Sa isang lumang gusali sa Kalookan matatagpuan ang apartment ni Madam Magnifika. Walang nakakaalam kung ilang taon na siyang naninirahan dito, isa ito sa maraming katanungan na bumabalot sa pagkatao ng salamangkera. Naglalaman ng iba't-ibang luma at antigong bagay na mula pa sa ibang bansa ang bahay niya. Ngayon nadagdagan pa ang kanyang koleksyon ng isang tumitibok pang puso na nakasilid sa isang garapon. Nakalimutan ng kanyang kaibigan na si Detective Renea na tanungin siya kung ano ang gagawin sa puso ng anghel na si Milagros. Marahil maraming iniisip ang kanyang kaibigan sa oras na iyon kaya nakalimutan nito ang patungkol sa puso.
"Alam mong masama ang magtago ng puso ng isang anghel," sabi ng kanyang bisita.
"Alam mo rin na ito lang ang ligtas na lugar para itago ang ganitong bagay," sagot ni Madam Magnifika. "Masama siguro ang loob mo na makita ang puso ng kauri mo?"
Tumayo ang bisita niyang lalaki at tinitigan siya ng masama. Siya ang kaibigang anghel na tinutukoy niya kay Renea, tinatago nga lang niya ang kanyang pakpak para madaling makihalubilo sa mga tao.
"Hindi mo alam ang pwedeng mangyari kung mapunta iyan sa masamang kamay," banta ng anghel.
"Hindi ako mangmang sa bagay na ito," sagot ng salamangkera. "Kung sinuman ang may hawak ng puso ay may kakayahang kontrolin ang anghel na nagmamay-ari nito."
Nabalot ng pag-aalala ang mukha ng bisita niyang anghel. "Kung ganon binabalak mong kontrolin si Milagros pero ano ang hangarin mo at gagawin mo ito?"
Tiningnan ni Madam Magnifika ang tumitibok na puso at hindi niya mapigilang ngumiti. "Malalaman mo rin sa tamang panahon."
BINABASA MO ANG
Heaven Sent
ParanormalIsang karumal-dumal na krimen ang nangyari sa Antipolo kung saan kakailanganin pa ng isang detective ang tulong ng isang salamangkera. Samantala, sa lalawigan ng Batanes, isang pari ang sumisikat dahil sa kakayahan niyang magpagaling ng sakit. Ano k...