| | | Chapter 15 | | |
"Alam niyo na ba ang kumakalat ngayon na tsismis? Usap-usapan ngayon sa kabilang section, may babae daw na nakikipagkita sa isang lalaki gabi-gabi. Madalas daw ito sa Plaza tapos biglang naglalaho sa dilim ang dalawa." May dalawang babae ang lumapit sa tatlong nag-uusap, nagawa pa nila i-form na bilog ang kanilang upuan.
"Balita ko, kaklase daw natin ang babaeng tinutukoy. Marami din kasi nagsasabi, nasa ilalim daw ang kulo no'n. Akala mo mabait, malandi pala." Pasimple silang tumitingin sa gawi ko na parang gustong hulihin ang magiging reaksyon ko. Nanatili ako sa pagsusulat.
"Baka nagrerebelde, madalas daw kasi mapagalitan ng tatay. Hindi daw kasi umuwi no'ng isang gabi ang malala pa sumama doon sa lalaki. Ang landi talaga, hindi na naawa sa mga magulang niya."
Humigpit ang hawak ko sa ballpen. Binalot ako ng poot at galit dahil sa samu't saring naririnig, mga bubuyog na namemeste sa pandinig ko. Wala man sila banggitin na pangalan, pero sa kung paano nila ilarawan ang babae sa kwento, sa kung paano sila tumingin sa gawi ko at tatawa ng palihim, alam ko na ako ang pinag-uusapan nila.
"Kawawa naman ang mga magulang, nagsisikap para pag-aralin sila. Tapos may isang... hay naku, may kabaraanan (kapansanan) na nga nagagawa pang lumandi. Hindi dapat siya sumasama sa mga lalaki."
Noon pa man ay sana'y na akong laging pinag-uusapan. Madalas kong marinig ang pangalan ko sa mga taong mahilig gumawa at magdagdag ng kwento. Pinipili kong manahimik at huwag silang pakinggan, dahil sa oras na balingan ko sila ng atensiyon mas doon sila natutuwa. Natutuwa sila kung gaano ako naaapektuhan, kaligayahan nilang makita ang magiging reaksyon ko.
Ginawa nilang libangan ang buhay ko para lang may mapag-usapan at huwag maburyo sa mga buhay nila. Dahil sa tuwing pinapatulan ko, ako pa ang nagiging masama sa paningin nila. Maraming masasabi tungkol sa 'yo. May kapansanan na nga daw masama pa ang ugali.
Saan na lang ako lulugar? Hindi ko na ba dapat ipagtanggol ang sarili ko? Wala ba akong karapatan para gawin 'yon? Gusto kong isigaw ang lahat sa pagmumukha nila pero hindi ko magawa.
Tahimik kong niligpit ang mga gamit ko sa bag saka tumayo. Ang limang babae na nag-uusap ay biglang natahimik. Ang ibang naroon ay walang paki at may kaniya-kaniyang pinagkakaabalahan. Lumabas ako ng room na parang wala lang. Hindi ko pinakita sa kanila na apektado ako. Pinili kong magtimpi kahit gustong-gusto ko na sabunotan sila at sampalin isa-isa. Naglakad ako sa hallway na parang walang nakikita. Hindi ko pinansin o nilingon ang mga lalaking sumisipol sa hindi ko malamang dahilan.
Pinanatili ko ang angat kong mukha habang naglalakad. Hindi ako yumuko dahil ayoko magmukhang kaawa-awa sa paningin nila. Ang mga narinig kong masasama tungkol sa akin sa buong araw na ito ay tiniis ko. Nagbingi-bingihan ako. Kaso kahit anong pagpapanggap ko, nasasaktan pa rin ako. Wala silang karapatan para husgahan ako.
Sino ba sila sa inaakala nila?
Nanunubig ang mga mata ko. Kung kaya't hindi ko na napigilan na yumuko para wala silang makita. Binilisan ko ang paghakbang. May biglang humarang, nagkabungguan kami. Hindi ko alam kung sinadya o aksidente. Masama akong tinignan ng lalaki, hindi man lang humingi ng pasensiya, nilagpasan lang ako.
May isang babae ang lumapit at tinulungan ako. Sinigawan niya rin ang lalaking bumangga sa akin. Hinawi ko ang kamay niya at piniling tumayo mag-isa. Nang makita ko ang awa sa mga mata niya ay agad akong umiwas at tinalikuran siya.
"Argeline, tawag ka ni ma'am!" Hindi na siya nakasunod dahil may tumawag sa kaniya. Tuloy-tuloy na pumatak ang luha ko. Ang sakit, durog na ang puso ko. Ang hirap naman mabuhay sa mundong 'to na puro panghuhusga.
"Ate ko, sandali lang."
May biglang bumalot sa bewang ko. Natigilan ako nang makita ang babae. Itinali niya ang jacket at ngumiti sa akin. "Sa 'yo muna 'yan."
BINABASA MO ANG
SWD#1: Voiceless Feelings ✔️
Teen FictionStudent with Disability Series #1 If you're mute, speechless, or can't utter even a single word, how can you deal with it every day? How can you face every morning when you start to hate your life? Kaycee Francine Havanah is a grade 11 student who h...
