Chapter 5: Ang Pangako (6/20/2020)

54 3 0
                                    

Chapter 5: Ang Pangako.

LUMIPAS pa ang ilang linggo at naipalibing na rin ni Carlos si Amelia pero hindi pa rin nila nakikita si June na mas kilala ng lahat sa pangalan na Freya.

Ngayon ay nakaupo siya sa opisina niya habang binabasa ang files na ibinigay sa kanya ng isang private investigator. Oo, pinaimbestigahan din niya ang nangyari sa mag-ina niya. Kasalukuyan niyang tinitingnan ang picture ng mag-ina niya. Kuha iyon ng isang panadero na malapit sa mag-ina niya. Ayon dito, palagi raw bumibili ng tinapay si June rito kaya naging close na rin sa dalawa.

Habang tinititigan iyon ay hindi tuloy maiwasan na magbalik sa kanya ang nakaraan nila ni Amelia.

Naaalala pa niya noon na isa lamang katulong si Amelia sa mansyon nila noon pero lihim pala siyang inaambisyon nito. Noong mga panahon na iyon ay magkasintahan na sila ni Rita at mahal na mahal niya ang babae. No'ng magkaroon ng pagkakataon noon si Amelia ay nilasing siya nito, may nangyari sa kanila at nabuntis ito. Ang akala nito noon ay makukuha na siya nito kapag may anak na sila pero hindi iyon nangyari. Masyado niyang mahal si Rita noon kaya noong mabuntis niya si Amelia ay kinuha niya lang ang kambal niya rito at lumipat sila ng tirahan.

Gumawa naman ng paraan si Amelia para makuha kahit ang isa man lang sa dalawang sanggol. Tinakas nito si June at naiwan sa kanya si July. Pagkatapos noon ay hindi na niya ito nakita pa ulit kahit ano pa ang ginawang paghahanap niya.

Ngayon, ayon sa private investigator na inupahan niya, napag-alaman niya na tinakwil pala ng mga magulang nito si Amelia nang malaman na isa itong disgrasyadang babae. Ni hindi man lang nito sinabi sa mga magulang na siya ang nakabuntis dito. Sinabi pa nito na Lenita ang pangalan nito sa ibang tao at maging si June ay pinakilala sa lahat bilang 'Freya.'

Nagpunta ito sa malayong probinsya, nagtayo ng negosyo pero nalugi. Noong five years old si June ay nagbalik ang mga ito sa Manila at doon na nag-umpisa ang sunod-sunod na kamalasan ng mga ito. Ang natitirang pera na mayroon si Amelia ay nakuha ng mga holdaper kaya napilitang mamasura ang mga ito. Naaksidente pa si Amelia na naging dahilan para ikaputol ng mga paa nito. Natutong magtrabaho si June sa murang edad.

Wala na ring mahingan pa ng tulong si Amelia dahil ang ina at ama nito ay magkasabay na namatay din sa isang sunog. Wala na ring malapit na kamag-anak ang dalawa kaya napilitan ang mga ito na mamuhay sa kalsada.

Naikuyom niya ang kamao dahil sa mga nabasa niya sa files na binigay sa kanya ng private investigator. Ni hindi man lang naisip na lumapit sa kanya ni Amelia. Kahit pa sabihin na halos dalawang taon din siyang nasa ibang bansa para asikasuhin ang mga negosyo nila ay may paraan pa rin para makontak siya. Pero naisip niya, marahil ay talagang ayaw na siyang guluhin pa ni Amelia kaya hindi siya nito kinontak. Grabeng pang-iinsulto ang sinabi niya noon dito sa phone call matapos nitong itakas si June.

Sa totoo lang, pinagsisisihan niya ngayon ang mga nangyari. Kung pinanindigan na lang sana niya si Amelia noon pa dahil may mga anak na sila ay hindi na sana ito mangyayari pa. Sa kabila ng mga ginawa ni Amelia sa kanya ay alam niya na talagang mahal siya nito at wala siyang duda roon. Marami itong mga sakripisyong ginawa noon para sa kanya na binalewala lang niya.

Ang akala niya ay si Rita ang para sa kanya pero nagkamali siya. Hindi siya masaya sa relasyon nila. Nanlalalaki ito at wala itong pakialam sa anak nilang si Owen at alam niya, may lihim din itong ngitngit sa anak nila ni Amelia na si July dahil ito ang patunay ng 'kataksilan' niya katulad ng palagi nitong sinasabi.

Kung nasaan man ang anak niyang si June ay hindi siya titigil hanggang hindi ito nakikita ulit. Naniniwala siya na magkakasama pa rin silang muli ng anak.

4. The Comfort of No One.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon