7 - Kasal

60 21 0
                                        

Chapter 7

Unti-unti niyang minulat ang kanyang mga mata. Ramdam niya pa rin ang sakit ng kanyang ulo. Sa pagmulat ng kanyang mga mata ay nakita niya ang isang pamilyar na lugar. Tumingin siya sa paligid. Nakahiga siya sa isang magarang kama. Ang kuwarto ay ubod ng laki.

Hinawakan niya ang kanyang noo. P-parang nangyari na 'to noon. Pero may kaibahan ang noon at ngayon. Noon ay nagising siya sa isang maliit na bahay, ngayon ay sa isang palasyo. Noon ay nagising siya na isang alipin, ngayon ay isa na siyang prinsesa. Noon ay wala siyang maalala, ngayon ay malinaw na sa kanya ang lahat.

Bumukas ang pinto at pumasok ang isang katulong. Halatang nagulat ito nang makitang gising na ang prinsesa.

"G-gising na si Prinsesa Alina!" sigaw nito at lumabas.

Itinaas niya ang kanyang kaliwang kamay at aabutin sana ang katulong na dali-daling umalis ng silid ngunit masyado pang masakit ang kanyang katawan para siya'y makabangon.

Napatingin na lamang siya sa kisame. Naaalala niya ang reaksyon ng katulong. Halatang gulat at takot ito. Walang bahid ng saya sa mukha nito nang makita siyang gising.

Napasabunot siya sa kanyang buhok. Kinatatakutan siya bilang Prinsesa Alina. Binabalewala siya bilang isang Aya. Saan ba siya lulugar?

"Alina!" sigaw ng kanyang ina sa tuwa. Agad siyang nilapitan at niyakap. "Buti't gising ka na!"

Napangiti siya. May nag-aalala pa naman pala sa kanya.

"Alam mo bang bukas na ang kasal mo sa prinsipe ng Narayana? Kung hindi ka nagising ay ipagpapaliban na naman 'yon at ayoko nang gawin 'yon. Tama na ang isa," sambit ng kanyang ina.

Nawala ang ngiti sa kanyang labi. Mukhang wala ngang nag-aalala sa kanya bukod sa Nanay Liza niya.

Pero…

"Kasal?" bulalas niya.

"Oo, anak. Hindi na namin nasabi sa 'yo pero nawala ka nga. Pero bukas ay makakaisang dibdib mo ang isa sa mga prinsipe ng Narayana," malugod pang balita ng kanyang ina.

"Ina, ayoko!"

Napakunot ang noo ng kanyang ina at bahagyang tumaas ang boses. "At bakit?"

"Hindi ko naman siya kilala!"

Natawa nang bahagya ang kanyang ina. "Nalimutan mo na ba? Prinsesa ka. At ang mga prinsesa ay hindi nakikilala ang kanilang mapapangasawa hanggang sa araw ng kanilang kasal. Ganoon nga rin kami ng ama mo, eh."

Natahimik siya.

Oo nga pala. Prinsesa nga pala siya.

Kinausap pa siya ng kanyang ina ukol sa kasal pero wala na siyang naintindihan. Samu't saring tanong ang kaniyang nasa isip.

Sinong pakakasalan niya? Magiging masaya ba siya? Paano na si Prinsipe Armin? Wala na bang paraan para makatakas siya sa magiging kasal niya? Puwede bang maging si Aya na lang ulit?

Napabuntung-hininga na lang siya at ibinaon ang mukha sa kaniyang unan. Maalala niya lang si Prinsipe Armin ay sumisikip na ang kaniyang dibdib. Naalala niya ang mukha nito noong bago siya kunin ng liwanag. Bago siya bumalik sa Shigan. Bago siya bumalik sa pagiging Prinsesa Alina. Bakas sa mukha ni Prinsipe Armin ang pag-aalala.

Napahagulgol na lang siya sa nangyayari.

Bakit ba ang lupit ng mundo? Bakit hindi na lang nila ako hayaang maging masaya? Pasasayahin nga nila ako panandalian pero may kapalit na pang-habangbuhay na pagdurusa.

The Royal ServantTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon