Chapter 4

7.8K 204 8
                                    

"AFTER what happened the other night, I've decided to make a bucket list," pahayag ni Claire kay Macoy habang nagkakape sila sa isang coffeeshop sa Siam Square.

Nasa Bangkok pa rin siya. Hindi niya sinunod ang gusto ni Lui. Bago siya natulog noong isang gabi, pinatay niya ang cellphone niya. Ayaw niyang kausapin ito. Kung tutuusin, dapat sana ay malungkot siya dahil sa ngayon ay hindi niya alam kung ano ang estado ng relasyon nila. Nakakapagtakang tila napakagaan ng loob niya. Nakakahinga siya nang maluwag na hindi siya nabu-bully ni Lui.

Tumaas ang isang kilay ni Macoy ngunit ibinaba pa ang hawak nitong papercup, ipinatong ang makasalikop nitong mga braso sa mesa at tumingin sa kanya. "O, eh, ano ang number one sa list?" tanong nito na tila interesadung-interesado.

Napangiti siya. Iyon ang isa sa mga gustung-gusto niya rito. He was always willing to indulge her. Lagi itong nakahandang makinig na tila ba napakaimportante ng sinasabi niya. "Dahil nandito ako sa Bangkok, uunahin ko ang pagpunta sa Patpong," liyad ang dibdib na wika niya.

Nanlaki ang mga mata nito. "Patpong?" ulit nito na tila hindi makapaniwala. "Why would you wanna go to a redlight district? Manood ka ng agogo dancer?"

Namimilog ang mga matang sunud-sunod ang naging pagtango niya.

"Bakit?" tanong nito na tila hindi pa rin makapaniwala.

"Curious lang ako. Ilang kakilala ko na ba ang nagkuwento na nakakamangha daw ang palabas doon," aniya. "It's something that you need to see daw before you die kaya inilalagay ko sa bucket list ko."

He made a face.

Pinamaywangan niya ito. "Bakit?"

Nagkibit ito ng balikat. "Nothing," anito. "Na-amuse lang ako sa bucket list mo. Puwede naman kasing gayahin mo na lang 'yong nasa akin na kissing a total stranger in a coffeeshop in Bangkok."

"Baliw," aniya. Hinampas niya ang likod nito.

"Aray!" Napasubsob ito sa lamesa. Alam niyang exaggerated lang ang ginawa nitong iyon. Masyado itong malaki para indahin ang hampas niya.

"Ang arte!" aniya. Kung bakit niya ginawa iyon, hindi niya alam. Nag-init kasi ang pisngi niya nang marinig ang sinabi nitong iyon at marahil ay reflex lang ang paghampas niya dito. "Wala na lang kasing pakialamanan ng gustong gawin."

Tinitigan siya nito. "Pero Patpong? Seryoso ka?" tanong uli nito. "How about trying something more exciting like that one on my bucket list?" Sinabayan nito iyon ng kindat.

At talagang inulit pa! Lalong nag-init ang pisngi niya. "Gaya-gaya ka. I'm sure wala kang bucket list."

Natawa ito. "Meron nga!"

Umirap siya. "O, eh, ba't 'di mo halikan 'yong babaeng 'yon," aniya na inginuso ang isang babeng sexy malapit sa kinauupuan nila.

Lumabi si Mac. "Ayoko nga siya," anito na lumaki pa ang butas ng ilong na tila nakaamoy ng hindi nito gusto. "Actually, I've got somebody else in mind."

She almost rolled her eyes. Ano ba ang pinagsasabi nito? At bakit ba parang may kung anong kakatwang pakiramdam ang bumabangon sa dibdib niya. Sa natatandaan niya, huli siyang nakaramdam ng ganito noong crush niya ang kapitbahay nilang anak ng mayor. Kinikilig ba siya kay Macoy?

Bahagya siyang umiling upang mawala ang agiw sa utak niya. Naaaliw lang siya dito. "W-who? 'Yong naka-pink?" muling tanong niya na ang tinutukoy ay ang kasama ng nauna kanina.

Ngumisi lang ito. "Ayoko ngang sabihin."

Tumayo siya. Isinukbit niya ang bag niya sa balikat niya. Hindi niya maintidihan kung bakit nainis siya. "Dito ka pa ba, o babalik ka na sa hotel?" tanong niya.

When Sparks Fly(under PHR - June 6, 2012)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon