IKA-PITONG KUWARTO (part 4 of 5)

902 17 4
                                    

~ANG GABI NG KAMATAYAN NI ELSA~

DALI-DALING UMUWI si Evelyn. Naguguluhan pa rin siya at may mga katanungan pa rin sa isip niya. Nakatayo siya sa harap ng ika-pitong kuwarto, at pilit niyang nilalakasan ang kanyang loob. May kung anong puwersang tumutulak sa kanyang pasukin ang kuwarto. Alas-dos pa lang ng hapon at maliwanag pa kaya naman lumakas ang loob niyang pasukin ito. Huminga siya ng malalim at nagdasal. "Ano ba'ng iniisip ko?" 'yon na lang ang nasambit niya dahil 'di niya talaga alam kung bakit naroroon siya. Nanginginig ang kamay niya nang hawakan niya ang door knob – nanginginig niyang binuksan ito. Hindi na siya nagtaka kung bakit bukas iyon. Basta dahan-dahan niya na lang na binuksan ang pinto para makapasok. Medyo madilim sa loob, ngunit dahil sa liwanag ng araw na mula sa bintana kaya aninag pa rin ang kabuuan ng kuwarto. Nanginginig man at pinagpapawisan dahil sa takot, wala siyang alinlangang tumuloy sa kuwarto.

Pagkapasok niya biglang nagsara ang pinto. Napasigaw siya. Nang buksan niya ang pinto hindi niya na ito mabuksan pa. Biglang naging gabi at nawala ang liwanag na nagmumula sa labas. Nilakasan niya ang kanyang loob. Biglang nagbukas ang ilaw sa kuwarto at nagkaroon ng mga gamit doon na parang may nakatira na. Biglang nagbukas ang TV na muli niya na namang ikinagulat. May narinig siyang naghihiwa – paglingon niya nakita niya si Elsa. Naghahanda ito ng lulutuin – matamlay ang mukha. Lumingon ito sa kanya. Napalunok-laway siya. Nagkatitig sila sa isa't isa.

Narinig niya ang paggalaw ng door knob. Napaatras siya nang magbukas ang pinto. Pumasok ang galit na lalaki, pamilyar ito sa kanya. "Kuya Robert?" mahinang nasabi niya. Nanlilisik ang mga mata nitong tiningnan siya. Bakas sa hitsura nito na lasing at tila wala sa katinuan. Ibang-iba ang hitsura nito sa Robert na kilala niya na asawa ng ate niya. Matalim ang tingin nito sa kanya na bakas ang galit. Napaatras siya hanggang sa tumama siya sa pader.

Ibinaling ni Robert ang tingin kay Elsa. Nabitawan ni Elsa ang hawak na kutsilyo sa takot. "N-Nagu-gu-tom k-ka na ba?" nauutal na tanong ni Elsa sa asawa. "Naghahanda p-pa lang ako. M-Manood ka muna..." Bakas sa boses nito ang takot.

Napagmasdan ni Evelyn si Elsa. May mga pasa na ito sa mukha at sa mga kamay. Marahil ilang beses na itong sinaktan, kaya naman takot na takot ito. Naupo si Robert at kinuha ang remote control ng TV. Itinuloy ni Elsa ang paghahanda ng pagkain. Nagulat siya at si Elsa nang biglang ihagis ni Robert ang remote control sa pader. Nasira ito sa lakas ng pagkakahagis. Tumayo si Robert at nilapitan si Elsa. Napaatras naman si Elsa, at itinutok ang hawak na kutsilyo kay Robert.

"Papatayin mo ako? Para magsama na kayo ng lalaki mo!" sigaw ni Robert.

"Ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo! Wala akong lalaki!"

Humakbang palapit si Robert. "Ilabas mo ang lalaki mo! Papatayin ko kayo!"

"Subukan mong lumapit! Subukan mo lang!" nilakasan ni Elsa ang kanyang loob. Nanginginig man ang kamay, mas lalo nitong hinigpitan ang hawak sa kutsilyo.

"Hayop ka!" dumampot si Robert ng baso sa mesa at ibinato sa mukha ni Elsa, sapul ito at nasugatan malapit sa mata. Nagulat naman si Evelyn – napahawak siya sa kanyang bibig upang hindi magdulot ng ingay. Dinampot ni Robert ang lahat na puwedeng madampot at pinagbabato ito sa kawawang si Elsa.

Napapahiyaw si Elsa sa bawat pagtama ng mga bagay sa kanya. At ang mas ininda niya ay ang pagtama sa tiyan niya. "Tama na! tama na!" hiyaw niya. Nabitawan na niya ang hawak na kutsilyo. Napaupo si Elsa sa sahig hawak ang kanyang tiyan. "Ang baby ko! Ang baby ko! Tama naaaaa..." Iyak niya at muling pagmamakaawa.

Lumapit si Robert at dinampot ang kutsilyo. Tuluyan na itong nawala sa katinuan. Hindi nito pinakikinggan ang pagmamakaawa ng asawa. Sinipa pa nito si Elsa – sinipa ng paulit-ulit.

HORROROSANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon