Kinaumagahan hindi ko alam kung ilang oras ako nakatulog dahil lahat ng pagod ko nawala. Nang makita ko ang malawak na karagatan at magandang tanawin parang gumaan ang pakiramdam ko. Palibhasa ngayon lang ulit ako nakapagbakasyon sa ganitong lugar. Kung bakasyon lang sana talaga ang sadya namin dito sa Batanes tuloy-tuloy na sana ang pahinga ko.
Bumaba ako sa lobby at naabutan ko doon si Maggie na nag-aalmusal. Pandesal at pansit ang aming kinain. Madami akong nakain dahil biscuit lang ang hapunan ko kagabi. Habang kumakain sinabi sa akin ni Maggie na may misa ngayong umaga si Father Sonny sa Tukon Church. Pagkatapos namin malagyan ng laman ang aming tiyan nagpaalam na kami kay Tayong. Pagkalabas namin ng Fundacion Pacita, nagulat ako sa aking nakita.
"Kabayo?" tanong ko kay Maggie habang nakatingin sa dalawang puting kabayo.
"Oo, Renea, sila ang sasakyan natin papuntang simbahan."
"Hindi ba pwedeng mag-tricycle na lang tayo?" tanong ko sa kanya dahil sa totoo lang hindi ako marunong sumakay sa kabayo.
"Ano ka ba, nasa Batanes ka na rin kaya dapat lubusin mo na ang karanasan mo dito," sagot ni Maggie habang hinahaplos sa mukha ang kabayo.
Pinaliwanag din sakin ni Maggie na maamo naman ang mga kabayo pero natatakot pa rin ako na baka bigla na lang silang tumakbo habang nakasakay ako.
Inalalayan naman ako ni Maggie na makaupo sa kabayo at sinabihan ako na humawak lang sa tali. Kinabahan ako noong una pero habang tumatagal nag-eenjoy na rin ako lalo na kontrolado ko na ang kabayo.
Para talaga kaming nagbabakasyon dahil sa ganda ng Batanes hindi mo iisipin na may masamang mangyayari dito. Napakapayapa kasi sa paligid, malayo sa polusyon at impluwensiya ng lungsod. Wala kang makikita kundi puno, damo at mga bulubundukin. Isa sa aming nadaanan ay ang Vayang Rolling Hills, ang pinakasikat na tanawin dito sa Basco, na nakikita ko lang noon sa TV at sa mga litrato. Tanaw mo dito ang maberdeng damo at ang pagkakaayos ng mga puno na parang bumubuo ng imahe. Sayang hindi ako nakapagdala ng camera pero ayos lang yan, hindi naman mawawala sa utak ko ang magandang tanawin na ito.
Mamaya lang nakarating na kami sa Tukon Church. Nang makita ko ang simbahan, hindi ko napigilang tanungin si Maggie na bakit lahat ng lugar na puntahan namin ay tourist spot. Gawa sa pinagtagpi-tagping bato ang simbahan na may pagkakahawig sa mga bahay ng Ivatan.
"Huwag ako ang sisihin mo Renea, sa tagal mong hindi nagbabakasyon at matagal na pananatili sa lungsod, naninibago ka sa mga lugar na nakikita mo."
"Ok fine," sagot ko sa kanya.
Kakatapos lang ng misa at ang naabutan namin sa simbahan ay ang mahabang pila ng tao na gustong magpagamot sa pari. Magkahalong lokal na turista at banyaga ang mga nakapila. May mga matatanda at may kapansanan na umaasang magamot sila ng pari.
Hindi kami pumila ni Maggie. Pumasok na lang kami sa simbahan para pagmasdan ang milagrong gagawin ng pari. Mga pinintang larawan ng santo ang una kong nakita sunod ang makukulay na bintana. Magandang magdaos dito ng tahimik na kasal at balang araw baka ito ang piliin ko.
Pumunta kami sa harapan at doon nakita namin si Father Sonny. Sa unang tingin hindi mo siya pag-iispan ng masama. Maamo kasi ang mukha niya at kita ang kabaitan sa kanyang mata. Nasa harapan niya ngayon ang isang matanda na nakaupo sa wheel chair. Hinawakan niya ang kamay nito at mamaya lang inalalayan niya itong tumayo. Nagpalakpakan ang mga tao sa paligid.
"Wow, nakita mo ba 'yun?" tanong ko kay Maggie at hindi ko matatangging mamangha sa aking nakita.
"Oo," sagot niya na mukhang hindi man lang namangha. "Pero lahat ng pangyayari ay may eksplenasyon."
BINABASA MO ANG
Heaven Sent
ParanormalIsang karumal-dumal na krimen ang nangyari sa Antipolo kung saan kakailanganin pa ng isang detective ang tulong ng isang salamangkera. Samantala, sa lalawigan ng Batanes, isang pari ang sumisikat dahil sa kakayahan niyang magpagaling ng sakit. Ano k...