[19] Hele
Inaalay ko sa: antok ko pa rin dahil ayaw niya pa ring mawala sa sistema ko hanggang ngayon. Inaalay ko rin ito sa mga salitang nagsisilbing hele ko tuwing gabi kapag isinusulat ko ang mga tulang gusto kong isama sa koleksyon kong ito. Wala na, parte na ng time zone ko ang pagsusulat. Ang saya-saya ko kahit minsan puyat ako dahil dito. Ayaw ko pang tapusin ang Ako'y Tutula kasi nag-e-enjoy pa ako. :) Hala, ang daldal ko na. Hahaha.
Ang mga ideya at salita ang nagsisilbing duyan
upang isip ko'y kumalma hanggang sa ito'y makipagsabayan
sa indayog ng uhaw na uhaw na tula
na nais magparating ng mensahe sa madla.
Marahil ang hele kong ito ay hindi mo madama
dahil munti kong tula'y kay bilis nababasa.
Ngunit sa akin, ito ay katumbas ng matagal na panahon,
'pagkat bawat taludtod ay pilit na iniaahon.
May mga tulang maaaring hindi mo maibigan,
marahil dulot ito ng kawalan ng katatawanan,
o 'di kaya'y sa isyung tinatalakay ay sadyang wala kang pakialam,
at dahil na rin siguro sa kawalan mo ng pakiramdam.
Ano man ang iyong dahilan
ay mas mabuting h'wag ko na munang malaman.
Basta ang mahalaga saloobin ko'y nasabi,
at ang sa iyo naman ay iisipin ko na lang sa susunod na gabi.
Ngayong patapos na ang aking tulang ika-labing siyam
ay oras na rin para ako muna'y muling magpaalam.
Dahil mata ko'y unti-unti na namang nahuhulog
sa saliw ng aking "awit na pampatulog".
November 18, 2015
Ako'y Tutula by Darloine
BINABASA MO ANG
Ako'y Tutula
PoetryKoleksiyon ng mga tulang bunga ng kalayaan kong magpahayag ng sariling opinyon at damdamin tungkol sa lahat ng nakikita, naririnig, nararamdaman, nalalasahan at naaamoy ko rito sa mundo. Ako'y tutula... -D. Cover by: "Kai" (ang babaeng neutral sa mu...