DILIM NA ALAALA (part 4 of 4)

211 4 1
                                    

~KATAPUSAN~

MULING inihagis ni Mara si Roy. Sa muling pagtilapon ni Roy, agad siyang nakabangon at nang may makita siyang kahoy ay agad niya itong kinuha para panlaban sa multo ng dalaga. Tumakbo siya at tinangka niyang lumabas ng lumang bahay, ngunit bigla na lang siyang nauunahan ni Mara, napunta ito bigla sa harapan niya. Pinaghahampas niya ito ng hawak na kahoy, ngunit hindi niya ito matamaan. Tumatagos lamang sa katawan ng dalaga ang kahoy na pinampapalo niya. Hinang-hinang binitawan na lamang ni Roy ang kahoy. Luhaan siyang lumuhod at nagmakaawa sa dalaga at humingi ng tawad sa mga nagawa niyang kasalanan.

"Ngayong naaalala mo na, sino sa 'tin ngayon ang halimaw?!" galit na sigaw ni Mara. At muling nagmakaawa si Roy. Pagmamakaawang tila pagdarasal sa isang Diyos. Pagsusumamong patawarin siya at iligtas ang buhay.

Pinagbigyan si Roy na makalabas ng bahay ng multo ng dalagang puno ng hinagpis at puot. At mabilis siyang tumakbong naghihingalo na wari mo'y nakikipag-unahan sa kabayo at tinatakasan ang isang mabangis na hayop na hangad na lapain siya ng buhay. Ngunit hindi pa man siya lubusang nakakalayo, nakita niyang nasa harapan na niya ang dalaga. Nakakatakot ang mga ngiti nitong may nanlilisik na mga matang nagkukulay abo, napakaputla na ng kulay nito at makikita ang mga ugat sa buong katawan na nagkukulay asul. At tila naging sariwang muli ang sugat at dugong nagkalat sa buo nitong katawan.

Maalindog itong naglakad palapit kay Roy na animo'y nang-aakit na dalagang gustong magpaangkin ng kanyang katawan – na gustong mapunan ang pagnanasang matagal nang nararamdaman. "Wala ka nang kawala," malambing na saad nito habang himas ang hinaharap at inilabas ang mahabang dila na pinaikot sa mga labi nito.

Agad humanap ng bagong daan si Roy at muling tumakbo bago pa man tuluyang makapalit sa kanya si Mara. Narinig niya ang malakas na tawa ng dalaga. Naramdaman niyang ang halakhak na iyon ay tila pag-anyaya sa kanya na pasukin niya ang sarili niyang hukay. Na wala na siyang magagawa para matakasan ang kanyang kamatayan. Pinaglalaruan siya ng dalagang minahal niya – isang bawal na pagmamahal. Napagtantu niya nang mga sandaling iyon ang mga pagkakamali niya – ang hindi niya napigilang pagnanasa sa dalaga, na nauwi sa krimeng planado niya – na humantong sa pagkamatay ni Mara.

Hangos na hangos si Roy, at patuloy niya pa ring naririnig ang boses ni Mara. Sa isang-kisapmata, biglang nasa harapan na naman niya ang multo ng dalaga, at sa pagkakataong iyon mahigpit siyang sinakal nito. Pinabagsak siya nito na tila isang laruang manika lang na inayawan na at hinila siya sa paa pabalik ng lumang bahay. Humihiyaw si Roy sa sakit at hagulhol na humuhingi ng tulong. Nang makapasok sila sa bahay, binitawan siya ni Mara. Nanghihina siyang pilit na tumayo at muling nagmakaawa.

"Roy, saktan mo ako. Saktan mo ako tulad ng ginawa mo dati. Gusto ko ulit maranasan 'yon. Sampalin mo ako. Angkinin mo ako. Sige na, Roy. Please..." mapang-akit pa rin ang tinig ni Mara at naging maamo ang mukha nito. Nawala ang mga sugat at dugong nagkalat sa katawan nito. Kung pagmamasdan, tila buhay ito at bra at panty lang ang kasuotan.

Mas lalong natakot si Roy sa ikinilos ng multo. Pero hindi niya maiwasang pagmasdan ang kagandahan nito. Napaatras siya sa paghakbang ni Mara palapit sa kanya. Nasagi ng paa niya ang kahoy na hawak niya kanina. Agad niya itong kinuha at hinampas sa dalaga. 'Di tulad kanina, hindi tumagos sa multo ang pagpalo niya. Nasugatan ito at nagtalsikan ang dugo. Napapasigaw ito sa bawat pagtama ng kahoy sa katawan nito, ngunit nakangiti pa rin ito. Na tila nasasarapan sa kanyang pananakit.

Nahawakan nito ang kahoy at naagaw mula sa kanya. Gigil itong nakangiting gumanti at paulit-ulit siya nitong hinampas sa mukha. Nagtalsikan ang dugo mula sa mga putok ng sugat na dulot ng malakas na pagpalo ni Mara sa mukha ni Roy. Napasigaw na lang siya sa sakit at sinalag ang mga palo. Ngunit pinaghahampas naman nito ang kanyang katawan hanggang bumagsak siya sa sahig. Gusto niyang mamatay na lamang dahil sa pahirap na nararanasan, ngunit 'di pa siya mabawian ng buhay.

HORROROSANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon