02: Sa Lahat ng Lugar Dito pa

91 4 0
                                    

Lumabas kami ng Manila Metropolitan Theater at nagtungo sa Mehan Garden. Isa itong open space area at public park na makikita sa Liwasang Bonifacio at malapit sa Philippine Post Office. Sa loob din ng Garden makikita ang Lawton Park'n Ride at ang Universidad de Manila.

May ilang tao ang naglalakad at nagpapalipas ng oras sa Mehan Garden. Habang kami ni Maggie, pagkatapos ng mahabang paglalakad ay tumigil sa istatwa ni Emilio Jacinto. Sa mga hindi nakakaalam, si Emilio Jacinto ang utak ng Katipunan at ang may akda ng Karilya ng Katipunan. Mahilig lang talaga ako sa history kaya alam ko ang mga bagay na iyan. Naniniwala din kasi ako na kailangan nating matututunan ang kasaysayan para hindi na natin ulitin ang pagkakamali noon.

Pumwesto si Maggie sa likod ng istatwa ni Emilio Jacinto at kinapa ang lupa na para bang meron siyang hinahanap.

Hindi na ako makapaghintay malaman kung ano ba ang kanyang hinahanap kaya naglakas loob na akong tanungin siya. "Ano bang ginagawa natin dito?"

"Pupunta tayo sa Antipolo," sagot niya na abala pa rin sa pagkapa ng lupa.

"Antipolo?!"

"Tama, gusto kong makita ang crime scene at ang katawan ng kriminal."

Mukhang tuluyan ko na nakuha ang atensyon niya sa kasong ito. Pagkatapos ko kasing masabi na sa ospital nangyari ang pamamaslang hindi na siya nagtanong sa akin at sinabihan na lang niya ako na sumunod sa kanya. Dito nga niya ako dinala sa Mehan Garden, sa likod ng istatwa ni Emilio Jacinto, na nakakapagtaka taka dahil wala namang sakayan dito papuntang Antipolo.

"Teka lang kung pupunta tayo ng Antipolo di ba dapat sumakay tayo ng jeep at LRT? Eh anong ginagawa natin dito?" tanong ko kay Maggie.

"Matatagalan tayo, hindi mo ba nakita na traffic," huminto siya sa pagkapa ng lupa at mukhang nakita na niya ang kanyang hinahanap. "Huwag mong sabihin nakalimutan mo na ang Teleportal?"

Nagulat ako at parang bumaliktad ang aking sikmura matapos kong marinig ang kanyang sinabi. "Please naman Maggie, huwag na nating gamitin iyan. Alam mo naman kung anong nangyari sa akin noong gamitin natin iyan."

Hinding-hindi ko makakalimutan ang una at huli kong paggamit ng Teleportal. Nahilo ako at sumuka ng ilang beses na parang naubos ang aking lakas. Ayon kay Maggie, ang Teleportal ay isang magical field na matatagpuan sa iba't-ibang parte ng mundo kung saan pwede kang dalhin mula sa isang lugar papunta sa kabila. Sa madaling salita "teleportation".

"Ganon talaga sa unang beses," sagot niya sa akin at nagbigkas siya ng salita mula sa lenggwaheng hindi ako pamilyar. "Porteleta."

Biglang nagliwanag ang isang hugis bilog sa lupa kung saan sa loob ay may mga simbolong hindi ko maintindihan.

"Tara na," inanyayahan niya ako na samahan siya sa loob ng bilog.

"Pwede bang mag-taxi na lang tayo?" tanong ko sa kanya dahil ayoko talagang gamitin ang Teleportal.

"Malayo pa ang Antipolo, Renea," sagot niya na mukhang nauubusan na ng pasensya sa akin. "Gusto mo bang maresolba ang kasong ito o hindi?"

Sinimangutan ko siya nang umapak ako sa bilog.

"Antipolo," sabi ni Maggie at isang malakas na liwanag ang bumalot sa amin.

Parang bumaliktad ang aking katawan sa ilang segundong paglalakbay ko sa Teleportal. Muntikan pa akong matumba nang makaapak ako sa lupa. Mabuti na lang inalalayan ako ni Maggie.

"Oh ano, ayos ka lang?" tanong niya sa akin.

"Nahihilo lang ako ng unti," sagot ko.

"Di ba tama ako, sa umpisa ka lang magsusuka pero kung paulit-ulit mong gagamitin ang Teleportal masasanay din ang katawan mo."

Heaven SentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon