CAPITULO 9
SINO IYONG KUMAUSAP SA AKIN KANINA?
Ate ni Laarni? Alam ko naman na hindi. Bakit gusto niyang guluhin ang isip ko? Ano ang mapapala niya?
Magtatagal pa ba ang pag-uusap namin at babalikan niya pa ba ako kung hindi dumating si El kanina?
Tinapik ko ang aking ulo. Bakit ba inisip ko na naman si El? Hindi pa ako sigurado tungkol sa kanya. Saka, iniiwasan niya ako. Siya pa talaga ang umiiwas. Pero ano ngayon kung iwasan niya ako? Hindi ko rin naman siya kaibigan para hindi ako makapakali sa pag-iwas niya. Sino ba siya?!
Nakauwi ako sa amin bandang 7:00 p.m. na. Sa pinto pa lang ay naririnig ko na ang komosyon. Malakas ang boses ni Tito Randy. "Ano bang kailangan kong gawin sa batang iyan, Karen?!" sigaw nito kay Mama. Nakauwi na rin pala si Mama.
Pagpasok ko sa pinto ay napatda ako. Magulo ang sala. Nakakalat ang mga gamit sa sahig. Si Tito Randy ay humihingal sa galit. Hinahagod naman ni Mama ang likod nito para pakalmahin.
Napatingin ako sa isa pang tao sa sala. Si Joachim. Madilim ang mukha niya at duguan ang gilid ng mga labi na tila may sumapak sa kanya. Basta na lang siyang tumalikod paalis sa sala.
Lalo namang nanggalaiti si Tito Randy. "Napakabastos talaga ng batang 'yan! Lumalaking bastos! Walang modo! Tarantado!"
"Randy, tama na. May problema lang ang anak mo. Intindihin mo."
"Karen, tinatanong ko ang batang 'yan kung ano ang problema niya? Sinasabi niya ba?! Hindi, di ba?! Kinikimkim niya! Kaya 'wag niya akong sisihin kung maubusan ako ng pasensiya sa kanya! Hindi ko siya pinag-aaral at pinapalamon para lang magkaganyan siya!"
Nang makita ako ni Mama ay sinenyasan niya ako na pumasok na sa kuwarto ko. Mabait si Tito Randy pero kapag galit ito ay walang sinasanto. Kahit pa nga mismo ang mga anak nito.
Nagmamadali ako na pumasok sa aking kuwarto. Hindi ko alam ang problema ni Tito Randy kay Joachim. Hindi naman ako nagtatanong. Ang alam ko lang, nitong mga nakaraan ay nag-aalala ang step-father ko kay Joachim.
May kumatok sa pinto. Pagbukas ko ay si Mama. May dala siyang tubig sa tumbler at sandwich. Isinara niya ang pinto at naupo sa tabi ko sa kama. "Kena, kainin mo ito kapag nagutom ka mamaya. Basta 'wag ka na lang muna maglalabas ng kuwarto mo dahil baka madamay ka sa init ng ulo ni Randy."
"Bakit galit si Tito Randy?"
"Iniisip niya na nagda-drugs si Joachim."
"Po?"
"Kasi nga ilang gabi ng hindi makatulog si Joachim. Nanlalalim na ang mga mata. Hindi rin nagkakakain. Parang laging may iniisip na malalim. Noong una, iniisip namin na baka may problema lang. Baka depressed sa college."
Iyon ang iniisip ni Tito Randy. Depressed si Joachim kaya hindi makatulog, hindi makakain nang maayos, at hindi makapag-focus.
BINABASA MO ANG
Beware of the Class President
HorrorFLAMES: F- Forever, L-Love, A-Angry, M-Married, E-Enemy, S... Sinister ... Isang taon na nahinto ang sikat na estudyante sa Sto. Cristo, naaksidente na sanhi ng pagka-coma nito. Nang gumaling at magbalik-eskwela ay tila ba ibang tao na. Pero para ka...