CHAPTER 04

147 10 1
                                    

Ala-una na ng madaling araw pero hindi pa rin ako madalaw-dalaw ng antok. Kanina pa nakatulog sila nanay kaya ako na lang ang gising. Halos sumakit na ang likod ko kakabiling sa kama pero walang nangyayari. Bumabalik pa rin sa alaala ko ang nangyari sa simbahan lalo na ang pusang itim. Paanong natuto ako ng ganung salita ay hindi ako sigurado. Basta ang alam ko ay may kababalaghang nangyayari sakin.

Napalingon ako nang may marinig na kalabog. Parang galing sa kusina.

Tumingin ako kay nanay pero parang hindi man lang naantala ang pagtulog ng mga ito. Maingat akong umupo at lumuhod sa tabi ni Junie.

"Junie!" Bulong ko. "Tay! Gising ho, may tao po yata sa labas!"

Gumalaw si tatay. Akala ko ay magigising ito pero tumalikod lang ito sa akin. Narinig ko ulit ang kalabog, parang nasa loob na ng bahay. Napalunok na lang ako at maingat na sumilip sa manipis na telang nakatakip sa kuwarto. Hinanap ko kung saan nanggagaling ang ingay pero wala akong makita. Pinakiramdaman ko muna ito sandali bago lumabas ng kuwarto.

Halos mapatalon ako nang bumukas ang pintuan kasabay ang pagpasok ng mainit na hangin. Lumakas ang pagtibok ng puso ko. Natatakot ako pero nilakasan ko na lang ang loob ko. Dahan-dahan akong naglakad palapit sa pintuan at sumilip sa labas.

Walang tao.

Sarado pa rin ang mga pinto ng kapitbahay. Wala rin akong makitang ibang tao na pwedeng gumawa nun. Natawa na lang ako.

"Ano ka ba Minerva. Baka pusa lang yun, tsaka yung hangin, baka hindi lang nalock ng maayos ni tatay 'tong pinto. Tinatakot mo na naman ang sarili mo."

Napailing na lang ako. Isasara ko na sana ang pintuan nang may mahagip. Nanliit ang mga mata ko. Parang may gumalaw dun sa may puno. Hinintay ko itong gumalaw ulit pero wala ng nangyari. Naguguluhang isinara ko na lang ang pinto at inilock yun. Sinigurado kong hindi na yun matatanggal at pumanhik na sa kuwarto.


Dumampi sa pisngi ko ang malamig na simoy ng hangin. Sa panaginip ay nakatayo ako sa isang parang. Madilim at nagmistulang napakalaki ng buwan na natatakpan ng naglalakihan ring mga puno. Naghahatid ito ng karampatang liwanag para lumikha ng mga anino sa kahit saang sulok ng lugar na iyon. Nagtataasan ang mga damo na halos umabot na sa aking bewang. Napakatahimik doon maliban sa malalakas na paghampasan ng dahon at sanga habang ang buhok ko naman ay tinatangay nito papunta sa aking likuran.

Nakasuot ako ng isang manipis na puting bestidang hapit sa aking katawan. Umabot iyon sa talampakan ko pero dahil sa nipis ng tela ay naaaninag pa rin dito ang hubad kong katawan. Nakapagtataka lang na sa halip na mahiya ay para bang natural lang sa akin ang magsuot ng ganoon. Katulad ng dati ay suot ko pa rin ang krus sa aking leeg ngunit sa 'di malamang dahilan ay tila sumisikip ang tali nun. Ang pinagkaiba lang nito sa reyalidad ay ang mga tattoo na nakaukit sa balat ko. May tila pumitik na kung anong memorya sa isip ko pero binalewala ko na lang.

Biglang tumigil ang pag-ihip ng hangin kasabay ng paninikip ng dibdib ko. Nahigit ko ang hininga nang may mapansin. Sa malayong parte ng kakahuyan ay ang pigura ng isang tao, nakalahad ang isa nitong kamay na para bang hinihikayat ako nitong lumapit sa kanya. Gusto kong tumakbo pero may kung anong pwersa ang kumukontrol sa katawan ko. Mabagal akong naglakad. Hindi ako makahinga. Habang lumiliit ang distansya sa pagitan namin ay siya ring pag-unti ng hanging nalalanghap ko. Nakailang hakbang na ako nang may tumawag sa pangalan ko, para akong nagising sa isang hipnotismo, at sa paglingon ko ay siyang pag-alingawngaw ng nakabibinging sigaw ng isang halimaw.

Napabalikwas ako ng bangon na habol ang hininga. Panay ang lunok ko habang sapo ang dibdib. Ramdam ko ang malagkit na pawis na dumidikit sa balat ko. Mabilis rin ang pagtibok ng puso ko sa 'di mawari na dahilan.

𝐓𝐇𝐄 𝐃𝐄𝐕𝐈𝐋'𝐒 𝐃𝐄𝐍 || 𝐃𝐞𝐬𝐢𝐫𝐞 (Onhold)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon