[55] Lungkot

344 4 0
                                    

[55] Lungkot

Inaalay ko sa: mga araw na puno ng kalungkutan...

Parang kailan lang ay kay lakas pa ng iyong paghalakhak

pero napalitan na ito ng mga luhang walang tigil sa pagpatak.

Ano ba ang nangyari? Maaari bang iyong sabihin?

O sapat na ang katahimikan para ikaw'y intindihin?

Nitong mga nakalipas na araw ay gusto mo lang mapag-isa

at 'pag kasama ka nami'y hindi ka rin naman nagsasalita.

Masasalamin sa iyong mga mata ang labis na kalungkutan

na para bang ngayo'y wala kang taong masasandalan.

Hindi mo naman kailangang ipakita sa akin ang iyong pilit na ngiti

dahil hindi mo ako mapaniniwala't masasaktan mo lang iyong sarili.

Umiyak ka kung gusto mo, doo'y wala namang masama.

Walang mawawala, tanggapin mong ngayon ikaw'y mahina.

Kahit na ngayon ay tila nagkapira-piraso na ang iyong mundo,

asahan mong balang araw ay muli rin naman itong mabubuo.

Pasasaan ba't sisilay ulit sa iyong mukha ang kasiyahan,

kasiyahang walang bahid ng kasinungalingan.

Ang oras na ito'y ayos lang na iyong angkinin.

Sa gitna ng mahabang katahimika'y wala akong sasabihin.

Nandito lang ako. Papawiin ko ang iyong lungkot.

Halika na. Umiyak ka kung gusto mo. H'wag kang matakot.

March 2, 2016

Ako'y Tutula by Darloine

Ako'y TutulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon