Chapter 5
Mag-iisang buwan na rin ang lumipas simula nang gumanda ang pakikitungo sa kanya ni Prinsipe Armin. Mag-iisang buwan na rin silang malapit sa isa't isa. Mabait pala talaga si Prinsipe Armin. Ang anumang hindi nila pagkakaunawaan noon ay balewala na ngayon.
Tinanong na rin pala ni Aya si Nanay Liza kung totoo bang sinabi niya sa prinsipe ang tungkol kay Aya.
"Nanay Liza, sinabi mo po ba kay Prinsipe Armin ang tungkol kay Aya? 'Yung tungkol po sa totoong anak mo?" tanong ni Aya nang naglilinis silang dalawa ng kuwarto ni Prinsipe Armin ngunit silang dalawa lang doon.
Kumunot ang noo ng matanda. "Hindi. Bakit?"
"Kasi po nasabi niya sa 'kin na sinabi mo daw po 'yon sa kanya."
"Talaga?" hindi makapaniwalang tanong ni Nanay Liza. "Nasabi ko ba sa kanya 'yon? Baka nga nasabi ko. Hindi ko na matandaan, eh. Alam mo na, natanda na ako."
"Ah, opo. Naiintindihan ko po."
"Pero… teka. Alam niyang hindi ka talaga si Aya?"
Nanlaki ang mata niya. "Oo nga pala," nasabi niya sa sarili. "Ah, opo. Pero hindi naman daw po niya sasabihin kahit kanino." 'Yon na lamang ang kanyang sinabi upang hindi na mag-alala si Nanay Liza.
Bumuntong-hininga si Nanay Liza. "Mabuti naman. Mabait talaga si Prinsipe Armin."
Tipid siyang ngumiti. "Opo. Mabait po talaga siya."
"Aya." Natigil siya sa pagwawalis sa bakuran nang may tumawag sa kanya. Lumingon siya sa pinanggalingan ng boses at nakita niya si Maria. "Pinapatawag ka ni Prinsipe Armin."
Dali-daling iniligpit ang walis at pumunta sa kuwarto ni Prinsipe Armin. Hindi niya na maintindihan ang sarili niya. Lagi siyang ganito sa tuwing magkikita sila ni Prinsipe Armin. Masaya at laging sabik.
Nang nasa harap na siya ng pintuan ng kuwarto ay kumatok na siya.
"Pasok," utos ni Prinsipe Armin pagkakatok niya ng isang beses.
Pinihit na ni Aya ang seradura ng pinto, at pumasok. Doon ay nakita niya ang isang lalaking nakaupo sa kama't mukhang may hinihintay.
Hinihintay niya ako! Tili ni Aya sa isip niya.
"Aya," wika nito nang mapansin at siya namang dahilan ng pagkakilig ng dalaga. Napakasarap kasing pakinggan ng kanyang pangalan 'pag si Prinsipe Armin ang nagbigkas. "Buti nandito ka na."
Inayos muna ni Aya ang sarili at pinigilan ang sariling kiligin bago nagsalita. "Ano pong maipaglilingkod ko sa inyo, Prinsipe Armin?"
Bumuntong-hininga muna ang prinsipe bago siya sagutin. "Wala. May itatanong lang ako sa iyo."
Napakunot siya ng noo. "Ano po 'yon?"
"Anong gagawin mo kung sakaling ipagkasundo ka ng kasal sa isang taong 'di mo naman kilala?"
Lumakas ang tibok ng kanyang puso, at pakiramdam niya ay unti-unti itong dinudurog. "B-bakit po, prinsipe Armin? Ikakasal ka na po ba?" nauutal niyang saad. Tila bang hirap na hirap siyang bigkasin ang huling pangungusap.
Napaiwas ng tingin ang prinsipe. "Oo. Ganoon na nga. Ipinagkasundo ako kay Prinsesa Anastasia ng Atlas, pero hindi ko naman siya mahal! Ni hindi ko nga siya kilala!"
Huminga nang malalim si Aya. "K-kung ako po sa 'yo, hindi po ako papayag na maikasal sa isang taong hindi ko naman mahal," sabi niya habang nakatungo. Ayaw niyang makita ang prinsipe. Ayaw niya. "Pero marahil, ganiyan ang patakaran sa inyong mahaharlika. Ganiyan ang inyong tradisyon. At wala po akong alam na paraan upang matakasan niyo 'yon." Tumingin na siya sa amo at parang lalong dinurog ang kanyang puso nang makitang malungkot itong nakatingin sa kanya. "Pasensya na po, Prinsipe Armin pero may gagawin pa nga pala ako. Mauuna na po ako."
![](https://img.wattpad.com/cover/54960955-288-k566350.jpg)
BINABASA MO ANG
The Royal Servant
KurzgeschichtenIsang araw, nagising na lamang si Aya na hindi niya maalala ang kanyang nakaraan at napadpad siya sa kaharian ng Narayana kung saan ang isa sa mga prinsipe ay si Prinsipe Armin na naging amo niya. Posible kayang magkatuluyan ang dalawa? Kung nakatak...