Sketch 12: Reunited

26 10 6
                                    

UNITED AGAIN.

"Wow."

Sabay pa talaga kaming napabulalas ni Yasmin dahil sa aming nasaksihan.

"Totoo ba iyong nangyari kanina?" Parang hindi pa rin makapaniwalang tanong ni Yasmin.

"Kahit masyadong mabilis ang mga pangyayari, oo."

"Ang galing nilang makipaglaban. Parang naglaro lang sila. Sana kaya ko rin ang ginagawa nila."

"Malay mo, may kakayahan ka ring maging tulad nila. May kapangyarihan na kayang labanan ang anumang halimaw o masasamang elemento." Pagbibigay lakas-loob ko sa kanya.

"Pero paano mangyayari iyon? Isa lamang akong normal na tao kagaya mo?"

"Normal akong tao pero nakita mo naman kung ano ang nangyari noong nakaraan sa baseball match."

"Sabagay. Tara na. Nakakagutom pala ang magjogging nang ganito kalayo."

Tumango ako at nagsimula na kaming maglakad pabalik para muling mapatigil dahil sa pagsulpot ng isang bituin na nakapaloob sa bilugang ilaw na nakaharang sa daraanan namin.

"May kalaban na naman?" Napakapit pa si Yas sa braso ko.

Iniluwa ng mahiwagang ilaw ang dalawang nilalang. Mukhang hindi naman sila kalaban dahil wala akong maramdamang masamang aura sa kanila.

Kasabay ng pagkawala ng ilaw ay ang kabuuan ng dalawang tao na nakabalabal. Sabay nila itong inalis at bumungad sa'min sina Yohan at Hyde.

"K-kuya?" Bakas ang pagkagulat sa mukha ni Yasmin pagkakita sa kuya nya.

"Kumusta, Yasmin? Nahuli pala kami ng dating."

Hindi na nakapagsalita si Yasmin. Sa halip, tumakbo siya sa kinatatayuan ng dalawa at saka niyakap ang kuya nya.

"Nagbalik ka. Akala ko hindi na kita makikita." Garalgal na ang boses ni Yas.

"Pasensya na kung kinailangan kong umalis para sa isang misyon. Nandito na ako para protektahan ka."

"Protektahan? Saan? Sa mga halimaw ba, Kuya?" Sumisinghot-singhot pang tanong nya.

"Sa mga masasamang elemento. Nandito na sila sa mundo para maghasik ng kasamaan. Kinakailangan nila ang kapangyarihan mo para lubos nilang masakop ang sansinukob."

Hindi na ako nakatiis kaya nagtanong na ako. "Kapangyarihan? Posible nga kayang may kakayahan din si Yasmin?"

"Oo, Karll. Si Yas ang huling henerasyon na nagtataglay ng kapangyarihan ng Puting Liwanag. Sa ngayon, ay hindi pa nya ito nararamdaman dahil kusang lalabas ito sa takdang oras. Sa laban sa pagitan ng mabuti at masama." Si Hyde naman ang sumagot sa tanong ko.

"Ibig sabihin, posibleng mangyari ang nasa panaginip ko?" Sabay na tumango ang magkaibigan.

"May maitutulong ba ako kung sakali? Ayokong panuorin na lang ang pagsakop at pagsira nila."

"Huwag kang mag-alala. Malalabanan mo sila sa pamamagitan ng iyong talento." Singit sa amin ni Yohan na nakangiti.

"Ang pagguhit ba ang tinutukoy mo? Kaya pala mahiwaga ang sketchpad na namana ko kay Lolo."

"Oo, dahil ginamit nya rin ang sketchpad sa pakikipaglaban noon. Pati ng iyong ama."

"Paano nyo nalaman ang tungkol doon? Sigurado akong hindi pa kayo naipapanganak noon."

"Nakatala sa Mahiwagang Aklat ang kasaysayan na iyan, Karll." Tumango-tango na lang ako sa nalaman ko.

"Umalis na tayo rito. Buti na lang at dumating agad sina Alex at Lesli kanina. Kinausap ko kasi sila sa pamamagitan ng telepathy."

"Kung ganoon pala ay kakampi natin sila, Kuya?"

"Pwedeng oo, pwede ring hindi. May iba pa kasi silang misyon kaya hindi ako sigurado kung tutulong sila sa atin."

Lumitaw muli ang mahiwagang ilaw sa may paanan namin. Sa isang iglap ay nakabalik na agad kami ilang hakbang mula sa bahay namin.

"Ang mabuti pa ay mag-almusal muna tayo kina Karll. Masarap ang mga pagkain na niluluto nila." Puri ni Hyde na naka-okay sign pa.

"Siguradong matutuwa si Katelyn kapag nakita kayo."

"Paniguradong magugulat siya. Crush nya kasi si Yohan." Pang-aalaska pa ni Hyde. Natawa tuloy kami ni Yasmin dahil namulang bigla ang kuya nya.

*****

Gulat na gulat si Katelyn pagsalubong sa amin. Nagpalipat-lipat pa ang tingin nya kina Hyde at Yohan at kumurap-kurap na baka nananaginip lang siya.

"Si Yohan nga pala, Katelyn. Na-miss mo ba?" Panunukso pa ni Hyde habang papunta kami sa bakanteng lamesa malapit sa hardin.

"E-ewan nga. Ano palang kakainin nyo?" Inabutan ng menu ni Katelyn sina Hyde at Yasmin. Si Yohan ay tahimik lang na nagmamasid sa mga kumakain.

Si Hyde na ang halos umorder ng kakainin namin. Huwag daw kaming mag-alala dahil siya ang manlilibre ngayon. Makalipas ang labinlimang minuto ay dalawang waiter ang lumapit sa kinauupuan namin. Halos mapuno ang lamesa sa dami ng inorder ni Hyde.

"Kainan na!"

Napapatingin tuloy sa amin ang ilang teenagers na nakaupo malapit sa pwesto namin. Hindi na ako magtataka, mga gwapo kasi itong kasama namin ni Yasmin. Pwede nyo na rin akong isama sa gwapo para tatlo na kami.

Nagkakatinginan naman kami ni Yasmin at pasimpleng nagngingitian dahil nahuhuli namin na tumitingin ang kuya nya sa counter kung saan nakapwesto si Katelyn. Si Hyde naman ay walang pakialam sa paligid dahil abala siya sa pag-ubos ng pangatlong serving ng tapsilog. Hindi halatang gutom na gutom siya.

"Kung ako sa iyo Kuya, lalapitan ko na si Katelyn mamaya kapag tapos na ang shift nya. Hindi ka ba nangangalay sa paglingon-lingon sa kanya?" Panunukso ni Yasmin. Napatigil naman sa pagkain si Hyde.

"Lapitan mo na kasi mamaya. Sige ka, baka maunahan ka pa ng iba." Segunda pa ni Hyde. Napailing na lang ako na nangingiti habang kumakain ng waffle taco.

"Kumain ka na nga lang dyan! Mabulunan ka sana." Nagtawanan tuloy kaming tatlo.

"Kunwari galit pero deep inside kinikilig." Hirit pa ni Hyde sabay peace sign.

Nagtatawanan pa kami nang lumapit si Mama sa amin. "Kain lang nang kain, ha? May bago yata kayong kasama?"

"Kuya Yohan ko po, Tita Elrie." Pakilala ni Yasmin sa kuya nya. Nagmano naman si Yohan kay Mama.

"Kaawaan ka ng Diyos, hijo. Kaya pala magkahawig kayo ni Yasmin. Kay ganda at gwapo nyo pareho."

"Sa tingin nyo, Tita Elrie, bagay po ba itong kaibigan ko sa magandang staff nyo na si Katelyn?" Ayaw paawat na tanong ni Hyde. Si Yasmin naman ay nagpipigil sa pagtawa.

Napatingin naman si Mam kay Katelyn na kasalukuyang kumukuha ng order sa mga bagong dating na customer.

"Magandang lalaki naman si Yohan at magandang babae si Yasmin kaya bagay na bagay sila." Two thumbs up pa na sagot ni Mama.

Inakbayan naman ni Hyde ang kaibigan nya na namumula na. "Narinig mo naman ang sagot ni Tita Elrie. Kung ako sa iyo ay hindi na ako magpapakatorpe pa."

"Nagsalita ang akala mo may lovelife na."

Nagtawanan na naman kaming lahat. Napakamot pa tuloy sa batok si Hyde.

Masaya at busog na busog kami matapos ang almusal. Pansamantalang nakalimutan namin ang hindi magandang nangyari kanina.

________

Update muna rito HAHAHA malapit-lapit na ang labanan!

mangkunifroggy xoxo












Sketch It Up, KEN!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon