Sapatos

645 19 6
                                    

Bihis na bihis si Mama. Linis ng linis at walang tigil na inaayos ang bawat pigurin at litrato na makikita mo sa aming munting bahay. Kasabay na namumutawi sa kanyang bibig ang mga gantimpalang naabot ni Kuya at mga patimpalak na kanyang sinalihan, mula sa kanyang pagkabata hanggang sa pagtuntong niya sa kolehiyo.

Nakatingin lang ako sa kanya...

Walang ingay...

Walang kumikilos porket kay Mama...

Hanggang lumapit si Ate sa kanya...

"Ma, hindi na siya babalik..."

Matapos masambit ni Ate ang mga salitang iyon ay sumunod ang nakakabinging katahimikan. Iyon siguro ang pinakamatagal na isang minuto sa buhay ko.

Itong araw na ito sana ga-graduate si Kuya. Kaya naman pilit na gustong manirahan ni Mama sa matamis na kasinungalingang andito pa si Kuya. Mag-iisang taon na noong mamatay si Kuya, ang kwento ay nag-withdraw siya ng pera noong gabing iyon para sa mga sapatos na ibibili niya para sa kaarawan ko pero tinambangan siya ng mga magnanakaw. Pumalag daw siya kaya napatay.

Sumunod sa nakabibinging katahimikan ang malakas na hagulgol ng nanay ko. Si Ate lang ang nakapagpapatahan sa kanya dahil wala na si Itay. Nawala siya makatapos ang araw na namatay si Kuya. Ang balita e nangibang asawa raw, marahil daw ay ayaw niyang sagutin ang pagpapalibing kay Kuya. Hindi ko alam kung totoo iyon pero hangga't hindi ko nakakausap si Itay e maniniwala ako sa istoryang iyon.

Sila Kuya at Itay lang ang kumikita ng pera para sa amin. Iyong sweldo ni Itay pabago-bago, minsan 500 Pesos sa isang lingo, minsan lumalagpas pa ng isang-libo, pero minsan wala. Si Kuya naman pumapasok sa fastfood kapag bakasyon na o kaya naman e suma-sideline sa kung anu-ano. Ngayong wala na silang pareho, nagtayo ang nanay ko ng isang maliit na karinderya, kami ni Ate ang nagsisilbing "waiter" habang ang nagluluto naman e ang nanay ko.

...

Wala akong narinig kundi ang pag-iyak ni Mama, gusto ko mang tumulong, wala akong magagawa.

Dahil doon, bumalik na naman ang stress sa akin, hindi ko kaya na makitang umiiyak si Mama kaya naman lumabas ako, pumunta ako doon sa bakanteng lote sa likod ng school namin. Tahimik doon kaya naman doon ako pumunta, pero sa totoo lang, sana may taong magpapakalma sa akin katulad ni Ate kay Mama.

Nagpaliban muna ako ng ilang minuto doon hanggang sa may narinig akong paparating.

Nakahiga ako kaya naman hindi agad ako nakapag-tago. Nakita ko siya, isang lalaking pulubi, mga nasa forty-years old na, sira-sira iyong damit tapos ang haba pa nung balbas, ang dungis pang-tingnan. Para ring nasunog iyong mukha niya, medyo nakakatakot nga eh.

...

Lumapit siya sa akin, tinanong kung anong ginagawa ko rito. Kalmado naman iyong boses niya kaya sumagot ako.

Wala naman akong mahalagang gagawin noong araw na iyon kaya nakipag-kwentuhan lang ako sa kanya. Mula sa problema ko hanggang sa pag-aaral ko ay na-kwento ko na. Mukha naman siyang mabait kaya hindi ako natakot na mag-kwento. Mabuti at may taong napagsandalan ko noong mga panahong iyon. Palubog na ang araw at paalis na ako ng may sinambit siya...

Ang pangalang iyon at ang tono ng boses...

Hindi ako pwedeng magkamali...

"Caloy"

Napalingon ako...hindi ako makapaniwala pero...

"Itay?!"

...

Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman noong mga oras na iyon. Galit? Tuwa? Hindi ko alam.

Doon ko nalaman ang katotohanan, hindi talaga isang construction worker ang tatay ko, kasama pala siya sa isang sindikato ng mga magnanakaw. Iyon din ang sagot sa pagkamatay ni Kuya, dahil madilim noong gabing napatay si Kuya, hindi siya nakilala ni Itay. Ito din ang sagot kung bakit hindi ayos ang sweldo ni Itay at kung bakit siya nawala makatapos ang araw ng pagkamatay ni Kuya.

Sinabi niya rin sa akin na sinunog ng mga kasamahan niya sa pagnanakaw ang mukha niya nang iwan niya ang mga ito. Ngayon, palaboy-laboy na siya sa kalye. Tinanong ko kung saan siya nakakakuha ng makakain niya, sinabi niyang suma-sideline lang daw siya.

Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin noong mga panahong iyon. Dahil na rin siguro sa galit, kumaripas ako ng takbo pabalik sa amin ng hindi nag-papaalam.

Hindi ako masyadong makatulog noong gabing iyon pero pinag-desisyunan kong bumalik bukas doon sa bakanteng lote.

...

Ala-sais palang gising na ako para bumalik sa bakanteng lote nang may makita akong kumpol ng tao. Hindi ako nakatiis, naisip ko naming makapag-hihintay si Itay kaya naman tinignan ko kung ano ang komosyon.

Para ba akong binaril ng makita ko kung sino ang pinagkakaguluhan...

Si Itay, nakasalampak sa lupa na duguan...

Tinanong ko sa pulis kung ano ang nangyari, sambit kong ako ang anak niya, sinabi nilang nabangga raw siya ng isang trak. Iyak daw ng iyak habang tumatakbo, parang may hinahabol daw. Madilim daw sa lugar na iyon kaya raw maaaring hindi agad nakita ng drayber.

Pagkatapos, tinanong ng pulis kung ano ang pangalan ko. Sinabi ko "Caloy".

"Kung ganoon, mukhang para sa iyo ito", ang sabi sa akin ng pulis.

Inabot niya sa akin ang isang brown na paper bag, na may nakalagay na "CALOY" sa harap. Binuksan ko kung ano iyon, dalawang pares ng sapatos. May kasama itong maliit na kard. Wala akong nagawa kung hindi umiyak nang mabasa ko ang kard na iyon.



"Happy Birthday Nak! Para sa inyo ni Kuya."

One Shot CompilationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon