CAPITULO 8
NANDITO NA SILA.
Ngayon-ngayon lang. Sa tantiya ko, nagsimula nitong bagong school-year lang. Kung saan sila galing, hindi ko alam. Dito mismo sa bahay namin kahit walang nag-aanyaya. Isa-isang nagdatingan, isa-isang nagsunuran.
Nakakaramdam pa rin ako ako dati kahit isinara na. Parang isang pinto na nakakandado pero may siwang, may masisilip pa rin bagaman kaunti lang. Dahil doon, iniiwasan pa rin ako ng mga kapwa-bata noon. Pati mga sarili kong pinsan. Gayunpaman, masasabi kong nakakapag-aral pa rin ako nang normal at payapa. Pero ngayong taon nga ay muling lumakas. May nagbukas.
Ang sabi nga ni Mama, katulad ng isang kandado, walang nakasara na mabubuksan basta-basta kung walang nangahas. Ngayon nga ay nakabukas na. Ang mga hindi dapat pumasok ay isa-isa na ngang nagsipasok. At ang pinto na tinutukoy ay ako. Ako ang nagsilbing lagusan ng mga nilalang na hindi dapat tumatawid dito.
Dahil sa pagkakabukas na ito, hindi lang buhay ko ang nagulo. Dapat pati buhay ng nakapaligid sa aking mga tao!
Binuksan ko ang aking mga mata. Nasa tapat na ako ng kuwarto ko. Nakarinig ako ng kaluskos mula sa loob. Pagpasok ko ay nakabangon na sa kama si Joachim. Magulo ang buhok niya habang nakaupo at minamasahe ng mahahabang daliri ang leeg.
"Shit, nagka-stiffneck yata ako."
Pumasok ako at isinara agad ang pinto. "Bumangon ka na at bumalik sa kuwarto mo habang wala pang tao."
Umaga na. Kahit pa walang pinipiling oras ang mga ganoong nilalang, masasabi ko pa ring ligtas ang maliwanag. Hindi na rin naman na matutulog pa si Joachim dahil nakapagpahinga na siya sa magdamag.
Dinampot niya ang Motorola cellphone ko na aking naiwan sa kama. Napaungol siya nang makita ang oras. "Whoa. Seven na? Nice. Ngayon lang kasi ulit ako nakatulog nang tuloy-tuloy."
Tumayo siya at tumingin sa akin. Hindi ko sinalubong ang mga mata niya. "Dumating na pala kaninang madaling araw sina Mama at ang... papa mo."
Naglakad na siya at sandaling tumigil sa tabi ko. Napayuko ako nang maramdaman ang marahang paghawak ng mainit at malaking palad niya sa aking ulo. "Maaga-aga pa. I-lock mo pa rin ang pinto mo paglabas ko."
Tumango ako. Pinigilan ko ang tumingala hanggang sa makalabas siya ng pinto.
Sabado. Ngayon ang usapan na pupunta ang section namin sa burol ng namatay naming kaklase na si Laarni. Hindi naman ako sasama. Hindi naman ako pinapayagan na umalis-alis ni Mama. Hindi ko rin ugali na umalis pag walang pasok. Lalong hindi ko ugali na pumunta sa mga burol. Kahit pa nga noong mismong burol noon ni Papa...
Bigla na lang may yumugyog sa balikat ko. Pagdilat ko ay nagkusot ako ng mga mata. Si Bhing. Nakasimangot ang maamong mukha niya. "Kena, bakit ka natulog? Di ba may usapan tayo na kakain ng palabok sa canteen?!"
"Ha?" Nakatulog ba ako? Nakaidlip?
Napatitig ako kay Bhing. Naka-uniform siya. Pagtingin ko sa suot ko ay naka-uniform din ako. Napakurap-kurap ako nang makitang nasa room kami. Nandito ako sa aking upuan at sa armchair ko pala ako nakaidlip. Kaya pala ang sakit ng likod ko dahil sa pagkakatungo.
BINABASA MO ANG
Beware of the Class President
HorrorFLAMES: F- Forever, L-Love, A-Angry, M-Married, E-Enemy, S... Sinister ... Isang taon na nahinto ang sikat na estudyante sa Sto. Cristo, naaksidente na sanhi ng pagka-coma nito. Nang gumaling at magbalik-eskwela ay tila ba ibang tao na. Pero para ka...