Laking pasasalamat ko dahil hindi kami gumamit ng Teleportal para makapunta ng Batanes. Ayon kay Maggie, wala daw Teleportal doon at gusto din niyang makanakaw ng tulog sa biyahe. Gusto naman sanang sumama ni Yves para daw may kasama ako pero pinaliwanag ko sa kanya na isasama ko si Maggie at dinahilan ko na lang na makakatulong ang isang psychologist para makumpleto ang profile ng suspek.
Hindi pa rin ako makapaniwala na may kinalaman ang isang pari sa nangyaring pamamaslang. Napag-alaman namin na ang pari ay si Sonny Zalavera. Isang linggo ang nakakalipas nang kumalat ang balita na isang pari ang may kakayahang makagamot ng sakit. Nagpuntahan naman doon ang mga reporter at natunghayan ng buong mundo ang milagrong nagagawa ni Father Sonny.
Ayon kay Yves nanggaling ang aming suspek na si Harry Istay sa Basco, Batanes. Hula naman ni Maggie na nagpagamot kay Father Sonny si Harry kaya gumaling ito sa cancer. Iniisip din ni Maggie na may kinalaman ang "milagro" ng pari sa pagbabago ng ugali ni Harry kaya nagawa nitong pumatay ng maraming tao. Ebidensya niya dito ang marka sa leeg ni Harry na isang cross na sumisimbolo daw sa "Divine Magic". Sa tingin ko walang pinaniniwalaang relihiyon itong Maggie kaya nagagawa niyang pagbintangan ang Diyos sa nagawang masama ng isang tao. Pero ako, hindi natitinag sa sinasabi niya dahil pinalaki ako ng magulang ko na may takot sa Diyos at kailanman hindi ako susuko sa Kanya.
"Malapit na ba tayo?" tanong sa akin ni Maggie habang humihikab at umiinat.
Tiningnan ko ang aking relo. Lagpas isang oras na kaming bumibiyahe at sa pagkakaalam ko isang oras at apat na'put limang minuto ang biyahe mula Maynila hanggang Batanes.
"Malapit-lapit na rin," sagot ko.
"Salamat naman kahit paano nakatulog ako, eh ikaw?" tanong niya sa akin.
"Kaunti," pero sa totoo niyan hindi kao nakatulog kakaisip kung anong naghihintay sa amin doon sa Batanes. Tatanungin ko sana siya patungkol doon kaso naunahan niya ako.
"Ilang taon na kayo ni Yves?"
"Ha?" ang tangi kong nasabi sa kanya dahil sa hindi ko ianasahan ang tanong kaya gusto kong ulitin niya ito.
"Ang tanong ko, ilang taon na kayo ni Yves na magpartner?"
"Mga tatlong taon na rin."
"Boyfriend mo na ba siya?"
"Ano ka ba, partner ko lang siya sa trabaho at hanggang doon lang yun," hindi ko naman sinasabi na walang itsura si Yves pero bilang kaibigan at katrabaho lang ang tingin ko sa kanya. "Bakit mo naman natanong?"
"May naramdaman lang kasi ako sa inyo kanina. Mahirap ipaliwanag kung ano iyon, parang magic o, ano bang tawag dun...chemistry! Ayun chemistry."
"Pambihira ka naman Maggie may chemistry ka pa nalalaman. May chemistry kami bilang partner sa trabaho at tsaka may boyfriend na ako bakit pa ako maghahanap ng iba?" sabi ko sa kanya para matigil na rin ang usapang ito.
"Teka lang may boyfriend ka na at hindi mo man lang kinuwento sa akin?"
Bigla kong nahampas ang aking noo. Sabi na nga ba kaya ayokong ikuwento sa kanya ang personal kong buhay kasi magsisimula na siyang mangialam na parang nanay ko. "Hindi naman kasi ito importante para malaman mo."
Mukhang hindi niya nagustuhan ang sinabi ko. "Anong hindi importante? Kailangan ko siyang makilala sa madaling panahon, malay ba natin kung meron siyang tinatagong masama."
"Oh please Maggie, hindi lahat ng lalaki may tinatagong kasamaan, hindi lahat ay may planong saktan ang mahal nila sa buhay."
Tumahimik lang si Maggie at sumilip sa bintana. Natamaan yata siya sa sinabi ko. Kahit na magkaibigan kami wala akong alam sa personal niyang buhay. Alam kong sa January 2 ang birthday niya pero hindi niya sinasabi kung ilang taon na siya, ewan ko kung concious siya sa kanyang edad o may iba pa siyang dahilan. Alam ko kung saan siya nakatira pero hindi ko alam kung meron ba siyang kinakasama o baka meron na siyang asawa. Kahit na mag-isa siya hindi ko nakikitang malungkot siya pero alam kong tinatago lang niya at sana balang araw ikuwento niya sa akin ito. Balang araw, sana malaman ko ang buong buhay ni Madam Magnifika.
BINABASA MO ANG
Heaven Sent
ParanormalIsang karumal-dumal na krimen ang nangyari sa Antipolo kung saan kakailanganin pa ng isang detective ang tulong ng isang salamangkera. Samantala, sa lalawigan ng Batanes, isang pari ang sumisikat dahil sa kakayahan niyang magpagaling ng sakit. Ano k...