The Second Chance

20.1K 417 44
                                    

TORI


Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman. Hindi ko na alam kung ano ba ang totoo. May galak sa puso ko na makita muli ang anak ko na inakala kong wala na. Masaya ako na may pagkakataon pa ako na mayakap at mahalikan siya, makapiling siya at maiparamdam sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Pero ang makita siya na kasama ni Clement... si Clement na kaibigan at pinagkakatiwalaan ko, ay masyadong nakakagulo sa galak na nadarama ko. Gusto ko nang tumakbo palapit sa anak ko upang mayakap siya, pero may masama akong kutob sa tagpo namin ngayon, parang may hindi tama... 

...lahat ay wala sa tama.

Bakit kasama ni Clement si Breth at bakit hindi niya sinabi sa akin ang totoo na buhay pa ang anak ko? Bakit pinabayaan niya na magluksa ako kung buhay naman pala ang anak ko? At sino ang ipinagluksa at inilibing namin? Ano ba ang tunay na nangyari at ano ang nangyayari sa ngayon. Sa isang iglap pakiramdam ko ay napakamangmang ko.

"B-Breth" sunud-sunod ang pagpatak ng mga luha ko. Gusto kong tumakbo palapit sa anak ko at yakapin siya ng mahigpit.

Naramdaman ko ang paghigpit ng kapit ni Rath sa mga braso ko. Nang lingunin ko siya ay seryoso ang mukha niya, nakatikom ng mariin ang bibig niya at may umaapoy na galit ang mga mata niyang nakatutok kay Clement.

"Tito Clement" lalo akong naiyak nang marinig ko ang tinig ng anak ko. Sinubukan kong tanggalin ang kamay ni Rath na nakakapit sakin para malapitan ko na ang anak ko, pero mas lalo lamang humigpit ang pagkakahawak niya sakin. Gusto ko na siyang sigawan para bitiwan ako pero walang tinig na lumalabas sa bibig ko. Yinakap ako ni Rath pero sinubukan ko pa ring makakawala sa kanya para tumakbo kay Breth. Nagmamakaawang tinignan ko si Rath at nakita ko na nangingilid na din ang luha sa mga mata niya, parang nasasaktan siya.

"Bakit kilala niya ako? Sino sila?" napatingin muli ako sa anak ko nang magsalita siya. Parang may kung anong humihiwa sa pagkatao ko nang marinig ko ang sinabi ni Breth. 

Ano ba talaga ang nangyari? Si Breth ba talaga siya? Bakit hindi niya ako kilala? Ang mga mata niya, ang mukha niya, ang boses niya, hindi ako maaaring magkamali, siya ang anak ko.

Ginulo ni Clement ang buhok ni Breth. "Ipapakilala kita sa kanya mamaya. Kapag umalis na ang kasama niya na sagabal sa ating tatlo." nakangiting turan niya. Naramdaman ko ang panginginig ng katawan ni Rath sa sobrang galit at narinig ko din ang mahihina pero malutong na mura niya.

Lalo lamang akong naguluhan sa inusal ni Clement. Bumitiw si Rath sakin at akmang lalapitan na sila Clement.

"Oops" nakangising sabi ni Clement at may binunot sa likod niya... baril, at itinutok niya iyon sa likod ng ulo ng anak ko! Natigilan si Rath at napalitan ang ekspresyon ng mukha niya ng pagmamakaawa.

"Clement, ano ba ang gusto mo? Itigil mo na 'to, ibaba mo 'yan" pagmamakaawa ko.

"Isa lang naman ang gusto ko, at alam ni Rath kung ano 'yon" nakangiting binalingan niya si Rath. Tumingin ako kay Rath na ngayon ay hindi ko na maintindihan ang ekspresyon. May nababakas na sakit sa mga mata niya habang nakatingin sa anak namin at may galit din doon.

"Rath?" naguguluhang tawag ko sa kanya. Walang tigil sa pagtulo ang mga luha ko.

"I can't do that!" galit na sigaw niya

"Do you have a choice?" nang-aasar na sabi ni Clement at ginalaw galaw pa ang baril na nakatutok sa ulo ng anak ko.

Si Clement na kaibigan ko, my savior, my best buddy, my angel... bakit ngayon isang demonyo na ang tingin ko sa kanya, ngayon na tinututukan niya ng baril ang anak ko at itinago niya ang anak ko. Isang bahagi ng pagkatao ko ang unti-unting namamatay, ang bahagi na nagmamahal at minamahal ng isang kaibigan. Sa loob ng mahabang panahon ay si Clement ang nasandalan ko, sobrang sakit na kaya niyang gawin sa akin ang ganito. Alam ko na mahal niya si Breth, pero paano niya naatim na itutok ang baril na iyon sa anak ko at magbanta sa buhay nito. Joke ba 'to? Kapag ba humagulgol na ako ay biglang may lalabas na mga cameraman at may magsasabi ba sakin na nasa wow mali ako? Sana joke nalang ito at may gusto lang na mag-prank sakin. Kasi sobrang sakit e, ang sakit-sakit na 'yung taong pinaka-pinagkakatiwalaan ko sa lahat, ay siya pang gaganito sakin.

Persevered HeartsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon