Chapter 1: Ang Baldadong Ina

816 16 4
                                    

Chapter One: Ang Baldadong Ina.
Written By: CDLINKPH

Nagmamadaling bumalik ang walong taong gulang na si Freya sa likod ng simbahan. Galing siya sa pagtitinda ng sampaguita at sigurado siya na matutuwa ang kanyang mama sa dala-dala niyang pancit.

Isa sila sa mga pakalat-kalat na pulubing walang matirhan sa bahaging iyon ng Maynila. Hindi na magawang makapagtrabaho ng mama niya na putol na ang paa kaya siya ang mas higit na malaki ang kita dahil maaari siyang magpasikot-sikot sa kung saan-saan para kumita ng pera. Ito ay hanggang sa paligid lamang ng simbahan nakakapagtinda.

Nakita niya na paubo-ubo ang ina nang lapitan niya ito. Pero dahil sa murang edad ay hindi naiintindihan ng batang isip niya ang mga pag-ubo-ubo na iyon ng ina. Tinakpan pa niya ang mata ng ina habang nakatalikod ito sa kanya nang dahan-dahan niya itong nilapitan.

"Hulaan n'yo po kung sino!" Malambing at nakangiti na sabi niya. Dama niya na ngumiti ang matandang babae.

"Ang malambing, maganda at mapagmahal kong anak at wala nang iba pa." Nakangiti namang sagot ng mama niya saka niya ito hinalikan sa pisngi at ibinigay ang tsinelas na binili niya para rito.

"Happy birthday po, Mama!" Masiglang sabi niya saka naman ito niyakap.

"Naku, Anak, salamat. Nag-abala ka pang bumili nito. Sana inipon mo na lang para makapag-aral ka na sa susunod na pasukan." Bagamat masaya ay nalulungkot rin na sabi nito.

"Mama, pinag-ipunan ko po talaga iyan para sa inyo. Nag-aalala po kasi ako para sa 'yo, Mama, sugat-sugat na ang mga kamay mo," mabait na sabi ni Freya.

Naputol na ang mga paa nito dahil sa aksidenteng sinapit nito nang minsang nagtinda-tinda ito sa kung saan-saan. At dahil sa wala silang pera ay lumang skaters lamang na napulot nila ang ginagamit nito para lang makagalaw ito. Pinalaki lamang at inayos nila iyon para maupuan nito sa tuwing gusto nitong kumilos. Gamit nito ang kamay sa tuwing pinapaandar iyon kaya naman nasusugatan ang kamay nito at naiinitan pa iyon lalo na kapag mataas ang sikat ng araw.


HALOS mangiyak-ngiyak naman si Lenita habang pinagmamasdan ang anak na ngayon ay pinaghahain na ang pancit sa luma na nilang plato. Hanggang sa hindi na nga niya napigilan at tuluyan na siyang napahagulgol.

"Mama, bakit po kayo umiiyak?" Nag-aalalang tanong ni Freya na lumapit kaagad nang marinig ang kanyang pag-iyak.

"Nahihiya kasi ako sa 'yo, Anak. Ako dapat ang kumikilos at nagtatrabaho para sa atin pero heto ako ngayon. Inutil at hindi man lang kita mapag-aral. Hanggang ngayon ay grade one pa lang ang natatapos mo," malungkot na sabi ni Nenita.

"Mama, huwag n'yo pong isipin 'yan. Mas mahalaga po kayo sa akin kaysa sa pag-aaral ko. Ang importante, magkasama po tayo," pagpapalubag nito sa loob niya.

"Pasensya ka na, Anak kung walang kwenta ang naging mama mo."

"Mama, huwag naman po kayong magsalita ng ganyan. Para sa akin ay kayo po ang pinaka the best na mama sa buong mundo! Masaya naman po tayo kahit mahirap lang tayo, hindi ba? Kayo na po ang nagsabi sa akin na may awa ang Diyos. Kaya sigurado po ako na dadating ang araw na makakaahon din tayo. Alam ko na hindi niya tayo pababayaan," positibo at nakangiting sabi ng mala-angel nitong mukha.

Sa kabila ng murang edad ay lutang na lutang na ang kagandahan ng kanyang anak. Sa tuwing nakikita niya ito lalo na kapag ngumingiti ito ay lagi lang niyang naaalala ang ama nitong si Carlos. Sigurado siya na kapag nagdalaga ito ay kahuhumalingan rin ito ng maraming kalalakihan katulad ng ama nito na kinahuhumalingan ng maraming kababaihan.

Totong malaki ang hinanakit niya niya sa ama nito. Dahil maramot ito at hindi siya nito nagawang mahalin, pero naiitindihan naman niya kung bakit hindi. Sana noon ay ibinigay na lang pala niya si Freya sa ama nito kasama ng kakambal nito. 'Di sana ay hindi ito kasama niyang naghihirap ngayon. Pero huli na ang lahat. Hindi na niya alam kung nasaan si Carlos at sigurado siya na kapag nakita siya nito ay imbes na tulungan ay baka tawanan lang siya nito sa kalagayan niya.

Alam niya noon na hindi siya mahal ni Carlos pero pinilit pa rin niya ang sarili rito. Ang katwiran niya noon ay kapag mahal mo ang isang tao ay dapat mo iyong ipaglaban. Pero imbes na pagmamahal ay galit pa ang naramdaman nito sa kanya nang samantalahin niya ang pagkakataon na malasing ito at may nangyari sa kanila. Kaya naman hindi kataka-taka na hindi siya pinakasalan nito kahit pa nabuntis na siya. Sa halip ay kinuha lang nito at ng matapobre nitong ina ang isa pa niyang anak na iniwan niya sa isang kamag-anak. Kung hindi pa niya itinakas si Freya noon ay wala kahit isang anak ang matitira sa kanya.

Niyakap niya si Freya nang buong pagmamahal. Ito na lang ang nag-iisang kayamanan niya sa mundo. Ayaw niyang dumating ang araw na matulad ito sa kanya. Ayaw niyang maging malas din itong katulad niya at hindi rin masuklian ang pagmamahal na ilalaan nito para sa isang lalaki.

"Bakit po, Mama?" Nagtatakang tanong nito.

"Wala, Anak. Gusto ko lang sabihin sa 'yo na huwag ka munang magbo-boyfriend, ah? Kaylangan ka pa ni Mama," pagbibiro niya.

Kumalas naman ito sa pagkakayakap sa kanya.

"Boyfriend? Ano pong boyfriend? Nakakain ba 'yun?" Inosenteng tanong nito.

Napatawa naman siya dahil sa pagkainosente nito na ultimo boyfriend ay hindi nito alam.Pero maya-maya ay nalungkot na naman siya. Ayaw niyang lumaking mangmang ang anak. Alam niya na may utak naman ito kung matuturuan lang ito. Pero ang problema ay pera. Ni pangkain nga ay wala sila.

Napapikit siya. Hindi ito ang buhay na dapat kinamulatan ni Freya. Anak ito ng isa sa mga tinitingala at isa sa mga pinakamayaman na business tycoons sa bansa. Pero heto ang anak niya ngayon at walang ibang inatupag kundi ang magtrabaho sa araw at gabi para lang may makain sila.

"'Nay, kain na po," mabait na sabi ng anak niya saka siya iniabutan ng pancit at pinagsaluhan na nila iyon...

- TO BE CONTINUED...

4. The Comfort of No One.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon