"Gusto kita, Ken." Nakatingin lamang ako sa kanya. Hindi ko alam kung anong nasa isipan nya. Hindi ko mabasa ang nararamdaman nya sa kanyang mata.
Ngumiti lang sya.
Tumingala sya sa langit habang nakangiti. Ni isang salita wala man lang syang sinabi tungkol sa sinabi ko kanina. Basta, yung ngiti nya lang ang nagsilbing tugon sa pag-amin ko.
....
...
..Lumipas ang mga oras, araw at mga pagkakataong hindi kami naguusap at nagkikita. Umikot lamang ang mundo namin sa magkabilang dulo, sa isang masakit at komplikadong paraan natapos ang lahat sa aming dalawa ni Ken.
Walang pansinan, walang text o tawag. As in! Wala na lahat!
"Alam mo Kath, may mga bagay talaga sa buhay na masasaktan ka muna sa mahirap na paraan bago ka matuto." Sabi ni Joan. Bestfriend ko. Hindi ako nakatingin sa kanya. Baka mamaya ay maluha na lang ako dito.
"Bakit ba kailangan kong maranasan to? Bakit ang sakit-sakit?" Wala sa sarili kong sinabi. Basta nakatingin lang ako sa langit.
"Simple lang." Napatingin ako sa kanya. Huh? Panong simple lang?
"Para maging balanse ang pagikot ng mundo. Lahat tayo hinahayaang masaktan para matuto. Hindi naman kasi lahat ng bagay ay natututunan sa eskwelahan. Minsan sa paglalakad at pakikipag kaibigan mo, mas nakikilala mo pa ang sarili mo. Mas nagiging matatag ka ngayon kumpara noon." Joan.
....
...
..Nagtagal ang panahon. Eto na ang pinaka-spesyal na araw para sa akin. Ngunit sa di inaasahang pagkakataon, nagkita kami ni Ken. Ngumiti sya, ngunit hindi na katulad noon.
"Kamusta?" Tinignan ko lamang sya. Aminado ako na mas lalo syang gumwapo, lalong nag matured ang kanyang hitsura.
"Okay lang. Heto masaya. Ikaw?" Tanong kong pabalik sa kanya. Tinignan nya ako ng malalim.
"Talaga bang gusto mo ako?" Tumango ako sa tanong nya at sumagot. "Kalimutan na natin ang nakaraan, Ken. Masaya na ako ngayon."
Nilapitan ako ni Mama at sinabing mag-uumpisa na ang misa. Nag paalam na ako kay Ken. Lumapit naman sa akin si Papa. Maluha-luha nyang hinawakan ang kamay ko.
"Big girl na ang baby ko. Nasaktan at nagmahal na. Pagbutihin mo ang pagiging ina sa magiging pamilya mo. Mahal ka namin ni Mama mo." Pinunasan ni Papa ang luha ko.
"Wag ka ngang umiyak, ang ganda-ganda mo oh. Papanget ka nyan." Tumawa ako sa sinabi ni Papa. Niyakap ko naman sya at naglakad na. At sa muling pagkakataong, nagkita kami ni Ken.
Nakangiti uli sya.
Si Ken. Ay mali pala. Si Fr. Ken ang pinili nina Mama at Papa na magbasbas sa kasal namin ni Angelo. Masaya ako kasi nakilala ko si Angelo. Sya ang nagturo sa akin kung paano magmahal muli.
....
...
..Kahit ilang taon na ang lumipas. Alam ko, sa sarili ko, na mahal na mahal ko si Angelo. Pero hindi pa din ako makatakas sa nakaraan ko. Si Ken. Isang araw, may nakita akong liham sa ilalim ng drawer ko.
Kath,
Why can't it be the two of us? Minsan naiisip ko na umalis na lang dito sa kwartong ito. Gusto kitang halikan at yakapin. Yung araw na umamin ka? Iyon yung araw na dapat ibabalita ko sa iyo na pinayagan na ako ng parents ko na pumasok ako sa seminaryo at maging pari. Sasabihin ko na sana sayo kaso inunahan mo ako sa pag amin mo na gusto mo ako. Masayan ako dahil nalaman ko na gusto mo ako, kaso nag alinlangan akong sabihin sayo ang nararamdaman ko kasi baka mas maging komplikadon ang lahat. I'm sorry Kath. Hinayaan ko lang ang tadhana at panahon ang humusga sa mangyayari. Kung hinayaan kong makalimutan mo ko ng di ko man lang sinasabi sayong gusto kita Kath.... Mahal na mahal kita.
-Ken.
Umiyak ako sa katotohanang isinampal sa akin. Marami ng araw, oras at panahon ang nasayang naming dalawa.
Yung dapat si Ken ang magiging kasama ko sa pagtanda, yung magiging prince charming ko at ako ang kanyang prinsesa. Kasi huli na ang lahat.
Huli na nang malaman ko na posible pa lang mangyari 'yun.