CHAPTER 06

118 7 0
                                    

"Sigurado ka ba talaga dito Sandra? Baka mahuli tayo ng may-ari!" Bulong ko habang nakatago kami sa likod ng pader.

Kumibit-balikat lang ito at balewalang iniiling ang ulo. "Hindi yan, tiwala lang."

Tinignan ko ito ng masama pero hindi ako nito pinansin. Hanggang ngayon kasi ay naiinis pa rin ako dito. Sobrang takot na takot ako sa ginawa nito, akala ko pa naman ay may kumidnap na sa akin yun pala si Sandra lang. Pumuslit pa kami sa party kanina para lang masunod ang kagustuhan nitong makapunta dito.

Patuloy lang ito sa pagsilip habang ako naman ay naghihintay lang sa susunod nitong gagawin. Napatingala ako ng sandaling sumilip ang buwan, tila mas maliwanag ito ngayon kumpara sa mga nagdaang araw. Tuloy ay nakikita ko ang pwestong kinalalagyan namin ngayon.

The place seemed deserted. Parang wala ni isang tao man lang ang nagagawi sa parteng ito maliban na lang siguro kung may maliligaw man. Napansin ko rin kanina na ilang kilometro din pala ang layo nito sa mga kabahayan. Para bang sinadya na umiwas sa nagraramihang tao. Maging ang mga puno at damo sa lugar na yun ay lumago na dahil wala ng umaasikaso pa para putulin ang mga iyon. Nayakap ko na lang ang sarili nang marinig ang pagkulog ng langit. Mukhang uulan pa yata.

"Wala atang tao eh, pero hindi ako sigurado." Mamaya'y sabi nito.

"Wala naman pala eh. Umalis na tayo!" Pilit ko itong hinihila sa braso pero ayaw talaga nitong magpatinag. Madilim na ang langit pero heto kami ngayon sa labas ng lumang bahay. Kanina pa kami nagtatago sa pader nito at ni-katiting na ingay ay wala kaming marinig galing sa bahay. Napatingin na lang ako sa relos. Ala-syete na pala, paniguradong hinahanap na ako nila nanay.

Napakamot ako sa binti nang maramdamang may kumagat dun. Hinila ko ulit ito sa damit. "Sandra..."

"Ano ka ba?" tinabig ako nito. "Huwag ka ngang ano dyan! Mabilis lang naman tayo eh."

Binuksan nito ang dalang bag at ibinigay sa akin ang flashlight. "Akong bahala sayo, chill!"

Sumilip ito ulit bago nito inabot at inakyat ang pader. "Sandra!"

Mabilis nitong inilagay ang daliri sa bibig. Pinandilatan muna ako nito ng mata at ipinagpatuloy ang pag-akyat. Inalahad nito ang kamay sa akin. Napatingin ako sa mukha niya, talagang determinado itong pasukin ang bahay. Alam kong napansin nito ang pagdadalawang-isip ko kaya pilit nitong inabot ang kamay ko at hinila ako para makaakyat ng pader. Wala na akong nagawa kundi ang sumunod na lang. Tumalon siya pababa ng pader. Sumunod ako pagkatapos.

Napatingala kami nang may marinig na kaluskos. Isang itim na uwak ang direktang nakatingin sa amin, nakadapo ito sa sanga ng puno. "S-Sandra..."

"Huwag mo na lang pansinin. Tara na."

Nagsimula na itong maglakad pero nanatili pa rin akong nakatingin dito. Ako na ang unang bumawi ng tingin at hinabol si Sandra. Daig ko pa ang tuko kung dumikit sa kanya. Ramdam kong naiirita na ito pero hindi ito nagsalita.

Napakadilim talaga sa parteng yun ng lote. Kahit ang buwan ay hindi nakatulong sa amin dahil natatakpan ito ng ulap. Mula sa kinatatayuan namin ay kitang-kita ang napalaking mansyon.

Totoo nga talaga ang mga tsismis. Nagmukha na itong haunted house dahil sa pakupas ng kulay at ilang parte na may biyak na. Nakapulupot rito ang ilang naglalakihang baging na mukhang nalalanta na dahil sa tagal ng panahon. Nagmistulang kulay abo na rin ang malabatong bahay, maging ang mga bintanang nakabukas ay sira na. Kahit ang damong naroon ay nagtataasan na at halos umabot na iyon sa balikat namin.

Una ko pa lang marinig ang tungkol sa bahay na ito ay kinilabutan na ako. Hindi ako ang klase ng taong mabilis matakot pero ako naman ang klase ng taong mabilis maniwala lalo na kung sa usaping paranormal. Katulad nga ng sabi nila, ang lahat ng bagay ay may buhay at dapat lamang na ito ay ating igalang. Walang kahit sinumang taga-baryo ang naglakas loob na pasukin ang bahay na ito, o sa pagkakaalam ko.

𝐓𝐇𝐄 𝐃𝐄𝐕𝐈𝐋'𝐒 𝐃𝐄𝐍 || 𝐃𝐞𝐬𝐢𝐫𝐞 (Onhold)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon