Sa loob lamang ng isang buong magdamag ay malaki na ang pinagbago ng buong palasyo ng Etchoravaklushi. Bilang bahagi ng pag-iisang dibdib nina Prinsipe Xerio at Diosebel, pinalamutian ang buong palasyo ng iba't ibang uri ng mga bulaklak. Magdamag na nagtrabaho ang mga tagapagsilbi ng palasyo, pati na rin ang mga kawal.
Ganap na alas s'yete ng umaga nang magising si Prinsipe Xerio. Nagulantang siya nang makitang wala na sa kanyang tabi si Diosebel.
"Nasa'n ka na Diosebel?!"
Umalingawngaw ang kanyang sigaw sa buong palasyo. Napatigil ang lahat sa kanilang ginagawa dahil dito. Agad na pinuntahan ni Haring Ful at Reyna Gosa ang kanilang unico hijo.
"Mahal kong prinsipe ano'ng nangyari?" usisa ng reyna, na naupo sa tabi nito.
"Si Diosebel po..." hikbi ng prinsipe, "Iniwan na ako."
"Ano ka ba naman anak. 'Wag ka ngang umiyak ng parang bata r'yan," saway ni Haring Ful.
Tinitigan nang masama ni Reyna Gosa ang kanyang asawa. Ano ka ba manahimik ka na nga, bulong niya rito.
"Pero Amang Hari, bakit kaya siya umalis?"
"Baka naman may pinuntahan lang na importante," paliwanag ng reyna.
"O kaya'y nauntog na, kaya naisipang umalis," bulong ni Haring Ful.
"Ano 'yon, mahal na hari?" inis na tanong ng reyna.
"Wala 'yon, sabi ko dapat maghanda na siya para sa kanilang kasal," pagpapaliwanag nito.
"Tama po kayo, Ama, Ina."
Naging masaya na si Prinsipe Xerio. Tumayo na siya sa kanyang kama upang maghanda sa kanilang kasal. Gustong-gusto na niyang makita si Diosebel habang naglalakad palapit sa kanya.
Ang pag-iisang dibdib sa kaharian ng Etchorvaklushi ay hindi pangkaraniwan. Ang magkasintahan ay hindi nagsusuot ng anumang magandang kasuotan. Tanging espesyal na damit ang dapat nilang isuot. Mga dahon lamang ang magsisilbing takip sa kanilang maseselang bahagi ng katawan.
"Narito na ang mahal na Prinsipe Xerio ng Etchorvaklushi!" hiyaw ng isa sa mga tagapagsilbi.
Lahat ng mamamayan ng palasyo ay nakatingin sa kanya habang palapit sa pagdarausan ng kasal. Ang ilang kakabaihan ay lihim na nasisiyahan dahil nakikita na nila ngayon ang katakam-takam na katawan ni Prinsipe Xerio. Tanging isang malaking dahon lamang ang nakatakip sa kanyang ibaba.
Sa ilalim ng isang malaking puno sa gitna ng palasyo gaganapin ang kasal. Naghihintay na roon ang nakaupo sa kanilang mga trono na sina Haring Ful at Reyna Gosa.
"Binabati kita, mahal na prinsipe," bungad ni Reyna Gosa sa anak.
"Sana lumigaya kayo," hiling pa ni Haring Ful.
"Salamat po, Amang Hari at Inang Reyna," tugon niya.
Naupo na si Prinsipe Xerio sa kanyang trono sa tabi ng Amang Hari. Ilang minuto siyang naghintay roon sa pagdating ni Diosebel ngunit wala pa rin ang babaeng pinakamamahal niya.
"Bakit wala pa si Diosebel?" Patayo na sana siya upang hanapin si Diosebel nang...
"Narito na ang magiging prinsesa ng Etchorvaklushi!" sigaw isang kawal mula sa tarangkahan ng palasyo.
Parating na ang isang puting karwahe na may dalawang puting kabayo kung saan lulan si Diosebel.
"Mahal na Prinsesa Diosebel?" may pagtatakang bati ni Lenard na siyang sumalubong sa bride para ihatid sa kanilang prinsipe.
BINABASA MO ANG
Huwad na Bulaklak
RomanceKilalanin ang pinakamagandang bulaklak sa kaharian ng Ihsulkavrohcte o Etchorvaklushi... Mahalin kaya siya ng pinakagwapong prinsipe ng kaharian, sa kabila ng kanyang kaanyuahan? BOOK II - The Awakening of Princess Amalayer