Kinaumagahan, mag-aalas diyes pa lang ay tumawag na si Neissie kay James. Inaya niyang umalis si James. Hindi naman tumanggi si James kaya’t pagkatapos nilang mag-usap ay naligo na ito at nagbihis. Bago umalis ay nagpaalam muna ito kay Celia. Nang nasa labas na ng bahay nila ay napahinto siya. May naalala siya kaya bumalik siya sa loob at dumiretso sa kusina. Binuksan niya ang ref at saka kumuha ng isang apple. Pag-labas niya ay dumaan muna ito kila Faye. Madadatnan niyang nagdidilig ng halaman si Teresa.
“Hi Tita, gising na po ba si Faye?”
“Oo, gising na siya, puntahan mo nalang sa kwarto. Bihis na bihis ka ata, saan ang lakad mo?” usisa ni Teresa.
“Diyan lang Tita, may sasamahan lang ako.”
“Ah, sige akyat ka nalang sa itaas.”
Nang makaakyat na si James sa kwarto ni Faye ay madadatnan niyang nakadungaw nanaman si Faye sa bintana.
“Ang aga-aga, nagbibilang ka nanaman diyan.” bati ni James.
“Aalis ka? Saan ka pupunta?” tanong ni Faye.
“Nag-aya kasi si Neissie mag date. Naglalambing. Pero baka hapon pa lang, nandito na din ako.” paliwanag ni James.
“Ah, okay sige. Ingat kayo.”
“Oh, para sayo pala ito. Dinaan ko lang yan dito. Kainin mo ah.” bilin ni James.
“Okay. Thank you.”
Pagka-labas ng bahay ay tuloy tuloy na itong umalis. Habang naglalakad si James ay sumilip si Faye sa bintana. Nang makitang hindi nakatingin ang binata ay ibinaba na nito ang kanyang kurtina. Maya maya pa, habang papalalyo si James ay tumingin ito sa likod para tingnan kung nakadungaw si Faye. Nang makitang wala si Faye ay tuluyan na itong umalis. Sinundo ni James si Neissie sa bahay nila. Hindi rin naman sila nagtagal dito at umalis na din. Pumunta sila sa isang malaking mall sa Mandaluyong. Gusto kasing manuod ng pelikula ni Neissie.
“Hon, watch muna tayo ng movie, then after non, kain na tayo. Okay lang ba? Or gusto mo kain muna tayo?” aya ni Neissie.
“Okay lang, maya nalang tayo kumain. Hindi pa naman ako gutom eh.”
“Ano bang magandang movie ngayon? Ano bang gusto mo panuorin Hon?”
“Wala akong maisip eh. Iakw nalang ang bahala.” sagot ni James.
“Oh sige, Windstruck nalang? Okay lang?”
“Sige Hon, okay lang.”
Habang nanunuod ay tahimik lang si James. Palibhasa’y ang nasa isip niya ay si Faye. Hindi niya namalayan na may tinatanong pala si Neissie sa kanya.
“Ano ka ba?” galit na tanong ni Neissie.
“Bakit?” gulat na tanong ni James.
“Kanina pa ako dito nagsasalita, hindi mo ako pinapakinggan. Eh ni hindi mo nga ata naiintindihan yung movie. Ano bang problema mo?”
“Ano ka ba? Masyado lang akong nagco-concentrate sa movie. Ano ba yung sinasabi mo?” paliwanag ni James.
“Forget it!” sagot ni Neissie.
Tahimik lang silang dalawa habang nanunuod. Hanggang sa matapos ang pelikula ay hindi sila nagkikibuan. Pero dahil sa ayaw ni Neissie na masira ang date nila, siya na ang unang pumansin kay James.