We are almost near the conclusion of the story! PS. Know the diff between based on t̶̶r̶̶u̶̶e̶ story and inspired by a t̶̶r̶̶u̶̶e̶ event. -y
CAPITULO 33 – Glitch
"BAKIT KA NAG-DRAWING NANG GANITO?!"
Nag-angat na ako ng mukha para lang magtaka dahil walang estudyante na nakapila sa harapan ko. Wala pero bakit may mga kamay sa ibabaw ng desk ko?
Mga kamay ng tila nilalang na hindi umabot ang taas sa aking desk, upang makita ko ito!
Nanuyo ang lalamunan ko. Ang mga kamay na nakikita ko sa aking harapan ay maputi, makinis, mahahaba ang mga daliri. Hindi mo iisiping kamay ng isang maliit na tao. Hindi rin sa isang bata.
Marahan akong umahon sa aking kinauupuan. Marahang umusod patungo sa harapan. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Sisilipin ko lang. Gusto ko lang makita kung anong uri ng estudyante ito, at bakit hindi ko pa ito nakikita.
Tiningnan ko ang aking klase, kanya-kanya sa ginagawa ang mga estudyante. Balewala sa kanila. Kung ganoon ay normal lang siguro ang ganitong pangyayari. Siguro nga ay estudyante ko lang din talaga ito at kanilang kaklase.
Habang palapit ako sa harapan ay nasisilip ko na roon ang sahig. Walang nakatayo. Pero may nakahiga. Tanging ngayon lang. Ngayon ko lang ito makikita Ang dulo ng nakakalat nitong buhok sa sahig ay nasisilip ko na. Bakit ito nakahiga? Anong ginagawa nito?
Palapit na ako... Papalapit nang papalapit nang—
TIGILAN MO.
Isang pamilyar na baritonong boses ang aking narinig.
KENA, TIGILAN MO.
Napatingin ako muli sa mga estudyante ko, pero wala sa kanina ang nagsalita. Sumunod kong tiningnan ang pinto, wala naman doong tao. Saan galing ang boses? Ang pamilyar na boses?
Parang boses ng isang taong nawawala. Isang taong hindi ko mapagdesisyunan kung gusto ko nga bang makita.
Biglang may kumatok.
Saan galing iyong katok?
Bakit hindi naririnig ng iba?!
KRRRIIIINGGGG---!!!
Uwian na? Ang bilis? Nagtayuan na ang mga estudyante. Napakurap-kurap ako. Sobrang absent-minded ko, hindi ko na napansing tapos na ang klase.
"Goodbye, class," sabi ko sa mga ito. Nahihiya ako dahil parang wala ako ngayong gaanong naituro.
Nagsipaglabasan na ang mga ito. Ni hindi man lang nagpaalam sa akin. Excited sigurong mga makauwi. Napalabi ako. Iba na talaga ang mga kabataan ngayon kaysa sa mga kabataan noon.
Nakalabas na lahat ng mga estudyante ko sa room habang ako ay nagliligpit pa ng aking gamit.
"Kena, magpalit ka na ng damit."
Napatingala ako mula sa pag-aayos ng gamit. Nagulat dahil nakatayo sa harapan ko si Julian. Anong ginagawa ni Julian dito sa classroom? Dito sa school?!
Magkasingtangkad na sila ng kuya niya kaya nakakangalay na siya lalo tingalain. Nagbibinata na kasi talaga. Pati nga ang boses niya, malaki na rin.
Nakangiti ako sa kanya pero nabura ang ngiti ko nang agawin sa akin ang kung ano mang inililigpit ko. Hindi lang iyon, hinila niya pa ako sa braso. Sa pagkabigla ay napasubsob tuloy ako sa ilalim ng mabangong leeg niya.
BINABASA MO ANG
Beware of the Class President
HorrorFLAMES: F- Forever, L-Love, A-Angry, M-Married, E-Enemy, S... Sinister ... Isang taon na nahinto ang sikat na estudyante sa Sto. Cristo, naaksidente na sanhi ng pagka-coma nito. Nang gumaling at magbalik-eskwela ay tila ba ibang tao na. Pero para ka...