Chapter 14: School Bullies

4.3K 51 16
                                        

CHAPTER 14: School Bullies.

Written by: CDLiNKPh

"BAKIT BA ang suplada mo? Akala mo siguro purkit maganda ka ay matutuwa na ang lahat sa 'yo, 'no? Ganyan ba kataas ang tingin mo sa sarili mo?!"

Nakarinig nang pagsigaw si Alexa. Agad siyang nagtago sa isang tabi at nakita niya na tatlong babaeng matatangkad ang nakapalibot kay Ivy. Galit na galit ang mga ito sa babae sa hindi pa niya alam na dahilan.

"Lakas ng loob mong pahiyain si Prince Luke! Alam mo bang isang ngiti lang niya sa amin ay ang saya-saya na namin? Samantalang ikaw, nagtapat na siya sa harap mo pero deadma ka lang! Hindi ka pa nakuntento at sinabihan mo pa siyang panget!" Halos umusok ang ilong ng isang babaeng siga habang nagsasalita.

Parang gusto tuloy niyang matawa sa narinig. Hindi nga siya nagdudududa na makakapagsalita ng ganoon si Ivy. May pagkamasungit kasi ito at may pagkaisip-bata. Twelve years old na sila at iyong mga kaedad nga nila ay nagmamadali nang magdalaga kaagad pero ito naman ay parang isip bata pa rin. Mukhang wala rin itong planong baguhin ang sarili.

"E, ano bang pakialam ninyo? Ano'ng magagawa n'yo kung ayaw ko sa kanya? Si Cane lang ang gusto ko! Kung gusto n'yo, sa inyo na lang si Luke!" naiinis na rin na pagsagot ni Ivy.

"Ang yabang mo rin, ano? E, 'yang Cane naman na 'yan ay iniwan ka na parang isang tuta! 'Di hamak naman na mas gwapo si Prince Luke kaysa sa kanya!"

"Duling kasi kayo kaya ang tingin ninyo sa panget ay gwapo! Palibhasa kasi, hindi kayo maganda kaya nagagalit kayo sa akin. Puwes, ngayon pa lang ay tatapatin ko na kayo. Hindi kayo magugustuhan ng pinapangarap ninyong si Luke kasi ang papangit ninyo!" Napasigaw na roon si Ivy.

Sa sinabi nito ay bigla nang nag-init ang ulo ng mga matatangkad na babaeng nakapaligid dito.

Siya naman ang natatakot para kay Ivy. Bakit ba hindi muna ito mag-isip bago magsalita ng ganoon? Talagang mapapaaway ito sa ginagawa nito!

"Ah, gano'n! Mga pangit kami? Baka gusto mong basagin ko 'yang mukha mo para mawala na yang pinagmamalaki mong ganda?!" Nanggagalaiti na ang panget na babae.

Sinuntok nito si Ivy at nag-umpisa na itong pagtulungan ng iba pang babae. Pinagsasabunutan na ito.

Nataranta na siya kaya nagmamadali na siyang lumapit sa mga ito. "Hoy! Tigilan n'yo si Ivy!" Tuluyang na siyang nagpakita at sumigaw.

Binitiwan naman ng mga ito si Ivy na para bang hinang-hina na.

"At sino ka namang pakialamera ka?" Siya naman ang pinagbalingan ng babaeng busangot ang mukha.

"Huwag n'yo siyang saktan. Kasalanan ba niya na hindi niya nagustuhan iyang Prince Luke na pinagmamalaki ninyo? Sa tingin ba ninyo ay napipilit ang pagmamahal? Na dahil sikat ang lalaking iyon o gwapo ay magugustuhan na agad siya ni Ivy?" matapang na sabi niya.

Napatawa lang ng pagak ang pinakasigang babae na mukhang tomboy. "E, ano bang paki mo? Gusto mong magpakabayani o gusto mong sumakit ang katawan mo? Hala, sige, lapit!" nakangising sabi nito.

Hindi na siya nakapagsalita dahil namalayan na lang niya na sinugod na siya ng tatlong babae. Napansin niya na paparating na ang suntok ng mukhang tomboy sa kanya pero hindi siya magpapatalo sa mga ito. Hindi lang alam ng mga ito pero bata pa lang siya ay sinanay na siya ng daddy niya noon sa martial arts. Kaya naman nang sumugod isa-isa ang mga ito ay agad niyang nailagan ang bawat pag-atake ng mga ito. Nakakatawa lang na hindi na nga siya tinatamaan ng suntok ng mga ito ay siya pa ang nakakapanakit sa mga ito! Halos hindi na niya mabilang kung ilang beses niyang nasuntok at natadyakan ang bawat isang babae na nagtatangkang makatalo sa kanya kahit na mag-isa lang siya.

Takbuhan ang mga ito pagkatapos ng laban na iyon. Umiyak pa nga iyong isa. Iyong pinakamayabang na parang tomboy ay halos mapaihi sa palda nito nang dahil sa takot.

"Ayos ka lang?" tanong niya sa nakayukong si Ivy. Umiiyak na rin ito bagama't tahimik lang.

Inabot niya ang kamay niya rito pero tinabig lang nito iyon.

"Huwag mo nga akong hawakan! Pinagtanggol mo ako pero ang totoo ay pinagtatawanan mo rin naman ako hindi ba? Katulad ka rin nila! Iniisip nila na mukha akong tanga kasi umaasa pa rin ako na babalik pa si Cane!" lumuluha na sabi nito.

Natigilan siya ng ilang segundo saka bumuntong-hininga.

"Totoo. Totoong gano'n na nga ang tingin ko sa ginagawa mo. Inaamin ko na iniisip ko na isa kang tanga dahil hintay ka nang hintay sa isang taong wala nang kasiguraduhan kung babalik pa pero hindi ako katulad nila Ivy. Dahil sa kabila ng pagiging tanga mo ay nakuha mo ang respeto ko hindi bilang isang commercial model o maganda kundi bilang isang tao."

Nang dahil sa sinabi niyang iyon ay natigilan si Ivy. "Dahil sa sobrang pagmamahal mo kay Cane ay doon ko na-realize kung gaano kang ka-loyal na tao, Ivy. Tumutupad ka sa isang pangako at pinanghahawakan mo ang mga sinabi niya. Hindi lahat ng tao ay katulad mo, Ivy kaya para sa akin ay cool ka. Pero gusto kong malaman mo na hindi lang si Cane ang taong pwedeng magmahal sa 'yo, Ivy. Hindi mo ba nakikita na maraming taong gustong mapalapit sa 'yo? Pero hindi mo sila napapansin dahil kay Cane ka lang palagi nakatingin. At ako? Nandito ako para maging kaibigan mo. Hinding-hindi kita pababayaan katulad ng ginawa niya sa 'yo. Hinding-hindi kita iiwan kahit ano pa ang mangyari dahil para sa akin ay kaibigan kita kahit wala ka nang ibang ginawa kundi ang hindi ako pansinin. Kaya sana ay magbigay ka kahit kaunting pagtitiwala lang sa ibang tao. Alam ko na hindi mapapalitan ng kahit na sino si Cane pero huwag mong ikulong ang sarili mo lang sa kanya. Gusto rin kitang maging kaibigan, Ivy kaya sana ay mabigyan mo ako ng pagkakataon..."

Totoo sa loob niya ang mga sinabi niya. Hindi nga niya alam kung bakit pati siya ay parang naiiyak na rin. Siguro ay dahil ngayon lang niya napagtanto na gusto pala talaga niyang maging kaibigan si Ivy. Defense mechanism lang niya sa tuwing sinasabi niya sa sarili na ayaw niya rito dahil kahit papaano ay nasasaktan din siya sa rejection sa tuwing tinataboy siya nito palayo. Sa totoo lang ay naiinggit siya kay Cane dahil mayroon itong kaibigan na katulad ni Ivy. Matagal na niyang pinapangarap na magkaroon ng isang loyal na bestfriend at gusto niyang maging si Ivy iyon.

Namayani lang ang katahimikan sa kanilang dalawa. Wala nang gustong magsalita pagkatapos ng sinabi niya.

Saka ito tumayo at nagtatatakbo palayo sa kanya. Nagulat man ay sinundan naman niya ang babae. Saka nanlaki ang mga mata nang makita niya ito sa ilog na umiiyak.

"Sinungaling ka, Cane! Ang sabi mo ay babalik ka kaagad pero pinaasa mo lang ako sa wala!" Masamang-masama ang loob na sabi nito saka nito inihagis sa ilog ang suot-suot nitong hikaw.

"Pero miss na miss na talaga kita..." Biglang parang nanghina ang mga tuhod ni Ivy saka ito muling napaupo habang yakap ang mga tuhod na iyon. Tuloy-tuloy lang ang pag-agos ng luha sa mga mata ni Ivy. Para bang wala na iyong katapusan at siya na ang nasasaktan pa rito.

Sa mga nakikita niya ay talagang sobrang lalim ng pagmamahal nito kay Cane at ang paghagis ng hikaw nito sa ilog ay nangangahulugan na parang pinakakawalan na rin nito ang pagmamahal na iyon.

Hindi man niya alam kung gaano kasakit ang nararamdaman ngayon ni Ivy ay nasisiguro niya na nagdurugo ang puso nito na para itong namatayan kahit buhay pa ang taong pinagluluksaan nito.

Gusto niya itong lapitan pero alam niya na mas gusto nitong mapag-isa kaya naman umalis na lang muna siya.

Hahayaan muna niya na umiyak nang umiyak si Ivy dahil kailangan nito iyon. Pero sa oras na maging okay na ito ulit ay sisiguraduhin niya na makakalimutan na nito si Cane. Dahil handa siyang pumalit sa puso ni Ivy para maging tunay na kaibigan nito.

8. Innocent Love (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon