Chapter 2: Ang Unang Halik.

273 10 3
                                    

Chapter 2: Ang Unang Halik.

Written By: Cristina_deLeon

Masayang-masaya ng araw na iyon si Freya. May nakita kasi siyang magandang pwesto na maaari niyang mapagbentahan ng mga sampaguita. Maraming tao roon sa simbahan na iyon dahil malaki rin iyon hindi katulad no'ng dating simbahan na pinagbebentahan nya.

Halos mauubos na nga ang dala niya, e. Kaya siguradong may maipambibili na naman siya ng masarap na pagkain mamaya.

Hanggang sa naubos na nga lahat.

Paalis na sana siya roon nang biglang may matabang lalaking sumulpot sa harapan nya. May kasama pa itong dalawang bata na mukhang siga rin. Sapilitan nitong kinuha ang supot na pinaglagyan niya ng pera saka siya itinulak.

"Akina 'yang pera ko! Pinaghirapan ko 'yan, eh!" Sabi niya saka tumayo at inabot-abot ang pera niya na itinataas naman nito. Hindi niya abot iyon dahil matangkad ito sa kanya. Tantya niya ay nasa labing tatlong gulang na ang tabachoy.

"At bakit ko ibabalik, ha? Alam mo ba na teritoryo namin itong kutong lupa ka? Lahat ng kitaan sa lugar na ito ay amin! Kaya magtigil ka kung ayaw mong masaktan!" Siga pang sagot nito.

"Pero kailangan ko 'yan, eh! Bakit hindi na lang din kayo magtinda para magkaroon din kayo ng sariling pera ninyo? Malalaki naman ang katawan n'yo, ah?" Pangangatwiran pa niya.

"Aba at sasagot ka pa, ah!" Napikon na sabi nito saka nito iniangat ang kamao. Napapikit naman siya at hinantay na dumapo ang suntok nito sa mukha niya na nakasanayan na rin niya dahil hindi lang naman ito ang unang batang siga na naencounter niya. Pero walang dumapo sa kanya.

At pagdilat ng mata niya ay may pumigil na pala sa kamao nito.

"Ibalik mo ang pera niya," seryosong sabi ng isang lalaki na sa tingin niya ay nasa labing limang taong gulang na.

Maputi ito. May pagkakulot ang buhok at brown ang mga mata. Kung mukha lang ang titingnan mo rito ay iisipin mo na mayaman ito. Gwapo kasi at may hawig sa mga artistang madalas niyang makita sa mga billboards. Pero punit-punit rin ang suot na damit nito, marungis at gusgusin tulad niya. Kaya malamang ay isa rin itong batang kalye.

"Pero bakit pa, Samuel? Ang sabi ni Boss, kailangang makapagbigay tayo ng malaki-laking pera sa kanya ngayon. Nilakihan niya na nga ang kota 'di ba? Gusto mo bang wala tayong kainin mamaya?" Pangangatwiran pa ni Taba.

"Maraming paraan para magkapera, Butchoy. Hindi mo kailangang magnakaw sa batang mas maliit pa kaysa sa'yo. Maraming mayayaman dito. Makakagawa tayo ng paraan," walang kangiti-ngiting sabi nito.

"Pero—"

"Ibalik mo ang pera niya at magsorry ka kung ayaw mong ako ang makalaban mo," pagbabanta pa ni Samuel.

Para namang natakot si Butchoy at ibinalik ang pera niya at labas sa ilong na nanghingi ng sorry sa kanya.

'Yun lang at tumalikod na sa kanya ang apat na lalaki.

"A-ah, K-Kuya Samuel!" Pagtawag niya. Gusto niyang magpasalamat dahil pinagtanggol siya nito.

"Ano na naman—" Hindi na nito naituloy ang sasabihin pa sana nito dahil hinalikan na niya ito. Sa pisngi lang dapat tatama iyon pero dahil naglikot ito at napaharap, sa lips nito tumama ang halik niya kaya naman nanlaki ang mga mata nito!

"Gusto ko lang mag thank you. Sana ay magkita tayo ulit. Ba-bye!"

Iyon lang at iniwan na niya ito. Natulala na lang ang lahat ng nakakita roon nang dahil sa ginawa niya.

"Ano?! Talagang hinalikan mo 'yung lalaki?" Ang lakas ng tawa ng Mama niya no'ng kinuwento niya rito ang nangyari. Nakabalik na siya sa likod ng simbahan at nabilhan na rin niya ito ng dinuguan pati ng kanin.

"Bakit ba, Mama? Ano po bang masama sa ginawa ko? Para kasing gulat na gulat sila kanina, e!" Inosenteng tanong ni Freya.

"Anak, ikaw, alam mo, pinapatawa mo talaga ako. Nagtaka ka pa talaga kung bakit e, hinalikan mo lang naman sa lips 'yung binatilyo! Buti hindi ka nasuntok. Naku, Freya, huwag mo na ulit gagawin 'yun! Ikaw, ha. Masyado kang mabilis, baka mamaya, maunahan mo pang magkaboyfriend ang Mama mo!" Nagbibiro pero may himig rin ng kaseryosohan ang tinig ng ina.

"Boyfriend? Ano po ba kasi 'yun, Mama? Saka bakit po ikaw, hinahalikan din naman kita 'di ba? Ano pa pong pinag-iba nun?" Hindi pa rin makagets na tanong ni Freya.

"Anak, iba ako dahil pamilya tayo. Mama mo ko, anak kita. Hindi ka pwedeng maghalik ng kung sino-sino lang. Ikaw talagang bata ka. Lalo pa at lalaki 'yun. Malalaman mo rin ang mga bagay na 'yan kapag nagdalaga ka na. Pero ngayon, baby ka muna ni Mama, okay?" Pagpapaintindi pa ni Lenita.

"Okay po!" Masigla namang sabi ni Freya.

"At ikaw anak, ha. Kung pwede lang, huwag ka na munang magpupunta roon sa kabilang simbahan. Masyado nang malayo 'yun dito. Banda rito ka na lang sa atin magtinda. Baka mamaya, mapahamak ka pa," bilin ni Lenita.

"Sayang po kasi, maraming bumibili ro'n pero kung 'yun po ang gusto n'yo, sige po, dito na lang po ako magtitinda," mabait na sabi pa ng anak.

"'Yan ang gusto ko sa 'yo anak, eh. Masunurin kang bata. Ang swerte ko talaga sa 'yo, baby ko," natutuwang sabi niya sa anak.

"Syempre po, love ko kayo, e! Maswerte din ako sa 'yo, Mama. Para sa akin, kayo ang pinaka-the best na mama sa buong mundo!" Malambing na sabi ni Freya saka humalik sa pisngi niya.

Nagpasalamat naman siya sa Diyos dahil kahit ganoon kahirap ang buhay nila ay binigyan naman siya ng ganitong kabait na anak. Kahit papaano, nagkaroon din ng kwenta ang buhay niya dahil sa anak.

Naputol ang pag-iisip niya nang bigla na namang kumati ang lalamunan niya. Hindi na naman niya napigilan ang pag-ubo. Pero nagulantang siya nang makita niya ang sarili niyang kamay na may dugo!

"Mama, bakit napapadalas po yata 'yang pag ubo-ubo n'yo saka bakit po may dugo? Ayos lang po ba kayo?" Nag-aalalang tanong ni Freya.

Pinigilan ni Lenita ang pagtulo ng Luha.

'Lord, please, huwag ngayon, kailangan pa ako ng anak ko,' pagdadasal niya.

"Wala ito, Anak. Matulog ka na, masama sa bata ang nagpupuyat, ayos lang ako. Matulog ka na," sabi niya saka na ito inayos sa pagkakahiga sa kariton at kinumutan ito. Hinalikan pa niya sa noo ang anak bago ito tuluyang makatulog.

Tahimik na lang siyang umiyak habang tinititigan ang mahimbing na pagtulog ng anak. Natatakot siya sa maaaring mangyari kay Freya kapag dumating ang araw na kailangan na niya itong iwan...

- TO BE CONTINUED...

4. The Comfort of No One.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon