~ANG BABAENG BUNTIS~
KINAUMAGAHAN, HABANG NILALA-LOCK ni Evelyn ang pinto bago pumasok sa trabaho, may nakita siyang babaeng buntis na nakatayo sa harap ng pinto ng ika-pitong kuwarto ng paupahan. Puro pasa ang mukha ng babaeng buntis at pati na sa ibang bahagi ng kamay at paa. Nahabag siya sa hitsura ng babae, lalo pa't buntis ito. At nang matitigan niya nang maigi ang mukha nito naalala niya ang babaeng duguan na sumulip sa bintana niya kagabi. 'Yon ang babaeng iyon. Salamat naman at buhay siya, bulong niya sa kanyang sarili at gumaan ang kanyang pakiramdam. Ngunit bigla siyang kinabahan ng makitang matalim ang titig sa kanya ng babaeng buntis.
Bagama't kinakabahan, nginitian niya ang babae. Nang tinangka niya itong lapitan at kausapin ay bigla na lamang itong pumasok sa loob ng kuwarto at malakas na isinara ang pinto. Nagulat siya at tumalikod na lamang at naglakad upang pumasok na sa trabaho.
"Galit kaya siya sa 'kin? Tama si Tiya. Hindi muna dapat ako makipag-usap o makipagkaibigan kahit kanino," mahinang sambit niya. At nang may makasalubong siya na nangungupahan din sa paupahang iyon ay bumati siya ng 'magandang araw' ngunit hindi na siya nagtanong pa tungkol sa mga nangyari nung madaling-araw. Pero bakit ganun? Ba't parang walang nangyari? 'Di kaya nila narinig ang malakas na sigawan na 'yon? pagtataka niya.
HABANG NAGLA-LUNCH SA canteen kasama ang mga bagong kakilala sa trabaho ay nakuwento niya ang mga nakakatakot na nangyari sa kanya. Ngunit sinabi sa kanya ng mga bago niyang kakilala na baka dala lamang iyon ng takot at stress kung kaya't may nakita siya at narinig na 'di mapaliwanag. Marahil daw ay napaglaruan lang siya ng kanyang imahinasyon. At sumang-ayon na lamang siya sa mga tinuran ng mga katrabaho niya upang palakasin ang kanyang loob at iwaksi ang takot sa kanyang dibdib.
KINAGABIHAN, PAUWI NA siya, at sa paglabas niya ng ospital ay nakita niya ang babaeng buntis na nakatayo sa 'di kalayuan at nakatingin ito sa kanya. Iniwas na lamang niya ang tingin sa babae at nagpatuloy sa paglalakad pauwi sa kanyang inuupahan.
Binilisan niya ang kanyang paglalakad. Nang lumingon kasi siya sa likod niya, nakita niya ang pagsunod ng babae sa kanya. Matinding takot ang naramdaman niya lalo na nang makita niya sa unahan niya ang anino ng babaeng buntis na tila nasa likod niya na ito malapit sa kanya. Ngunit paglingon niya wala roon ang babae. At nang marating ni Evelyn ang paupahan, habang mabilis niyang nilalakad ang pasilyo patungo sa kanyang kuwarto, nakita niyang nando'n na ang babaeng buntis. Nakatayo ito sa harap ng pinto ng kanyang kuwarto. Nagkaroon siya ng pag-aalangan. Siya kaya 'yong nakita ko do'n sa may ospital? Siya ba 'yong sumusunod sa 'kin? Ba't ang bilis niyang napunta rito? Pero baka hindi naman siya 'yon? pagtataka niya. Natigilan siya sa paglalakad nang 'di umaalis sa harap ng pinto ng kuwarto niya ang babae. "B-Bakit po?" kinakabahang tanong niya, 'di niya makuhang lumapit dito kaya naman medyo malayo siya sa babae.
Hindi sumagot ang babae. Tumalikod ito at pumunta sa harap ng pinto ng ika-pitong kuwarto at muli itong humarap sa kanya. Iniwas niya ang kanyang tingin sa babae at yumuko siyang naglakad patungo sa pinto ng kanyang kuwarto. At habang nanginginig na binubuksan niya ang naka-lock na pinto ng kanyang silid ay nakatitig pa rin sa kanya ang babaeng buntis. At nang mabuksan na niya ang pinto, habang papasok na siya ay may naramdaman siyang malamig na ihip ng hangin – nang lingunin niya ang kinaroroonan ng babae ay wala na ito roon kaya naman dali-dali siyang pumasok at agad ikinandado ang pinto. Huminga siya ng malalim. "Ano ba ang problema ng babaeng 'yon? Naku, mababaliw ako sa taong 'yon. Ang weird niya!" inis na sambit niya habang sinisigurong hindi mabubuksan ang pinto ng kanyang kuwarto. Pagtalikod niya tumambad sa kanya ang nakatayong babaeng buntis na nasa loob na ng kuwarto niya. Hindi niya makuhang sumigaw. Umurong ang dila niya sa takot at di siya nakakilos. Humakbang palapit sa kanya ang babae at napapikit na lamang siya. Pero sa pagdilat niya wala roon ang babae. Luhaan siya at hangos na napaupo sa sahig – hindi siya makapaniwala sa malik-matang nakita niya – malik-mata nga lang ba talaga? Inisip niya nalamang na guni-guni ang kanyang nakita – pinaniwala niya ang sarili niya.
BINABASA MO ANG
HORROROSAN
HorrorLOVE. HATE. REVENGE. DEATH. OO, KUWENTONG KATATAKUTAN ITO. HUWAG MAG-ISIP NG KUNG ANO. (SHORT STORY & ONE SHOT COLLECTION) (HORROR, MYSTERY/THRILLER) PS: PASENSIYA NA KUNG NAND'YAN SA COVER ANG MUKHA KO. HAHA!