CAPITULO 18
"SINO KA?"
"Ha?" Ano raw?
Salubong ang makakapal niyang kilay habang nakatingin sa akin. "'Sabi ko, sino ka? I don't know you."
Ha? Tama ba itong naririnig ko, hindi ako kilala ni El?!
Napalingap siya ng tingin sa paligid. "Nasaan ako? I don't know this place." Napatingin siya sa kinaroronang foam. Nagkaroon ng pagpa-panic sa mga mata niya. "Why am I here? This is not my room."
"El, sandali. Baka disoriented ka pa kasi..."
"My mom? Where is my mom?!" Akma siyang tatayo nang bigla siyang napahawak sa ulo niya. "Agh!" Napasabunot siya sa kanyang buhok.
"El, okay ka lang? El!" Inalalayan ko siya na mahiga ulit sa foam. Pagpasok ni Sister Gelai sa kuwarto ay saka lang nakalma si El. Parang bigla siyang nakaramdam ng kapayapaan sa presensiya ng madre.
May mga luha pa sa mga mata si El nang lapitan siya ni Sister Gelai. "Masakit ba ang ulo mo? Trinangkaso ka maghapon at wala ka pang kain." Pinahiran siya ng madre sa noo ng langis na mula sa simbahan, at inusalan ng dasal. Ganoon lang ay payapang-payapa na si El. Nakatulog na siya ulit.
Nagbilin si Sister Gelai na kapag nagising si El ay pakainin na kahit kaunti. May luto na raw na ulam panghapunan sa kusina. Tinolang manok.
Paglabas ng madre ay inayos ko ang pagkakakumot ni El. Nakatitig ako sa muli ay payapang mukha ng lalaki. Ano ba iyong nangyari kanina? Bakit hindi niya ako kilala? At bakit hindi niya alam kung nasaan kami o kung bakit nandito kaming dalawa?
Nagdedeliryo lang ba siya dahil sa taas ng lagnat niya kanina? Siguro, posible. Ilang minuto ko pa siyang pinagmasdan bago ko siya nakuhang iwan. Sa gutom at pagod ay parang bubuwal ang aking mga tuhod nang tumayo.
Nanghihina ako na lumabas na kuwarto. Sa pasilyo ay nakita ko si Sister Gelai na papunta sa altar. Ang suot niya ay paldang puti at cream na polo. Nakatali ang buhok patirintas. Isinaksak niya ang dalawang electric candles na wala na namang sindi, samantalang kanina lang ay isinaksak ko na ang mga iyon sa saksakan.
"Alas seis, hindi dapat pinapawalan ng ilaw ang altar," narinig ko ang malumanay na boses niya.
Nilapitan ko siya habang ang aking mga mata ay nasa picture frame, na tama nga ako, naroon na naman. Natitiyak ko man na wala iyon kanina, sinarili ko na lang. May iba akong gustong malaman. "Ano po ba talaga ang ikinamatay ng ate niyo?"
"Katandaan," tipid na sagot niya.
"Paano pong katandaan? Napakabata niya pa po para sabihing namatay siya sa katandaan. Natatandaan ko po, kaedad niya lang si Mama."
Hindi umimik ang madre. Nakatitig lang siya sa altar, partikular sa picture frame na nasa kanyang harapan.
BINABASA MO ANG
Beware of the Class President
HorrorFLAMES: F- Forever, L-Love, A-Angry, M-Married, E-Enemy, S... Sinister ... Isang taon na nahinto ang sikat na estudyante sa Sto. Cristo, naaksidente na sanhi ng pagka-coma nito. Nang gumaling at magbalik-eskwela ay tila ba ibang tao na. Pero para ka...