05: Ang Hulog ng Langit

58 4 0
                                    

Noon hindi ako naniniwala na may anghel. Mga nilalang na may pakpak at naninirahan sa langit kasama ang panginoon? Hindi ako naniniwala diyan kahit na noong bata ako kinukwento sa akin ni mama na may guardian angel daw ako. Sa batang edad ko na iyon nagpupuyat ako para lang magdasal na sana magpakita ang aking guardian anghel. Pinaliwanag sa akin ni mama ni mama na purket hindi ko nakikita ibig-sabihin ay hindi na ito totoo. Sinabihan niya rin ako na maniwala sa anghel katulad na paniniwala ko sa panginoon.

Ngayon masasabi kong tama si mama. Nakaupo ngayon sa aking harapan ang isang babaeng anghel. Namumutla siya at mabagal ang paghinga. Bagsak naman ang kanyang pakpak na parang halamang lanta. Nakayuko lang siya at nakatingin sa sahig. Para siyang may sakit na hindi namin alam kung ano.

Hindi pa siya nagsasalita simula nang makita namin siya ni Maggie sa Vayang Rolling Hills na natatakpan ng mga tuyong dahon. Pinagtulungan namin siyang buhatin papunta sa abandonadong bahay ng isang Ivatan. Habang binubuhat, nahawakan ko ang kanyang malambot na pakpak na sinigurado kong nakakabit talaga sa kanyang likod. Napagmasdan ko rin ang kanyang maamong mukha na tamang representasyon ng mga anghel na nakikita sa larawan. Napakabata din niya at mukhang kasing-edad lang niya ang labingwalong taon gulang kong pamangkin.

Nakatitig lang ako sa anghel at hindi ko alam kung paano ko siya kakausapin. Napansin ko na ganon din si Maggie.

"Ano ngayon ang masasabi mo?" tanong ko kay Maggie.

"Hindi kapani-paniwala," sagot ni Maggie na hindi inaalis ang tingin sa anghel.

"Kung ganoon ngayon ka lang din nakakita ng anghel?"

Bigla siyang napatingin sa akin. "Hindi, ginaya mo pa ako sa'yo. Matagal na akong nakakita ng anghel."

Puno talaga ng supresa itong si Maggie parang lahat na lang alam niya. Minsan nga iniisip ko kung tao ba siya.

"Bakit natin siya nakikita?" tanong ko.

"Magpapakita lang sila kung gusto nila o kaya naman kung nahulog sila sa langit sa dahilang pinatapon sila ng Diyos o nasira ang kanilang pakpak. Hindi ko naman alam kung ano ang sitwasyon niya ngayon."

"Bakit hindi natin siya kausapin."

Ngumiti naman si Maggie at tinulak ako. "Magandang ideya, kausapin mo siya."

"Bakit ako?"

"Ano ka ba pagkakataon mo nang makausap ng anghel."

Tama din siya at mabuti na rin ako dahil kung siya baka kung ano pa ang sabihin niya sa anghel, idagdag pa ang kawalan niya ng paniniwala sa Diyos.

Dahan-dahan kong nilapitan ang anghel. Umupo ako sa silya na nakaharap sa kanya. Nakatingin pa rin siya sa lupa at mabagal pa rin ang paghinga.

"Hello, kamusta ka na?" hindi ko alam kug maayos ba ang pagtatanong ko.

Dahan-dahan niyang inangat ang kanyang ulo at tumingin sa akin. Ewan ko ba pero bumibilis ang tibok ng aking puso tulad kanina noong kaharap ko si Father Sonny.

"Salamat sa pag-aalala," sagot niya. "Kinakabahan ka, natatakot ka ba sa akin?"

"Hindi naman sa ganon---"

"Alam ko kung bakit hindi ka komportable na kausap ako dahil hindi ka pa nakakakita ng katulad ko," sagot niya sabay tingin kay Maggie. "Maliban na lang sa kasama mo."

Nagkatitigan silang dalawa na para bang sila'y magkakilala.

"Kung hindi ako nagkakamali ikaw si Madam Magnifika," sabi ng anghel.

Heaven SentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon