~KATANUNGAN~
"KAILAN PO BA tayo huling pumunta rito?" tanong ni Roy sa kanyang mga magulang habang kumakain sila ng hapunan.
"Halos isang taon din," sagot ng kanyang ina.
"Bakit, anak?" tanong ng kanyang ama.
"Para kasing kagagaling ko lang dito - at may kasama akong babae?" naguguluhang sagot niya.
"Imposible 'yan, anak. Kasi sabi mo sa 'min ng papa mo, ang babaeng dadalhin mo sa bahay na ito ay ang babaeng pakakasalan mo. At bago mo siya madala rito, ipapakilala mo muna siya sa 'min ng papa mo," pahayag ng kanyang ina.
Nakangiting tumango na lang si Roy. "Siguro nga po. Baka nalilito lang ako sa mga naaalala ko." At itinuloy niya na lang ang pagkain.
MALALIM PA RIN ang iniisip ni Roy. Nakatingin lang siya sa kisame habang nakahiga sa kama niya. Ayaw niyang matulog. Natatakot siyang muling mapanaginipan ang babaeng duguan. Pero 'di naman mawaglit sa isip niya ang dalagang iyon. Sinusubukan niyang maalala kung sino man ang babaeng iyon o kung kilala nga ba talaga niya at 'di lang gawa-gawa ng isip niya. Sinusubukan niyang pagtagpi-tagpiin ang mga nabubuong palaisipan sa utak niya at ang mga kapiranggot na alaalang bumabalik sa kanyang sa tuwing pipikit siya.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya. Walang mabuong kongkritong alaala sa kanyang isipan kundi mga hakahaka lamang na sa tingin niya ay isang malaking kalokohan. Naiisip niyang baka kasama niya sa aksidente ang babaeng iyon o nadamay sa aksidente at namatay. At ngayon, sinisingil siya nito. Pero sabi naman sa kanyang ng mga magulang niya ay wala namang nasawi sa aksidenteng kinasangkutan niya at naariglo na ang lahat.
Tumagilid ng pagkakahiga si Roy, posisyong nakasanayan niya upang makatulog siya. Nanlaki ang mga mata niya - tumambad sa kanya sa tabi niya ang babaeng duguan na kanina pang laman ng isipan niya. Nakatagilid itong nakaharap sa kanya - walang imik na nakatitig lang sa kanya. Pumikit si Roy at inisip na hindi totoo ang nakikita niya. Pero pagdilat niya, nandoon pa rin ang babae. Muli niyang ipinikit ang kanyang mga mata sa pag-aakalang guni-guni lamang talaga ito o isang masamang panaginip na lagi niyang nararanasan. Ngunit sa muling pagdilat niya, nandoon pa rin ito.
Unti-unting inaangat ng babae ang kamay nito at bigla siya nitong sinampal. Napatayo si Roy hawak ang nasaktang mukha at lumayo siya sa kama. Paglingon niya sa kinahihigaan, walang duguang babae siyang nakita. Nalilito siya kung totoo ba'ng nangyari iyon - kung may babae nga ba sa tabi niya kanina lang. Sa kabila ng duda niya, nararamdaman niya ang sakit ng pagkakasampal sa kanya.
Napaupo na lamang si Roy sa sahig sa sulok ng kuwarto. Napaiyak na lamang siya sa mga nararanasan niya. Palala na nang palala ang pagpapakita sa kanyang ng misteryosang dalaga. At mas dumarami ang katanungan na nabubuo sa kanyang isipan.
DOON NA NAKATULOG si Roy sa sahig, at umaga na pagdilat niya. Nang maghihilamos na sana siya pagpunta niya ng banyo, nakita niya sa salamin na may tuyong dugo sa mukha niya at bakas ang palad sa marka ng dugo. Mabilis niyang hinugasan ang kanyang mukha at agad siyang lumabas ng kuwarto.
"MAY PROBLEMA BA, anak?" tanong ng kanyang ina pagkatapos nilang mag-almusal.
"Wala po, ma," Matipid na sagot ni Roy.
"Nanaginip ka na naman ba?"
"Hindi po. Ayos lang po ako, ma."
Ngumiti ang kanyang ina at hinawakan nito ang kanyang kamay. "Mamaya magsi-swimming tayo. Mamangka tayo ng papa mo." Tumango siya at tipid na ngiti lamang ang naging tugon niya.
Pag-alis ng kanyang ina, kusa na lamang pumatak ang luha mula sa mga mata ni Roy at napatulala na lamang siya. Para siya ngayong nakakulong sa kadiliman. Nabablangko na lang utak niya sa dami ng mga katanungan niya - walang nararating ang iniisip niya.
BINABASA MO ANG
HORROROSAN
HorrorLOVE. HATE. REVENGE. DEATH. OO, KUWENTONG KATATAKUTAN ITO. HUWAG MAG-ISIP NG KUNG ANO. (SHORT STORY & ONE SHOT COLLECTION) (HORROR, MYSTERY/THRILLER) PS: PASENSIYA NA KUNG NAND'YAN SA COVER ANG MUKHA KO. HAHA!