Sketch 2: Yasmin Arcena

106 12 7
                                    

DINNER TIME.

"Nakakaaliw talaga ang dalawang kaibigan mo na iyon, anak. Buti hindi sila nagkakapikunan?" Kinuha ko kay Mama ang lalagyan ng chicken adobo para ihain sa hapag-kainan. Tinutulungan ko kasi siya sa paghahanda ng hapunan matapos isara ang karinderya.

"Malakas naman po kasi silang mag-asaran pareho kaya tabla lang, 'Ma." Nginitian ko siya at nagpasalamat dahil paborito ko ang ulam ngayon.

Sabay pa kaming napatingin sa may hagdan dahil humahangos na bumaba ang bunsong kapatid ko na si Karline Elise. "Dinner time!"

"Ikaw na bata ka, pwede namang lumakad pababa ng hagdanan." 

Nag-peace sign tuloy siya sa amin. "Sorry Mama, nagugutom na po ako. Na-drain yata ang utak ko sa pagsasagot ng homework."

"Marami ka bang assignment, Karline? Sana nagpatulong ka sa akin." Inabot ko sa kanya ang plato ng kanin.

"Okay lang, Kuya. Nag-drawing lang naman ako ng Skeletal at Muscular System." Ibinalik nya muli ang plato matapos makapaglagay ng kanin.

"Sana pina-drawing mo na lang sa kuya mo. Sisiw na sisiw lang sa kanya iyon."

"Pero 'Ma, mas maganda kung ako mismo ang maghihirap sa paggawa ng homeworks ko. Kayang-kaya ko naman, saka na po ako magpapatulong kay Kuya kapag World Atlas na ang ipinagawa sa amin dahil brain bleed ang aabutin ng maganda nyong anak." Humagalpak na lang kami ng tawa sa sinabing ito ng kapatid ko. 

"Mahina lang naman ang aircon natin pero bakit parang naka-todo yata ngayon?" Pang-aasar ko kay Karline habang naglalagay ng ulam sa plato ko.

Nginusuan naman nya ako. "Walang pangit sa lahi natin, Kuya kaya kung ako sa iyo ay kakain na lang ako at hindi na kokontra." Sinalinan naman ni Mama ng juice ang baso nya.

"Wala naman akong sinabing may pangit? Gandang lalaki ko kaya!"

Napapailing na lang habang natatawa si Mama sa daloy ng pag-uusap naming magkapatid. "Kuya, tama ka nga. Naka-todo nga yata ang aircon dahil nagtaasan ang balahibo ko sa sinabi mo." Kinuskos  pa nya ang kanyang magkabilang braso. Sabay tuloy kaming tumawa. Ayos din ang kapatid ko, kayang-kaya makisabay sa pang-aalaska ko.

Sinaway na kami ni Mama. "Tama na nga iyan. Sina Avrille at Januar ang topic kanina pero sa inyo na napunta." Baso ko naman ang nilagyan ni Mama ng juice. Ang sweet nya talagang nanay.

"Sina Ate Av at Kuya Jan? Bagay kaya sila! Ang lakas nga lang mag-asaran sa isa't isa. Buti walang pikunan sa kanila?" Saksi rin kasi ang kapatid ko sa matinding asaran ng dalawang bestfriends ko. Sa tingin ko naiimpluwensyahan na ng dalawang iyon si Karline. Kita nyo nga at nakakasabay sa pang-aasar ko.

"Ikaw naman anak," baling ni Mama sa akin. "Wala ka pa bang nagugustuhan?"

Nasamid akong bigla kaya agad akong inabutan ni Karline ng juice na halatang nagpipigil ng tawa. Bago pa ako makapagsalita ay naunahan na ako ng kapatid ko.

"Si Ate Yas ang crush ni kuya, 'Ma!" Bigla kong napatingin kay Karline at nanunukso ang tingin nya.

"Si Yasmin Arcena ba na nakatira sa kabilang kanto ang tinutukoy mo baby girl?"

"Yes, 'Ma! Nakita ko kasi ang portrait nya na ginawa ni kuya nang magpunta ako sa room nya para manghiram sana ng lapis, e nasa school pa siya kanina."

Pakiramdam ko ay biglang uminit ang paligid kahit malakas naman ang aircon. Napaka-usisera talaga ng kapatid ko. Dapat pala ibinalot ko na ang frame para hindi na nya nakita.

"Si kuya speechless na. Sorry na nabuking ka namin ni Mama." Nag-peace sign siya sa akin habang si Mama naman ay ngiting-ngiti.

"Birthday kasi nya bukas kaya naisipan ko na gawan siya ng sketch bilang regalo." Napakamot na lang tuloy ako sa kilay.

"Kaklase mo nga pala ang dalagitang iyon. Igagawa ko siya ng Graham Cake at ibigay mo na lang sa kanya, Karll." The best talaga si Mama! "Opo, 'Ma. Siya rin ang SSC President at running for valedictorian. Sige po, thanks 'Ma! The best ka talaga." Pawang katotohanan lang at walang halong pambobola.

"Naks Kuya, mukhang boto si Mama kay Ate Yas para sa iyo. Go push!" Itinaas pa nga nya sa ere ang kamao nya. Nginitian ko na lang siya habang kumakain.

"O siya, siya tapusin nyo na muna ang pagkain nyo. Saka na ang love life kapag nakapagtapos na ng pag-aaral."

"Mama talaga, oo. Love life agad? Hindi po ba pwedeng crush muna?" Hirit pa ni Karline habang patapos na sa pagkain. Ang bilis kumain ng isang ito. Mukhang nagutom sa paggawa ng homeworks.

"Okay na po ako sa inspirasyon 'Ma. Saka na muna ang love life."

"Pero crush mo talaga si Ate Yas? Aminin mo!"

Ang kulit talaga. "Oo na, oo na. Okay na?" Two thumbs up naman ang ibinigay nya sa akin.

*****

Si Karline na ang nagligpit ng mga pinagkainan at ako ang nagpunas. Tinuruan kasi kami ni Mama ng mga gawaing-bahay. Dapat daw ay hindi kami palaging umaasa sa kasambahay. Pagkatapos naming maglinis na magkapatid ay dumiretso na kami sa kwarto. Si Mama ay nanuod muna ng tv sa salas.

Pagpasok sa kwarto ay bumungad sa akin ang tatlong frames na may sketch ni Yasmin. Oo, tatlo talaga ang ginawa ko, ganyan ako ka-inspired. Sino bang hindi maiinspired dahil Miss Dream Girl talaga si Yasmin. Maganda, matalino, mabait at nakakatunaw talaga ang kanyang mga ngiti.

"Sana magustuhan nya ang mga obra ko." Ewan ko ba kung bakit nakukulangan ako ng lakas ng loob pagdating sa kanya. Ang dami kasing nagpapalipad-hangin sa kanya, mga gwapo at mayayaman pa. "Makita ko lang ang mga ngiti mo ay kuntento na ako." Bahagya ko pang hinaplos ang frame kung saan nakangiting Yasmin ang sketch. 

Ginawa ko na muna lahat ng homeworks ko bago matulog para wala na akong poproblemahin sa Lunes. Nag-log in din ako saglit sa Facebook at pumunta sa profile nya. Mukha tuloy akong stalker.

"Ang ganda mo talaga, Yasmin Arcena."

*****

Alas dose ng gabi.

Habang tahimik na sa buong bahay ng mga Novero, nagkaroon ng munting liwanag ang drawer kung saan nakalagay ang sketch pad ni KEN. Ang sketch pad na ito ay bigay ng kanyang Lolo. Hindi pa nya ito nagagamit dahil hindi pa naman nauubos ang iba nyang sketch pad. Dahan-dahang bumukas ang drawer na hindi man lang gumawa ng maski konting ingay. Umangat ito sa ere hanggang sa lumapag sa lamesa habang unti unti ring nawawala ang liwanag na nagmumula rito.



Sketch It Up, KEN!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon