"PA'NONG naging lung cancer 'yon, Macoy? Akala ko ba pneumonia lang?" magkasunod na tanong sa kanya ng kaibigan niyang si Jed.
"Pagkatapos nga ng mga tests, na-confirm ngang stage four na," aniya. Ang pinag-uusapan nila ay ang kaibigan nilang si Tum o si Pichatchon Juntichumni na isang Thai. Ito ang dahilan kung bakit kahit alanganing araw ay nasa Bangkok siya ngayon. Kakalapag lang ng sinakyan niyang eroplano.
Narinig niyang pumalatak si Jed. "Sabihin mo sa susunod ako naman ang dadalaw sa kanya," anito.
"Dapat lang. 'Pag namatay 'yon nang 'di kayo nagkikita, mumultuhin ka." His voice broke. But what the hell! Ano naman kung malaman ni Jed na nalulungkot siya?
"Gago ka ba, Ferdinand! Buddhist sila. 'Di sila naniniwala sa multo," anito. But despite what Jed had said, Macoy knew he was worried. Patunay ang pagtawag nito sa kanya sa totoo niyang pangalan. At isa pa, narinig niyang suminghot ito.
Kumunot ang noo niya. Nag-isip. "Ganoon ba 'yon?"
"Malay ko! Ikaw ang laging nand'yan tapos ako ang tatanungin mo," singhal nito. Napapitik siya! "Tama! Naniniwala nga pala sila sa rebirth," aniya
"Oo, kaya huwag mo akong takutin," anito. "Isa pa, sa ating dalawa, mas matatakutin ka. Remember no'ng jamboree natin sa Palayan City? Ikaw ang unang tumakbo no'ng nagkakuwentuhan tayo ng tungkol sa paring pugot ang ulo habang nagbo-bonfire."
"Ulol!" singhal niya ngunit napangiti siya. They were eleven years old then. Sinong eleven year old ang hindi matatakot sa maligno? Doon nagsimula ang pagkakaibigan nila ni Jed. Noong una kasi ay may rivalry sa pagitan nila. They were both running for valedictorian. Ngunit nang magkakilala silang mabuti, naging partners in crime na sila. Ang resulta, pareho silang nalaglag sa fifth place. Tie.
Napailing siya. He could tell that both he and Jed were just trying to take things lightly. Pareho silang nalulungkot sa kalagayan ni Tum.
Nakilala nila ang taxi driver na si Tum pitong taon na ang nakakaraan nang mag-adventure silang dalawa sa Bangkok. Naaliw sila dahil bukod sa magaling itong mag-Ingles, hindi daw sila nito sisingilin ng pamasahe, basta tulungan lang daw nila ito na manguha ng petrol coupon.
Noong una ay hindi nila maintindihan ang ibig nitong sabihin. At talaga namang kaduda-duda. Saan ka naman nakakita ng taxi driver na hindi ka sisingilin? Baka raket iyon. Pero kung ikukumpara naman ang katawan nito sa kanilang dalawa, malamang kakayanin nilang lumpuin ito. Dahil sa kuryosidad, pumayag sila.
Iyon pala ay ini-encourage ng Tourism ng Thailand ang mga taxi driver na magdala ng mga turista sa mga establishments kaya may libreng pang-gasolina.
Hindi na sila nilubayan ni Tum, at lalong hindi sila tanga para lubayan ito. Dinala sila nito sa mga hindi karaniwang pinupuntahan ng mga turista mula Patpong hanggang border ng Cambodia.
Naging kaibigan nila ito. At sa tuwing bumabalik siya ng Bangkok dahil nasasarapan siya sa pagkain, ito ang hinahanap niya. Hanggang sa ituro nito sa kanya ang mga nalalaman nitong Thai dishes. At dahil doon ay naisipan niyang itayo ang Thai-rant, isang Thai Restaurant sa may Timog.
"Tanungin mo na rin kung okay pa ba ang finances nila ni Pun. Itawag mo agad sa 'kin."
"Sige," aniya. "Nasaan ka ba? Ang ingay."
"Sa sabungan, magsisimula na ang derby," anito. "Magkano nga pala sa 'yo?"
He knew what Jed meant. Ang ipupusta niya sa manok nito ang tinatanong nito. "One-fourth lang ng suweldo ko sa akinse," aniya. Marami siyang kailangan bayaran. Hindi prayoridad ang sabong. Kakatapos lang niyang bayaran ang condo niya noong nakaraang buwan, at pagbalik niya ng Pilipinas, babayaran niya ang ilalabas niyang bagong sasakyan.
BINABASA MO ANG
When Sparks Fly(under PHR - June 6, 2012)
RomanceNang magpunta si Claire sa Bangkok dahil sa trabaho niya, hindi niya inakala na makakatagpo siya roon ng isang lalaki na gaya ni Macoy. He was the most indulgent man she had ever met. Pinasasaya siya nito kahit sa mumunting bagay na ginagawa nito pa...