Chapter 6: Ang Muling Pagkikita. (6/24/2020)

39 2 0
                                    

Chapter 6: Ang Muling Pagkikita.

Written By: Cristina_deLeon WP

KAHIT na hindi naman nagsumbong si Arthur kay Castor ay nalaman pa rin nito na nagkaroon sila ng away ni Arthur nang dahil kay Freya. Sa lakas ng boses ni Arthur kanina habang kausap siya, hindi na siya nagtataka na marami ang nakarinig sa pinag-aawayan nila. At bilang mga sipsip, kumanta agad ang mga ito kay Castor. Kung sino man ang nagsumbong dito ay hindi na niya alam.

"Ano ang dahilan mo at ayaw mo na paturuan ang batang iyon na magnakaw? Ano ang magiging silbi natin sa kanya kung hindi niya iyon gagawin?!" Galit na galit si Castor sa kanya nang ipatawag siya nito.

"Mabait na bata si Freya. Hindi niya kayang magnakaw pero nangako naman siya na makakapag-abot ng limang daan araw-araw—"

"Hangal ka!" Pinutol ni Castor ang sinasabi niya. Tumayo ito sa tila trono nito sa opisina at pinaikutan siya. "Hindi ba at sinabi ko na sa 'yo na hindi ka pwedeng magpakaattach sa kahit na sinumang bata rito o kahit na sinumang tao? Kung gusto mong mabuhay ng maayos ay hindi ka maaaring magkaroon ng kahinaan! Sa nakikita ko sa 'yo ngayon, daig pa ng sarili mong pamilya ang batang iyon para sa 'yo. Hindi na ako magtataka kung balang araw ay mapatay mo ako nang dahil sa kanya!" sabi pa nito.

Napakagat-labi si Samuel. Saka siya lumuhod sa harap ni Castor. "Hindi ko kayo magagawang patayin, Boss. Alam ninyo na nasa inyo ang loyalty ko. Para ko na kayong sarili kong ama. Pero nakikiusap ako sa inyo, pagbigyan na ninyo ang tangi kong hiling. Pabayaan n'yo na lang si Freya kung paano niya kikitain ang perang iaabot niya sa inyo. Huwag n'yo na ho siyang pilitin pa na gumawa ng masama. Matalinong bata si Freya, malayo pa ang mararating niya."

TInawanan lang siya ni Castor. "Ang akala ko noon ay matalino ka pero isa ka palang malaking tanga. Walang kasapi ng sindikatong ito ang nabuhay at mabubuhay na may malinis na kamay. Lahat tayo rito ay dapat na madungisan ang kamay kung gusto mong magtagal. Alam mo 'yan. Pero bakit nang dahil lang sa isang bata ay nakalimutan mo na yata? Mukhang kailangan kong ipaalala sa 'yo." Saka sinenyasan ni Castor ang mga tauhan nito na damputin siya.

"Walang kaso sa akin kahit na saktan n'yo pa ako pero please lang, hayaan n'yo na lang si Freya..." pagmamakaawa pa rin niya.

"Boys, patahimikin ninyo ang loko-loko na 'to at nang matauhan."

Iyon lamang at halos kaladkarin siya ng tatlong tauhan ni Castor palayo sa harapan nito. Dinala siya ng mga ito kung nasaan ang mga bata at ibang myembro ng sindikato.

"Ngayong gabi ay gusto ko na may matutunan kayong isang aral. Isang aral na hindi dapat kayo sumuway sa akin dahil kung hindi, matutulad kayo sa kapalaran ng lalaking ito." Iyon ang sinabi ni Castor sa harap ng maraming tao.

Nakita niya si Freya na mukhang takot na takot sa maaaring gawin sa kanya nina Castor.

Maya-maya ay piniringan ng mga tauhan nito ang mata niya. Hinubad ang tshirt niya saka tinali ang kamay niya sa mataas na kahoy na naroon. Saka siya isa-isang sinuntok, nilatigo ng sunturon at pinagpapalo ng dos por dos ng mga tauhan ni Castor.

"Bitiwan ninyo ang Kuya Samuel ko! Huwag ninyo siyang saktan!" Narinig niya na umiiyak na si Freya.

Siya naman, halos pinanghihinaan na ng tuhod dahil sa sobrang sakit na iniinda niya ngayon. Tila namamanhid na ang katawan niya dahil sa sobrang sakit na dulot ng suntok, latigo at pagpalo sa kanya ng kahoy. Pero hindi iyon ang inaalala niya. Ang mas inaalala niya ay si Freya na maaaring saktan ng mga tauhan ni Castor. Walang kinikilalang edad ang mga ito pagdating sa 'pagdidisiplina.'

4. The Comfort of No One.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon