WHEN SHE FALL IN LOVE (part 2 of 3)

267 6 1
                                    

...PAGPAPATULOY


Hinila na ni Krisabel si Jose at pinaupo sa nakahandang table for two sa kusina. May nakasinding kandilang nakapatong sa puwet ng tasa sa mesa at pagkaing binili ni Krisabel sa malapit na karenderya kanina habang wala pang malay si Jose, at may mga bulaklak pa ng rosas na nakalagay sa baso na pinitas lang niya sa tanim ng kapitbahay. "Pasensiya na kung medyo mabaho, ah. Si Ruby kasi, dalawang araw na siyang ganyan. Napansin ko kasing ang sweet mo sa kanya, kaya tinodas ko na. 'Yong aso mo naman noong isang linggo pa 'yan. Ang lambing mo kasi d'yan at lagi mong hinihimas ang ulo, kaya pinugutan ko. Sorry nga pala kung nagsinungaling ako nang tanungin mo ako kung nakita ko 'yan. Ang lola mo naman, kanina lang 'yan. Naisip ko kasing baka ma-miss mo kaya dinala ko na rito," may ngiti sa mukha ni Krisabel matapos niyang magpaliwanag, at inalok nang kumain si Jose na napapailing na lang sa pag-iyak at 'di pa rin makapaniwala sa mga nangyayari. "Sorry na talaga sa amoy. Masasanay ka rin. Ako noong isang taon, nang patayin ko si papa, ilang araw ko ring tiniis ang amoy niya. Gano'n din nang patayin ni papa si mama noong bata pa ako. Halos mailabas ko na no'n ang bituka ko sa kakasuka dahil sa baho." May lungkot sa mukha ni Krisabel. Ngayon lang may nakaalam ng bagay na 'yon. Pero hindi pa 'yon ang buong katotohanan.

Ang dahilan kaya pinatay ng kanyang ama ang kanyang ina ay dahil gusto nang makipaghiwalay ng kanyang ina sa may sayad niyang ama. Nagkaroon ng ibang lalaki ang kanyang ina at gusto na sila nitong iwan, pero dahil din 'yon sa pananakit ng kanyang ama. Noon pa man, takot na si Krisabel sa kanyang ama, nakita niya kung paano nito saktan ang kanyang ina at maging siya napagbubuhatan din nito ng kamay. At nang makita niya mismo ang pagkitil ng kanyang ama sa kanyang ina, mas lalo siyang nabalot ng takot. Takot na naging galit at pagkasuklam sa paglaki niya. Gusto nang kalimutan ni Krisabel ang mapait niyang kahapon, pero patuloy pa rin siyang tinutugis nito. Pero dinadaan niya na lang 'yon sa isang masayang imahinasyon na kasama niya pa ang kanyang ina at masaya ang buo nilang pamilya. At sa mahabang panahon na kalungkutan niya, si Jose ang unang nagpangiti sa kanya sa pagpapakita nito ng kabaitan, dahil hindi pa no'n alam ng binata ang pagkatao niya na ilag sa kanya ang mga tao sa baryo nila. Napansin ng binata ang paghanga niya, kaya naman sinamantala siya nito at inuto-uto. Pero iba ang naging kahulugan no'n sa kanya, inakala niyang gusto rin siya ni Jose. Sinaktan siya ng kanyang ama ng malaman nitong in love na siya sa binata, nakita nito ang ilang pictures ni Jose na tago niya sa ilalim ng unan niya. Ikinumpara siya ng kanyang ama sa kanyang ina. At sa pagtutol ng kanyang ama sa pagmamahal niya kay Jose, iyon ang nagtulak sa kanya para patayin ito.

Pinahid ni Krisabel ang kanyang luha sa mga naalala niya at pinilit niyang ngumiti. "Promise, bukas ililibing ko na sila. Feeling ko kasi, naaamoy na rin sila ng iba nating kababaryo kaya wala ng bumibili sa tindahan ko," nakangiting sabi niya. Pero ang totoo niyan, wala naman talagang halos bumibili sa tindahan nila mula nang hilingin niya sa kanyang ama na magbukas sila ng tindahan, wala pa no'n si Jose sa baryo nila. Pinagtawanan nga sila no'n ng mga kababaryo nila kung bakit nila naisipang magbukas ng tindahan. At sa ngayon, si Jose na lang talaga ang rason kung bakit siya patuloy na nagtitinda, at nasasayang lang ang ipong naiwan ng papa niya.

Tumayo si Krisabel at ini-on ang VCD player at nag-play ng pirated CD niyang nabili sa palengke, makikita ang kilig sa kanyang matamis na ngiti. 'Forevermore' ang kanta, dahil sa tingin niya ay may forever para sa kanila ni Jose. Nang bumalik siya sa kanyang kinauupuan, nawala ang ngiti sa kanyang mukha at hinampas ang mesa dahil 'di pa rin kumakain si Jose. Pero alalay lang ang paghampas niya sa mesa dahil naisip niyang baka masira ang set up na ginawa niya. "Kumain ka na!" madiing utos niya sa binata.

"Paano ako kakain kung nakaposas ang mga kamay ko," sa wakas ay naging kalmado ang boses ni Jose bagamat may konti pa ring panginginig. Pinilit nitong iguhit ang ngiti sa kanyang labi at itinaas ang kamay na may posas para ipakita kay Krisabel.

HORROROSANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon