SUMULYAP si Claire sa relo niya nang makalabas siya sa coffeeshop na nasa malapit sa gate ng subdivision nila. Maaga pa kaya siguradong nasa condo pa nito si Macoy. Doon na lang niya ito pupuntahan.
Napangiti siya nang mapatingin sa hawak niyang dalawang papercups. Ang isa ay naglalaman ng paboritong coffee nito.
Malapit na siya sa sasakyan niya nang matanaw sa kabila ng kalsada ang isang flowershop. Bumili na rin kaya siya ng bulaklak? Why not? Manliligaw nga siya 'di ba? And Mac's place would definitely look nicer with a little color here and there. Liliwanag ang paligid. Muli siyang napangiti. Kapag doon na siya nakatira, papalitan niya ang mga gray blinds ng makukulay na drapes. The masculine-looking black couch would have to go.
Napailing siya. Ang layo na ng narating ng utak niya.
Nang makabili ay binalanse niya sa magkabilang kamay niya ang mga kape at mga bulaklak. Akmang tatawid na siya nang biglang huminto sa mismong harapan niya ang isang itim na SUV. Bumukas ang pintuan sa driver's seat at nang makita niya kung sino ang bumaba mula doon ay muntik na niyang bitawan na lang lahat ng hawak niya.
Kahit walang kangiti-ngiti si Macoy habang titig na titig sa kanya, wala na siyang ibang gustong gawin kundi iyakap ang mga braso niya sa batok nito. She was darn right about her greatest fear. Na kapag nakita niya ito, wala na siyang ibang gustong gawin kundi ang yakapin ito.
Ano ang ginagawa nito sa labas ng subdivision nila nang ganito kaaga? Pinuntahan siya? O nagkataon lang ba na nakita siya nito? Malamang. Hindi naman kasi nito alam ang bahay ng mga magulang niya.
Napapitlag siya nang marahas na hilain nito ang pintuan ng passenger seat. "Get in," utos nito sa kanya.
Hindi niya alam kung sa sobrang gulat ba niya o dahil sa may kung anong puwersa ang boses nito kaya walang tanung-tanong nang pumasok siya sa loob ng sasakyan nito.
Kung nagulat man ito sa mabilis na pagtalima niya sa utos nito ay wala siyang nakitang indikasyon. Dumukwang ito upang ikabit ang seatbelt niya. Napapikit siya nang mapuno ang sistema niya ng pamilyar at kaaya-ayang bango nito. Nanghinayang siya nang mabilis din itong tumayo at maingat na inilapat ang pintuan bago umikot sa driver's side.
Ni hindi siya sinulyapan nito nang makaupo ito. Walang imik na hinila nito ang handbreak at pinatakbo na ang sasakyan.
What was he up to? Kinikidnap siya? Not that there was a need for him to do so. Pupuntahan na niya ito. "Mac-"
Sinulyapan siya nito ngunit wala siyang mabasang anumang ekspresyon sa mukha nito kaya napipilan siya. Hindi niya naituloy ang sasabihin. Pinigilan niya ang mapabuntong-hininga. If it was kidnapping, then so be it. Sa lahat nga lang siguro ng kinikidnap, siya lang ang kinikilig.
Kunsabagay, wala na siyang pakialam kung anuman ang binabalak nito. Ang mahalaga ay nasa tabi niya ito. Kuntento na siya kahit mamaya na siya nito kausapin. Magpapakabusog na lang muna siya sa presenya nito.
Lumiko ito sa katabi nilang subdivision na kasalukuyan pa lang na dine-develop. Walang katau-tao. Itinabi nito ang sasakyan sa ilalim ng isang malabay na puno. "A-ano'ng gagawin natin dito?" tanong niya.
"Mag-uusap," maiksing sagot nito. Bumaba ito.
Sumunod siya. Marami rin naman talaga siyang sasabihin dito, hindi niya lang alam kung paano sisimulan.
Nang makababa ng sasakyan ay iginala niya ang paningin niya. Huminga siya nang malalim. Presko ang simoy ng hangin at malamig iyon. Kung hindi lang marahil sa dalawang kapeng hawak niya ay nayakap na niya ang sarili niya.
BINABASA MO ANG
When Sparks Fly(under PHR - June 6, 2012)
RomanceNang magpunta si Claire sa Bangkok dahil sa trabaho niya, hindi niya inakala na makakatagpo siya roon ng isang lalaki na gaya ni Macoy. He was the most indulgent man she had ever met. Pinasasaya siya nito kahit sa mumunting bagay na ginagawa nito pa...