01: Ang Pagbisita ng Cazadora

180 3 0
                                    

Madam Magnifika ang Primera Salamangkera: Now Showing. Ito ang nakalagay sa entrance ng bagong bukas at bagong ayos na Manila Metropolitan Theater. Akala ko wala ng pag-asa na maayos ang teatrong ito. Ilang taon din kasi itong nakatengga at wala man lang pumapansin. Para itong malaking bato na tinutubuan ng lumot. Ito ang isa sa mga ebidensya na tayong mga Pilipino ay pabaya sa mga bagay na nakakatulong sa atin. Wala tayong disiplina. Hindi natin kayang iwanan ng maayos ang isang lugar. Hindi tayo marunong magpreserba. Mabuti nalang may isang mabait na negosyante na ginamit ang sariling pera para mapaganda muli ang makasay-sayang teatro.

Mukhang tapos na ang palabas dahil naglalabasan na ang mga tao. Ok lang yun, hindi naman ako naparito para manood ng "magic show". Ewan ko ba kahit noong bata ako wala akong hilig sa magic. Nagsimula yata ang lahat nang mag-magic ang aking ama at nahuli ko agad kung paano niya iyon nagawa. Kaya yata ako detective ngayon, magaling kasi ako magbunyag ng sikreto ng iba.

Katulad ng sinabi ko, hindi ako naparito para sa "magic show". Kaya nga show dahil palabas lang ang lahat. Hindi totoo ang nangyayari sa entablado. Pinapakita lang ng magician ang gustong makita ng tao. Hindi niya pinapakita ang totoong magic dahil mawiwindang ang buong mundo kung mangyari iyon. Kinakatakutan kasi natin ang mga bagay na hindi natin maintindihan kaya ginagamit ng magician ang magic bilang aliwan dahil ito lang ang aspeto na kaya nating intindihin at kaya nating tanggapin.

Bueno sabihin ko na nga kung ano ang ginagawa ko dito. Naparito ako para sa magician o sorceress/salamangkera ang titulo na gustong itawag sa kanya. Ang magician daw kasi ay peke at ang sorceress ay totoo. Katulad na lang ng magic na tinatanghal niya sa entablado, totoo daw lahat ng iyon at ang manonood lang ang nag-iisip na peke iyon. Ewan ko ba kahit na kaibigan ko siya minsan hindi ako naniniwala sa mga sinasabi niya.

Pumunta ako sa backstage at doon naabutan ko nag-aayos ng gamit ang mga nagtanghal. Naghahanap ako ng pamilyar na mukha nang biglang humarang ang isang matabang babae na may edad na.

"Anong kailangan mo, miss?" tanong niya sa akin na nakasimangot ang mukha na para bang ako na ang pang-isandaang tao na pumunta dito.

"Ah...gusto ko sanang makausap si Madam Magnifika," sagot ko.

"Hindi pwede nagbibihis siya ngayon," sabi niya na hindi pa rin nagbabago ang ekspresyon ng mukha parang gusto ko siyang tanungin kung may mabigat siyang problema.

Para hindi na humaba ang usapan pinakita ko sa kanya ang aking police badge. Doon na nagbago ang kanyang mukha, nanlaki ang kanyang mata at bumuka ng malaki ang kanyang bibig. Tumalikod siya sa akin at tinawag ang taong hinahanap ko.

"Madam! May naghahanap sa inyo--"

Hindi siya natapos sa kanyang sasabihin dahil biglang may nagsalita. "Sabihin mo tapos na ako magbigay ng autograph, bumalik na lang siya bukas!"

"Pero madam--"

Tinakpan ko ang bibig ng matabang babae at sinenyasan na tumahimik. Nakita ko ang isang dressing room na mukhang may tao sa loob. Nilapitan ko iyon bago magsalita.

"Hindi ako naparito para sa iyong autograph."

"Pwes kung refund ang gusto mo doon sa entrance ka humingi huwag sa akin," sabi ng babaeng nasa loob ng dressing room.

"Hindi rin ako naparito para sa refund," sagot ko. "Nandito ako para humingi ng tulong sayo, Maggie."

Hindi siya sumagot bagamat nakarinig ako na may nagbuntong hininga. Siguro nainis siya kasi ginamit ko ang palayaw na hindi niya gusto. Mamaya lang bumukas ang dressing room at lumabas ang isang babae na pang-miss universe ang tangkad. Iyon ang una mong mapapansin sa kanya bago mo makita ang ganda ng kanyang mukha. Nasabi niya sa akin noon na kastila ang kanyang lolo kung saan niya namana ang pagkamatangos ng kanyang ilong at kulay brown na mata samantalang Pilipino naman ang kanyang lola na pinagmanahan niya ng kulay ng kanyang balat gayundin ang kanyang itim na buhok na ang haba ay aabot sa kanyang bewang.

Heaven SentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon