PROLOGUE

317 11 1
                                    

PAGKULOG ng kidlat ang bumuhay sa gabing iyon, umiihip rin ang hangin na sinabayan pa ng malakas na pagbuhos ng ulan. Malalim na ang gabi at tila nagbabadya ng nakakatakot na trahedya. Wala ng kahit ni isa pang tao ang makikitang umaaligid sa parteng iyon ng bundok maliban sa isang babae.

Paika-ika ito habang pilit na tumatakbo. Maging ang paghinga niya ay lalong bumibilis. Namumuo na rin ang mga butil ng pawis sa kanyang noo. Patuloy pa rin nitong tinatahak ang madilim na kagabutan. Pabalik-balik rin ang tingin niya sa likuran dahil sa labis na pagkataranta.

Nakaramdam ito ng panlalamig, maging ang mga paa nito ay nagkanda sugat-sugat na pero ininda niya iyon. Hindi siya pwedeng tumigil. Hindi dapat siya mahuli. Kahit anong mangyari ay kailangan niyang makalayo sa lugar na ito. Kailangan!

Nasa pababa na siyang parte ng bundok nang madulas. Napaigik siya ng tumama ang tiyan sa puno. Agad namutawi ang isang dasal sa kanyang bibig at masuyong hinaplos ang puson. Naghihingalo siya at pilit na sumasagap ng hangin. Pinilit nitong tumayo pero nabuwal lang ulit. Basang-basa na ang katawan niya dahil sa pinaghalong ulan at pawis, halos dumikit na rin sa kanya ang manipis na puting bestidang suot.

Napatingala siya nang makarinig ng ingay. Napasigaw na lang siya nang makita ang lalaki, ilang dipa na lang ang layo nito sa kanya!

Demonyo! Sigaw ng isip niya. Pinaglalaruan siya nito!

Hirap man ay pinilit niyang tumayo. Mas binilisan niya ang pagtakbo. Nanlalabo na rin ang kanyang paningin dahil sa walang patid na pagtulo ng mga luha. Ramdam niya ang malapot na likidong tumutulo sa pagitan ng kanyang hita maging ang ilang putik na kumapit na rin sa kanyang balat.

Halos mamilipit na siya sa sobrang sakit ngunit sinikap niya pa ring makatakbo. Kontrolado nito ang bawat paghinga habang paulit-ulit na hinahaplos ang kumikirot na tiyan. Unti-unti na siyang nawawalan ng pag-asa ngunit kailangan niyang makatakas.

Hanggang sa dinala siya ng mga paa sa malawak na lugar. Napatigil siya nang mapansing nasa dulo na siyang bahagi ng mataas na bangin. Mula sa taas ay nakikita niya ang malalakas na paghampasan ng mga alon.

Napaatras siya. Napatingala. Bilog at pulang-pula ang buwan ng gabing iyon, tila nagbabadya ng isang signos. Maging ang puno ay dumuduyan sa pinagsamang hangin at buhos ng ulan.

Agad siyang napalingon nang makarinig ng mga yabag. Dahan-dahan itong lumabas mula sa madilim na parte ng kakahuyan. May mga natuyong dugo sa noo nito na sanhi ng ginawa niyang panlalaban. Seryoso at matigas ang mga mata nitong nakatingin sa kanya. Nakapaloob din ang dalawang kamay nito sa magkabilang bulsa.

"Huwag kang lalapit!" sigaw niya.

Nagbago ang ekspresyon ng mukha nito pero mabilis ring nawala.

"Entonces ven aca..." anito at itinaas ang isang kamay na tila pinapalapit siya.

Bigla siyang nakadama ng paninigas ng katawan. Nagsimulang humakbang ang kanyang mga paa. Kaliwa. Kanan. Kaliwa—hindi! Mariin siyang napailing at pinatid ang suot na kuwintas. Nanlisik ang mga mata nito nang iamba niya dito ang kuwintas na krus.

Lumuluha lang siyang napatingin dito. Hindi niya inaasahan na ganito ang mangyayari. Hindi na niya ito kilala. Sa isang iglap ay parang bula itong naglaho na ngayon ay nasa katauhan na ng isang mapanganib na tao, handang makapanakit at kumitil ng buhay!

"Patawad..." aniya.

Malungkot siyang ngumiti at agad na tumalikod. Isang mabilis na mga yabag ang kanyang narinig, kasabay ng malakas na paghampas ng hangin at kasunod nun ang pagbulasok niya pailalim sa tubig.



DESIRE
Genre: Mystery / Paranormal / Romance
Written by: Dark_Crescent13

*****

Author's Note:
This story was previously known as 'The Gifted'. I made this story way back 2015 but due to lack of plots it was put On-Hold. This is the revised version of that said story so do expect new plots and new characters.

Anyways, this will also be the first book of The Devil's Den Series. Thank you in advance for taking time to read this story. Enjoy! ;))

— ON-GOING —

@Dark_Crescent13

𝐓𝐇𝐄 𝐃𝐄𝐕𝐈𝐋'𝐒 𝐃𝐄𝐍 || 𝐃𝐞𝐬𝐢𝐫𝐞 (Onhold)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon