CAPITULO 6 - Awakening

66K 3.5K 1.8K
                                    

CAPITULO 6


WAG MONG PAPANSININ. WAG MO KAHIT TINGNAN. MAS LALONH WAG NA WAG KAKAUSAPIN.


Bata pa lang ako, iyon na ang paulit-ulit na sinabi noon sa akin. Ang dali-dali lang sabihin, pero mahirap gawin! Hindi ako bulag, bingi, o manhid. Mas lalong hindi ko kayang ipagwalang bahala kung alam ko na may mapapahamak sa paligid. 


Ipinilig ko ang aking ulo at patakbo ako na sumunod kay El. Tinatawag kami ng teacher namin pero ni lumingon ay wala itong napala sa amin. Pagkalabas ko sa room ay natanaw ko si El na nasa dulo na ng corridor. Nanakbo ako para habulin siya. Basta bahala na.


Gusto kong malaman kung sino iyong bata. Kung ano ito. Ano ang dahilan nito. Pero nang makarating kami sa hagdan ay wala roong katao-tao. Hindi ko na rin matanaw iyong bata kahit saan. Nawala na at hindi niya na naabutan. Huminto si El at nagtatagis ang mga ngipin na napasandal sa pader habang kuyom ang mga kamao. 


Humihingal man dahil sa pagtakbo ay sinikap ko na magtanong, "El, sino iyon? Ano ba iyon? Ano ba siya?! May kinalaman ba siya kung bakit nagkaganoon si Laarni?!"


Tiningnan lang ako ni El. Nang maglakad na siya palampas sa akin, pabalik sa room namin, ay nakasunod ako sa likod niya.


"Nabangga rin siya ng estudyante na nasa kabilang room," tukoy ko kay Joshua Martinez. Nakabangga rin iyon ng bata kanina.


Nagpatuloy lang siya sa paglalakad pabalik sa dulo ng corridor kung saan naroon ang room namin. Naiinis na ako. Bakit ba kahit kailan ay hindi niya sinasagot ang mga tanong ko?!


Bago siya makarating sa unang room sa corridor ay pinigilan ko siya sa manggas ng shirt niya. Tumigil siya at kalmadong tumingin sa akin.


"Bakit ayaw mo akong sagutin? May alam ka, di ba? Nakikita mo iyong bata! Alam mo kung ano siya! Bakit niya iyon ginagawa?! Baka naman puwede mong sabihin sa akin!"


"Kena, 'wag mong abalahin ang sarili mo sa mga bagay na hindi mo dapat iniintindi." Pagkasabi'y marahang inalis niya ang pagkakahawak ko sa manggas niya saka siya nagpatuloy sa paglalakad.


Gigil sa asar na nakahabol na lang ako ng tanaw sa kanya. Nice? So this was 'nice' for him? Bakit ba ang tanga ko na isiping kahit paano ay close na kami dahil lang nakasama ko siya magdamag sa bodega?! 


Pagbalik sa room ay pinagalitan kami ng adviser namin. Natapos din agad dahil may pumuntang mga teachers sa room. Pinag-usapan ang pagpunta sa lamay ni Laarni. Nag-solicit din para sa abuloy.


Sa uwian ay hindi ko na rin pinansin si El. Wala na akong balak kausapin siya at tanungin. Hindi naman kami close. Ang kaibigan ko lang naman talaga sa school na ito ay si Bhing. Nauna akong tumayo at padabog na umalis nang tumunog na ang bell.


Nagmamadali ako na kahit si Bhing ay nalampasan ko. Tinatawag ako nito pero hindi ko na pinansin. "Hoy, Kena! Pahingi naman ng number ni Julian!"


Nagmamadali ako na lumabas ng school gate. Hindi ako naglakad, nag-sidecar ako para mas mapabilis makarating sa bahay. Pagpasok sa sala ay nadaanan ko si Julian na nag-aalis ng suot ng sapatos habang nakaupo sa sofa. Kararating lang din niya at parang hindi niya ako nakita. Wala namang bago, kahit dati pa ay ganito na siya.

Beware of the Class PresidentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon