Chapter Five

70 2 0
                                    

dahil minsan, mas gusto nating 'wag na lang paniwalaan na ang lahat ay kasinungalingan lamang...

Nasa harapan niya ang mahabang kalsada na hindi niya alam ang tungo kung saan. Bagsak ang kanyang balikat habang pinagmamasdan ang buong kapaligiran. Walang mga kabahayan o establisyemento sa paligid ng kalsada. Magdidilim na ang kalangitan kaya't mukhang hihikbi na naman siya. Ano na naman ba itong ginawa niya? Itinuloy niya ang kanyang planong sumugod sa Sitio Puting Bato para sa walang kasiguraduhang pakay. Basta ang alam niya, kailangan niyang alamin kung nagsasabi ba ng totoo si Terrence na bawal daw maging kasintahan ng isang aeta ang isang hindi kasapi sa tribu. Napaikot siya ng mga mata. Bakit ba kasi pinakinggan niya ang bulong na iyon na nanggaling sa kung saan? May ganoon pa ba namang kalakaran sa panahon ng wattpad at viber? Sigurado siyang gawa-gawa lang iyon ni Terrence para makatakas sa relasyon pero hindi siya sigurado kung mapapanatili pa niya ang kanyang katinuan kung hindi masasagot ang kanyang mga katanungan. Kaya heto siya at mukhang naliligaw.

"Oh my God. Nasaan na ako?" kunot ang kanyang noo at lalong lumalakas ang kabog ng kanyang dibdib. Naiihi na nga rin siya sa kaba eh. Sigurado kasi siyang naintindihan niya ang direksiyong nakuha sa google map. Sa katunayan ay may sariling bersyon pa nga siya ng mapa nito na iginuhit niya sa isang kapirasong papel. Kaso hindi niya naisip na mahirap pala ang magcommute lalo na sa katulad niyang first time itong gawin sa labas ng ka-Maynilaan. Mataman niyang binasa ang bawat karatola na kanyang madaanan pagkalagpas niya kanina sa Laguna. Simula noon ay may kung anong lumilipad sa kanyang tiyan at hindi na siya mapakali. Nahihiya siyang magtanong sa may pagkamasungit na kondoktor baka masigawan siyang 'tanga' kaya sa katabi na lang siya nagtanong. Pero natatanga talaga siya sa pagkakataong iyon. Bakit ba kasi siya nagpadalos-dalos? Napakatapang niya nang wala sa lugar. Itinuro ng katabi niyang ale na doon sa panaderyang kanilang nadaanan kanina siya bababa at pagkatapos ay liliko sa kanan... o parang sa kaliwa, basta di niya kinlaro at bumaba na lang agad siya sa bus. Ngayon heto at naiiyak na siya. Kanina pa siya naglalakad sa daang walang dumaraan. Sinubukan niyang bumalik sa panaderyang kanyang binabaan kanina ngunit hindi na rin niya iyon matunton. "Hinayupak talaga ang Terrence na 'yan!" naluluha na siya. Para kasi siyang nasa horror film. Tanging ingay lamang ng panggabing kulisap at ng mga kuliglig ang kanyang naririnig. Nanghihina na ang kanyang mga tuhod. Nakasuot pa naman siya ng dress kung hindi ba naman tinamaan ng magaling. Pinakulot pa niya ang kanyang mahabang buhok at bahagyang nagpa-tan ng balat. Kulay dilaw ang damit niyang hanggang tuhod ang haba. May paru-paro pa siyang nakaipit sa kanyang buhok. May dala siyang maliit na roller bag na pinaglagyan niya ng mga gamit. Ipinasok na niya doon ang malapad na sun glasses kanina. Sinadya niyang magbalat-kayo ng bahagya. Ayaw niyang maging kapansin-pansin sa mata ng mga Aeta habang nag-iispiya siya sa klase ng pamumuhay na mayroon doon at malaon ay malaman kung totoo ba ang kuwentong bayan na marahil ay gawa-gawa ng lalaking dumurog ng kanyang puso at ang siyang dahilan kung bakit nagagawa niya ang mga ganitong bagay na ni sa hinagap ay di niya naisip.

"Mommy..." nagmamaktol na siya. Daig pa niya ang ugly duckling sa mga oras na iyon. Gusto na niyang umuwi pero matapang siya diba? Ngunit iba itong sinuong niya. "Ayoko na talaga! Lord, ibalik mo na ako sa bahay. Napapagod na itong mga binti ko, huhuhu!" sumalampak siya sa kanyang roller bag. Hanggang sa may isang grupo ng mga kambing ang dumaan sa kanyang harapan. Nabigla siya! Nabigla rin ang mga kambing. Unang pagkakataon iyong makakita siya ng buhay na kambing kaya't naalarma siya. Napamulagat siya ng mga mata. Bigla siyang tumayo kaya't mas lalong natakot ang mga kambing. Gumawa iyon ng mga ingay kaya't mas lalo siyang nasindak. Tumakbo siya papalayo sa mga ito hanggang sa–

"Oh! Sorry ate. Sorry sorry sorry..." natumba ang isang babaeng aeta. Alam niyang aeta iyon dahil sa pisikal nitong anyo. Natumba rin siya ngunit hindi gaanong matindi katulad ng nagyari sa aeta. Nagkalat din sa kalsada ang marahil ay paninda nitong mga Banana Q. Tumaob kasi ang hawak nito kaninang bilao. Tumayo siya kaagad habang sinulyapan ang naiwang bag hindi kalayuan sa kanila. Nandoon pa iyon. Lumapit siya sa babae. Inalalayan niya iyong makatayo. "Ok lang po kayo ate?" nababahala niyang sambit. Sa kabila ng pangyayari ay nakaramdam pa rin siya ng kapanatagan dahil sa wakas ay may kasama na siya sa mahabang daan na walang dumaraan.

His Peculiar Little Secrets [Watty's 2017]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon