ISA AKONG DUKHA
Marami sa atin ang naghihikahos sa hirap.
Tulad ko na may ngiting mapagpanggap.
Sa kabila na sa aking bulsay walang makapkap.
Manok na pangarap ay 'di malasap.
Sa almusal ay kape, tinapay ang tanghalian.
Asin at kanin ang aking hapunan.
Hirap at pasakit ay hindi na 'ko tinantanan.
Langit lupa'y ako'y pinagsakluban.
Dakilang ama ako ba'y inyong kinakalinga?
Pagpapala ninyo'y 'di ko matanggap!
Mga pawis, hirap, at gutom ko ba'y inyong alam?
Puso't isip ko din ay kumakalam.
Putlang balat, lubog mata, buto ay lumalabas.
Iyan ang sa pisngi ko'y bumabakas.
Mga tawa at bulungan nila'y humahagaspas.
Sa tawag nila sa akin na ahas.
Sa mga kalyo ng kamay ko'y nanatiling guhit.
Ang mga pangarap na pinagkait.
Inggit at galit ang sa puso ko'y nagsusumiksik.
Sa yaman nilang sadyang mapang akit.
Isa akong dukha! Kalupi ko'y laman ay luha.
Ni kupasing damit ay 'di makuha.
Ang barya sa dilim, ay patuloy kong kinakapa.
Sampong kahig, isa lang ang natuka.