CHAPTER 03

166 9 0
                                    


"Minerva!"

Napalingon ako. Nakita ko agad si Sandra na mabilis na tumatakbo papalapit sakin. Maikli ang buhok nitong umabot lamang sa balikat at may katamtamang kulot. Hugis puso ang mukha at medyo may kaputian ang balat. Maliit lang itong babae kaya madalas mapagkamalang minor dahil sa mukha nito. Nakasimple naman itong t-shirt na asul at maikling short. Pawisan rin ang noo dahil sa pagtakbo.

Hinihingal itong tumigil at pagkuwa'y ngumiti. "M-May balita ako sayo—"

"Tsismis? Naku Sandra, may gagawin pa ako. Pwede bang sa susunod na lang?"

Sinubukan kong umikot pero hinarang ako nito. "H-Hindi! Hindi tsismis! Totoo to!"

Ngumiti na lang ako at dumiretso sa paglalakad. "Kesyo sa totoo o sa hindi, tsismis pa rin yun, tsaka ano bang mapapala mo dyan? Mapapakain ka ba niyan?"

Humabol ito sa akin at sumabay sa paglalakad. "Uy! Grabe ka naman, kaya nga balita eh kasi hindi tsismis. Tungkol ito dun sa bagong lipat dyan sa kabilang barangay. Aba'y dumating na raw kaninang madaling araw pero hanggang ngayon hindi pa lumalabas ng bahay."

Napailing na lang ako at hindi umimik. Napakaraming tao nang makapasok kami sa loob ng palengke, kanya-kanya ang mga ito sa kanilang ginagawa maging ang mga mamimili ay tumatawad pa sa presyo ng mga ipinagbibili ng mga tindera dito. Patuloy pa rin sa pagkukuwento si Sandra habang namimili ako ng karne.

"Nakita raw yun kanina ni lola nung galing siya sa palengke. Mayaman raw talaga kasi may tatlong kotse daw na nakaparada dun kahapon tapos nung mag-uumaga na biglang nawala."

"Baka naman umalis na." sabi ko habang itinuturo sa tindera ang karne ng manok.

"Hindi! Sigurado raw na andyan pa kasi hanggang sa mag-umaga na bukas pa rin yung mga bintana."

"Malay mo nakalimutan lang isara?"

Natampal nito ang noo. "Ano ka ba naman Minerva? Lahat ba ng sasabihin ko lagi mong kokontrahin?"

Bumungisngis ako. "Pasensya ka na talaga Sandra, katulad nga ng sabi ko andami ko pang gagawin kaya wala akong panahon sa mga ganyan."

Tumingin ako sa tindera. "Magkano po lahat?"

Inilagay nito sa supot ang karne at tinimbang iyon. "Sisenta'y singko lang ineng."

Dumukot ako ng pera sa pitaka at iniabot sa tindera ang dalawang daan. Kinuha ko ang supot at lumipat sa bilihan ng sibuyas. Nakasunod pa rin ito sakin.

"Ang KJ mo talaga! Eh kung samahan mo na lang kaya ako mamaya para matapos na tayo?"

Iniwasan ko ito. Nagmamadali akong lumabas sa palengke pero patuloy pa rin ito sa pangungulit. Napangiwi ako nang may mabilis na dumaan at binangga ako sa balikat.

"Aray!"

Inis akong napalingon. Susundan ko sana ito pero hinarang ako ni Sandra. Nang muli ko itong tignan ay likod na lang nito ang nakita ko hanggang sa mawala sa kumpulan ng mga tao.

"So, ano na nga?"

Napakamot ako. "Sige na nga! Pero hindi ngayon, sa susunod na lang kasi magsisimba pa kami nila nanay."

"Okay! Promise yan ha! Eyniweys, alis na rin pala ako, yun lang naman sinadya ko eh! Bye!" Sabi nito bago tumakbo paalis.

Nangingiting umiling na lang ako at nagpatuloy na sa paglalakad.

𝐓𝐇𝐄 𝐃𝐄𝐕𝐈𝐋'𝐒 𝐃𝐄𝐍 || 𝐃𝐞𝐬𝐢𝐫𝐞 (Onhold)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon