Marunong akong magsulat, tumula o kumanta.
Pero naubusan ako ng salita na magtutugma kung paano ko sasabihin na gusto kita.
Gagamit ako ng permanenteng tinta upang hindi mabura ang tula na magsisilbing gamit upang madama mo ang aking pagmamahal.
Kaya mahal, nais kong madinig mo ang hiling ko sa mga bulalakaw.
Gusto kong huwag mong makalimutan ang mahika ng pag ibig, dahil ito ang iyong magsisilbing gabay.
Magsisimula ako sa umpisa, sa kung paano mo ako kamustahin na parang ako'y mahalaga.
Iyong mga yakap na mainit at mahigpit, parang may nais yatang iparating.
Nasa isip kita, bago sumikat ang araw. Gusto kong malaman kung gusto mo sa agahan ang mainit na sabaw.
Nasa isip kita, kahit tanghaling tapat. Nangangako akong hindi kita lolokohin, magiging totoo ako at tapat.
Nasa isip kita, sa paglubog ng araw. Pupunasan ko ang pawis sa iyong likod. At kung sakaling ikaw ay pagod, handa akong alagaan ka.
At nasa isip kita, sa gabing malalim. Yakap ko ang aking unan, iniisip ko kung ano ang pakiramdam ang mahalin ako ng isang katulad mo.
Dahil kailangan ko ang mahalin, dahil ang gusto ko ay mahalin.
Magsisimula akong muli sa umpisa, ilalagay ko sa unahan ang mga katagang "Ikaw lang at wala ng iba pa".
Gusto kong hanap hanapin mo ako gaya ng paborito mong kape sa umaga.
Gusto kong kailanganin mo ako katulad ng mga bagay na ginagamit mo sa araw-araw.
Dahil ayaw kong maging mahalaga, gusto ko ay ang mahalin mo ako.
Minsan naiisip ko na bumitaw pero pilit akong kumakapit ng mahigpit sa mga bagay na walang kasiguraduhan.
Naiinip ako pero gumagawa ako ng paraan para magtyagang mag hintay sa wala.
Iniisip ng utak ko na umayaw ngunit kinakaya pa rin ng puso ko na huwag tumigil sa pagtibok nito para sayo.
Ayaw ko ng mangarap, kahit iyon na lamang ang aking dahilan sa pag ngiti ko sa kawalan.
Dahil doon ko lang nararamdaman kung paano mo ako sabihan na ako lang ang iyong mahal.
Gusto kong maranasan ang ibigin ng kagaya mo.
Gusto kong maniwala sa mga mahika na magdudulot ng walang hanggang kaligayahan.
Dahil kung hindi man tayo ang itatadhana, gagawa ako ng mga bagay na imposible.
Hihinga ako sa tubig upang malaman mo na kaya kong isugal ang buhay ko para sayo.
Kakausapin ko ang hangin upang malaman mo na handa akong magpakatanga para sayo.
Kakain ako ng basag na baso upang malaman mo na namamanhid na ang puso ko dahil wala na itong maramdamang sakit.
Ikaw ang araw at ako naman ang buwan.
Sa iyo lang ako kumukuha ng liwanag.
Nagnanakaw ng sinag upang maipakita ko sayo, ang mga pangarap ko, dahil kasama ka doon.
Hinding hindi mo alam kung gaano ako kadilim kapag wala ka.
Dahil ako'y nagbabakasali na mahalin mo ang kagaya ko.
Kaya't sa huling pagkakataon, ako'y hihingi ng patawad.
Dahil hindi ako, at hindi ko kayang maging gusto mo.
Kaya sige, tatanggapin ko ang mga salita na lalabas sa iyong bibig.
Pero hindi ko tatanggapin ang katotohanan na ayaw mo sakin.
Kaya sana sa bawat kislap ng bulalakaw sa kalawakan, sana'y magkita tayong muli.
Pagtagpuin muli tayo ng landas, dahil baka sakali ikaw ay maging akin.
Baka sakali ako na ay iyong mahalin.
Dahil sa ating dalawa, wala namang kasiguraduhan.
Pero balang araw, magiging ikaw rin at ako sa dulo.