1 - Aya

148 37 2
                                    

Chapter 1

Unti-unti niyang minulat ang kanyang mga mata. Ramdam niya pa rin ang sakit ng kanyang ulo at ng kanyang katawan. Sa pagmulat ng kanyang mga mata ay nakita niya ang isang hindi pamilyar na lugar. Tumingin siya sa paligid. Nakita niyang nakahiga siya sa kamang gawa sa kahoy at sinapinan lamang ng puting tela. Ang kuwarto ay gawa sa kahoy. Isang kurtina ang nakalagay bilang harang imbis na pinto. Ang ilaw na nanggagaling sa araw ay tumatagos sa bintanang nasa kaliwang bahagi niya. Maliit lamang ang kuwarto. Kasya lang ang kamang kanyang hinihigaan at ang katabi nitong isang maliit na aparador.

Sinubukan niyang bumangon ngunit kumirot muli ang sugat sa kanyang ulo at balikat. Doon lamang niyang napansing nababalutan ang kanyang ulo ng tela. Napansin niya ring nakasuot siya ng isang kulay asul na damit pang-itaas ngunit kupas na ang kulay at masyadong malaki sa kanya at kulay tsokolateng palda na lagpas tuhod niya.

Muli niyang sinubukang bumangon at nagtagumpay sa pagkakataong ito kahit na masakit pa rin talaga ang kanyang ulo at balikat. Iniinda niya pa ang sakit nang may humawi ng kurtina sa kuwartong kanyang tinutuluyan.

"O, gising ka na pala."

Nagulat siya nang marinig iyon pero hindi siya nakapagsalita. Hindi niya alam ang kanyang sasabihin.

Nilapitan siya ng babaeng may edad na. Siguro ay mga nasa singkwenta na ito. Nakasuot ito ng kulay tsokolateng damit pang-itaas at puting palda na malapit nang umabot sa paa nito. Nagkaroon siya ng konklusyon na ang damit niyang sinusuot ay pagmamay-ari ng babae.

"'Wag mo munang pilitin ang sarili mo. Baka mabinat ka." Pinahiga muli siya ng babae. Hinawakan ang kanyang balikat at ulo. Napakasarap sa pakiramdam dahil parang hinahagod siya sa simpleng paghawak lamang nito.

"Nakita kita sa ilog, walang malay. Buti na lang ay napadako ako doon nang utusan ako ng hari. Ano bang nangyari sa 'yo?" pagkukuwento nito.

Napaiwas siya ng tingin. Nangyari? Ano nga bang nangyari sa kanya? Napapikit siya at umiling.

"Alam mo ba kung anong pangalan mo?"

Napadilat siya. "P-pangalan?" wala sa sariling napatanong siya. Tinatanong ang kausap pati na rin ang sarili. Ano nga bang pangalan niya? Bakit... wala siyang matandaan?

"Hindi kaya nakalimot ka?"

Napalingon siya sa babae. "Ano po 'yon?"

"Nakalimot, wala kang maalala! Para iyong isang sakit sa pagkakaalam ko pero puwede naman 'yon mabalik," paliwanag ng babae.

"Nakalimot..." bulong niya. Hindi kaya nakalimot talaga siya? Siguro. 'Yon lang naman ang dahilan kung bakit wala siyang maalala kahit ang sariling pangalan. Bumaling siya sa babae. "Ikaw po? Ano pong pangalan niyo?"

Nginitian siya nito. "Ako si Liza. Puwede mo 'kong tawaging nanay."

Ngumiti rin siya sa babae. "Sige po, nanay."

"Habang hindi mo pa alam ang pangalan mo, puwede bang tawagin kitang Aya?" tanong nito.

Mabilis na tumango ang babaeng binigyan ng pangalang Aya.

"Sige. Ipapagluto lang muna kita ng makakain. Magpahinga ka muna," paalam nito at lumabas ng kuwarto.

Pagkaalis ni Nanay Liza ay inilibot ni Aya ang paningin sa kuwarto pero wala doon ang kanyang isip. Iniisip niya kung sino ba talaga siya, kung saan ba talaga siya nabibilang at iba pang katanungan na bumubulabog sa kanyang isipan.

"Ah..." daing niya nang sumakit ang kanyang ulo sa dami ng iniisip. Hinawakan niya ang kanyang ulo at minasa-masahe ito.

"Aya," tawag ni Nanay Liza. "Kain na!" Nilapitan siya nito at tinulungang bumangon. Inalalayan din siya nito sa pagtayo at pati na rin sana sa paglalakad nang pinigilan niya ito at sinabing kaya niya.

The Royal ServantTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon