Sketch 6: Sketch Girl

64 13 9
                                    

SKETCH GIRL REVEALED.

Gustong-gusto ko pa matulog kaso ang wirdo ng pakiramdam ko na parang may nanunuod sa pagtulog ko kahit ako lang naman mag-isa sa kwarto. Ang nangyari tuloy, nauna na naman akong magising kaysa sa alarm clock.

Pagkamulat ay hindi kaagad ako bumangon. Binalikan ko muna ang mga nangyari kahapon sa birthday ni Yasmin. Para tuloy akong tanga na nangingiti mag-isa. Nang mawala na ang antok ko ay nag-inat na ako at napatigil na lang sa ere ang dalawang kamay ko nang biglang may nagsalita sa may gilid ng kama.

"Magandang umaga, Master!"

Master?

Mabilis akong napalingon sa may bandang kanan kung saan nakalagay ang isang bakanteng upuan. Bakante pa ito kagabi pero okupado na ngayon ng isang babaeng may lampas balikat na buhok, nakangiting mga mata, katamtamang tangos ng ilong at may impit na ngiti sa mga labi. Nakangalumbaba pa siya habang nakatingin sa akin.

Ang babae sa panaginip ko!

"Ikaw?!" Nanlalaki ang mata at hindi talaga ako makapaniwala na nakikita ko siya ngayon. Umayos siya ng upo kaya nakita ko ang suot nyang kwintas na may hugis-pusong pendant. Walang duda. Siya na nga.

"Ako nga, Master! Salamat pala sa paglikha sa akin." Pinagdikit nya ang kanyang mga palad at yumukod.

Napakamot na lang ako sa ulo sa tinuran nya. Paano ko ipapaliwanag kina Mama kung bakit may naligaw na babae sa kwarto ko? Baka kasi mabatukan lang ako kapag sinabi kong 'Ma, siya ang babae sa panaginip ko. Iginuhit ko siya bago ako matulog tapos, boom! Lumabas siya sa sketch pad! Ano'ng gagawin ko?

"Hindi ka pa ba maghahanda sa pagpasok? Lunes ngayon, hindi ba?" Napatigil lang ako sa pag-iisip at saka tumango sa kanya. Bumuntong-hininga muna ako bago kumuha ng damit at pumasok sa banyo.

"Maiwan muna kita. Iniisip ko kasi kung ano'ng paliwanag ang sasabihin ko kina Mama at sa kapatid ko kapag nakita ka nila." Pahabol ko sa kanya bago isara ang pinto.

*****

"Ako nga pala ni Karll Eldred, pero KEN ang tawag sa akin ng dalawang matalik kong kaibigan na sina Avrille at Januar. Ikaw?" Usisa ko sa kanya habang inaayos ang buhok ko. Hindi pa rin kasi siya nagpapakilala.

"Wala pa akong pangalan, maliban na lang kung bibigyan mo ako dahil ikaw ang lumikha sa akin. Pero nabuhay na ako dati sa ibang panahon pero wala akong matandaan sa mga nangyari." Mula sa salamin ay napatingin ako sa kanya. Wala siyang pangalan? Pwede ba iyon?

"Parang reincarnation ba? Ang weird naman."

"Siguro, Master." Kibit-balikat nyang tugon.

"Ibig sabihin, ako pa pala ang magbibigay sa iyo ng pangalan? Tsaka tigilan mo na nga ang katatawag sa akin ng Master. Nakakaasiwa kasi."

"Sige. KEN na lang din ang itatawag ko sa iyo." Todo ngiti pa siya. Ang cute nya tuloy tignan.

Naikwento ko sa kanya na madalas ko siyang mapanaginipan, at sa tuwing itatanong ko na ang pangalan nya ay bigla naman akong nagigising. Nabanggit ko rin na kilala nya si Hyde na siyang nagligtas kay Yasmin dati.

"Si Hyde? Nandito rin pala siya sa mundo nyo?" Magkakilala nga talaga sila? Kaya pala kakaiba na ang pakiramdam ko sa isang iyon.

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Si Hyde kasi --" Naputol ang susunod na sasabihin nya nang bumukas ang pinto at sumilip si Mama.

"Karll anak, nasa ibaba sina Avrille at Januar --" Napaawang ang bibig ni Mama pagkakita sa babaeng kasama ko. Tuluyan na nyang binuksan at pinto at mabilis na lumapit kay Mysterious Girl.

Nagulat na lang kaming dalawa dahil bigla siyang niyakap ni Mama. "Nagbalik ka nang muli, Karlise!" Karlise?

"Saglit po, hindi ko po alam ang sinasabi nyo." Bakas ang pagkalito sa mukha ng babaeng tinawag na Karlise ni Mama.

"Hindi mo na ba ako natatandaan? Ako si Elrie na kalaro mo dati. Si Papa ang lumikha sa iyo gamit ang kanyang sketch pad. Siya rin ang nagbigay ng pangalang Karline Elise sa iyo pero Karlise ang naging palayaw mo." Nagbabanta ang luhang pagpapaliwanag ni Mama.

"Teka, teka 'Ma. Ibig sabihin, magkakilala na kayo? At kapangalan pa nya si Karline?" Naguguluhan na ako sa mga nangyayari.

"KEN tara na!" Sabay-sabay tuloy kaming napatingin sa may pintuan dahil nakatayo na mula roon sina Avrille, Januar at Karline. "Sino siya?" Sabay-sabay ding tanong nilang tatlo habang nakaturo kay Karlise.

Ipinaliwanag ko sa kanila mula sa umpisa. Tinulungan na rin ako ni Mama kaya hindi ako masyadong nahirapan.

"Astig naman! Galing pala sa kanya ang pangalan ko." Namamanghang sabi ng kapatid ko habang pinagmamasdang mabuti si Karlise.

"Paano nangyari iyon? Ngayon ko lang kasi kayo nakita." Napakamot na rin tuloy ito sa ulo.

"Sa tingin ko 'Ma, reincarnation siya ng sinasabi mong si Karlise. Hindi ka kasi nya kilala pero nabanggit nya na nabuhay na siya sa ibang panahon."

"Tapos kamo wala pa siyang pangalan, buddy?" Tanong ni Januar na nakahawak pa sa baba na tila nag-iisip.

"Ako na lang ang magbibigay ng pangalan sa kanya. Baka kung ano na lang ang ipangalan ni KEN diyan." Excited pa si Avrille habang napapalakpak.

"Ako na lang, Abril. Katelyn ang magiging pangalan nya, umpisa rin sa letter K." Sabat naman ni Januar

"Katelyn? Mas maganda pa ang Edrys, e. Unique pa!" Siyempre hindi patatalo si Avrille.

"Mas maganda ang Katelyn!"

"Mas bagay ang Edrys!"

"Katelyn!"

"Edrys!"

"Katelyn Edrys!" Sigaw ko sa kanila kaya napatigil sila sa pagtatalo kung ano ang magandang pangalan.

"Mula ngayon, ikaw na si Katelyn Edrys." Tuwang-tuwa na hinawakan ni Karline ang kamay ni Katelyn.

"K.E. rin ang initials. Galing nyong mag-isip kahit magrarambol na kayo kani-kanina lang." Panunukso pa ni Mama.

"Ano naman ang magiging apelyido nya?"

"Novelo. Para hindi nalalayo sa apelyido nyong Novero." Suhestiyon nitong bigla kaya nagtatakang napatingin kami sa kanya. Itinuro naman nya ang frame kung saan nakalagay ang diploma ko noong elementary.

"Katelyn Edrys Novelo, ako nga pala si Januar Laurente. Januar for short." Pakikipagkamay ni Januar.

"Avrille Ocampo here. Ang napakagandang bestfriend ng dalawang ito. Call me Avrille." Nakipag-cheek to cheek naman si Avrille.

"Kilala mo na naman kaming tatlo nina Mama at Karline kaya...welcome to the family!"

"Group hug!"

Matapos ang group hug ay nagtanong si Karline. "Paano kung may magtanong kung sino siya?"

"Sabihin nyo na lang na malayong kamag-anak nyo tutal hindi naman magkalayo ang Novero at Novelo. Baka biglang mawindang ang mga tao kapag sinabi natin na isa siyang obra na biglang lumabas sa sketch pad."

"Good suggestion, Abril. Minsan talaga ay pinapagana mo rin ang utak mo."

"Mas matalino talaga ako kaysa sa iyo, Enero." Heto na naman ang asaran ng dalawang ito.

"Hep hep tama na ang asaran. Mag-almusal na muna kayong apat bago pumasok sa eskwela. Pakainin na rin natin si Katelyn baka kasi gutom na rin siya." Nagtawanan pa kami dahil biglang kumulo ang tiyan nito. Bigla tuloy namula ang mga pisngi.

Bumaba na kami para mag-almusal. Saka ko na lang itatanong sa kanya ang tungkol kay Hyde.


Sketch It Up, KEN!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon