos sa puso ni Dian. Ngunit, hindi na nga niya hawak ang mangyayari sa lalaki. Dahil iyon na rin ang huling panalangin na sinambit niya bago bumulusok ang kotse sa bangin. Sinundan na lamang ng mga mata ni Dian ang kababagsakan ng kotse't nanalangin na makaligtas ito..
Gumulong-gulong ito nang gumulong. Makailang beses mang sumabit sa mga sanga ng naglalakihang mga puno, tuloy-tuloy ang pagbagsak niyon hanggang sa pinakaibabang parte.
BINABASA MO ANG
Legends Of The Forgotten (Filipino Version)
FantasyTatlumpung kuwento ng pag-ibig ng mga diyos at diyosang ibabalik mula sa nakaraan patungo sa kasalukuyan.