BEST FRIEND NEVER DIE

466 7 1
                                    

BEST FRIEND NEVER DIE

By: XIUNOXKI

"Liz, halika. Samahan mo ako. Magpakamatay ka rin gaya ko."

Napaatras ako sa paghakbang palapit sa 'kin ng matalik kong kaibigan na si Megan. Inaalok niya akong tumalon mula sa roof top ng school building namin na may apat na palapag kung nasaan kami ngayon.

"Ang sabi mo, bff tayo. 'Di ba, sabi mo, hindi tayo maghihiwalay at walang mag-iisa sa 'ting dalawa."

Pagdaloy ng luha mula sa mga mata at takot ang naging tugon ko. Hindi na siya si Megan. Hindi na siya ang best friend ko. Isa na lamang siyang multo na hindi ako nilulubayan. Sa patuloy kong pag-iwas, nanlisik ang mga mata niya. Nabiyak ang ulo niya at bumulwak ang dugo mula rito. Halos mabalot ng dugo ang suot niyang school uniform – anyo niya nang bumagsak siya mula sa roof top. Tumalon siya – nagpakamatay. Winakasan niya ang sarili niyang buhay upang takasan ang mapait na mundo. Ako ang dapat sisihin. Ako ang nagtulak sa kanya para gawin 'yon. Pinatay ko siya – pinatay ko ang matalik kong kaibigan.

Biglang napunta sa harap ko si Megan. Nanginginig na napapikit na lamang ako at hindi na nakakilos. Ni 'di ko magawang sumigaw upang humingi ng tulong.

SA PAGDILAT KO, luhaan ang mga mata ko at ang paggising sa 'kin ni mama ang bumungad sa 'kin, at niyakap niya ako. Naiintindihan ako ni mama, alam niya ang nararamdaman ko. "Tahan na. Tumayo ka na. Puwede na tayong sumakay ng barko," sabi ni mama. Narito kami ngayon sa Tabaco port. Nakatulog pala akong nakaupo sa paghihintay ng pagpapasakay ng barko patungong isla ng Catanduanes, ang probinsiya namin na bahagi ng Bicol.

Tumango ako na may malungkot na ngiti at inayos ko na ang sarili ko. Sa Bicol na muna ako mamamalagi at sasamahan ako ni mama hanggang sa matanggap at makalimutan ko na ang hindi magandang pangyayari sa high school life ko. Graduation day na namin sa isang linggo pero 'di na ako aakyat ng stage para tanggapin ang diploma ko. Mula nang mamatay si Megan, hindi na nawala ang masasamang panaginip ko. Minsan hindi ko na alam kung panaginip nga lang ba o totoo na. Minsan kasi nakikita ko siya kahit dilat ang aking mga mata.

Nakaramdam ako ng kaba ng matitigan ko ang barko. Malulain ako sa biyahe. Naalala ko noong huling sakay ko sa barko, mga siyam na taon ako no'n, panay ang suka ko at pinagpapawisan ako ng malamig, na halos mahimatay na sa panghihina. Parang hinahalukay ang tiyan ko at umiikot ang paningin ko. Nakangiting hinaplos ni mama ang likod ko at inalok sa 'kin ang tableta ng gamot na pangontra sa hilo. Napuna niya siguro ang pagkabahala sa mukha ko.

Nagbayad muna kami ng terminal fee bago pumunta ng barko. Hawak ko na ang ticket ko. Pag-apak ko pa lang sa rampa ng barkong nasa apat na raang pasahero ang kapasidad na kaya at mga anim na pampasaherong bus, umatake ang labis na kaba sa dibdib ko. Tinatakasan ko ang madilim kong nakaraan kaya narito ako, pero tila walang lugar sa mundo na puwede kong puntahan para makatakas. Hindi nawawala ang takot ko. Kalmado ang dagat, pero sa bawat paghakbang ko sa loob ng barko parang itutumba ako nito.

"Ayos ka lang?" tanong ni mama nang tumunog ang bosena ng barko na hudyat nang pag-alis nito. Nakangiting tumango ako bilang tugon.

Nagpasya akong matulog para 'di maramdaman ang hilo. Inisip kong sa paggising ko, nasa pier na kami ng Catanduanes. Marami ang pasahero kaya hindi puwedeng makahiga sa pahabang mga upuan. Inihilig ko ang ulo ko sa balikat ni mama at ipinikit ko ang aking mga mata.

"Isipin mo lang, anak, ang mga magagandang bagay," sabi ni mama at naramdaman kong mahigpit niyang hinawakan ang kamay ko.

"Um," mahinang tugon ko. Binuo ko sa imahinasyon ko ang mga ngiti ng buo kong pamilya – sina mama, papa at ang bunso kong kapatid. Gumuhit rin ako ng magandang hardin sa isipan ko na may mga nagliliparang iba't ibang kulay ng mga paruparo at nagtatakbuhang iba't ibang uri ng mga hayop.

HORROROSANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon